Saturday, May 30, 2015

The Lost Film


CREEPYPASTA (THE SERIES) – Season 1
“The Lost Film”

ANG short video film na pinamagatang "Diana Meets The Strangers" ay naging viral sa internet at social media. Naging trending din ang topic na ito sa Twitter at kumalat sa YouTube at Facebook ang video ngunit walang makapagsabi kung ano ang dahilan ng paghahatid nito ng malas sa sinumang makapanood ng video na ito.
Ang short film na "Diana Meets The Strangers" ang isa sa itinuturing pinakanakakatakot na topic sa creepypasta ngayong panahong ito dahil ang sinumang maglakas-loob na panoorin ang nasabing video ay mabubulag at mamamatay.
At ang isa pang interesting na topic sa video na ito ay wala itong ending. Ayon sa description ng isang blog site kung saan nag-leaked ang video ay makakaligtas raw sa sumpang dala nito ang sinumang makahula sa ending ng video sa pamamagitan ng pagcomment ng kanilang mga hinulang sagot. Putol kasi ang huling part nito at ang tanging mapapanood sa ending credits ay "To Be Continued."
Bagamat viral na ang short film na ito ay may mga tao pa rin na hindi naniniwala sa sumpang pumapaloob dito kaya patuloy pa rin ang pagdami ng views ng video na ito.
Isa si Christine sa mga hindi naniniwala dito kaya nang makita niya ito sa isang post sa FB group na University of Horror Stories ay naglakas-loob siyang panoorin ang video.
Ayon sa description nito ay kailangang ipasa ang link sa sampung FB users bago panoorin ang video. Kaya ang ginawa ni Christine ay kinopya niya ang link at pinasa via private message sa sampung FB users kabilang na ang kanyang kapatid na si Ejay at ang boyfriend niyang si Owen.
Akmang ipi-play na niya ang video nang bumukas ang pinto ng kanyang kuwarto. Nang lingunin niya ang pinto ay nakita niyang nakatayo doon ang kapatid na si Ejay at nakabihis ito ng panlakad.
"Maiwan muna kita. Pupuntahan na namin kasi ng kaibigan ko 'yung trabaho na aaplayan namin. 'Yung tanghalian mo luto na at tinakpan ko na sa lamesa. Sige alis na 'ko," paalam ng binata at muli na nitong isinara ang silid. Hindi na niya hinintay ang itutugon ng kapatid.
Muling ibinalik ni Christine ang kanyang atensyon sa desktop niya sa kuwarto at ini-play na ang video.

"Sindikato Films Proudly Presents"

"The Lost Gang Film Production"

"A Film by John Rhey Verania"

"...Diana Meets The Strangers!"

Pagkatapos ng opening credits ay makikita sa unang segment ang isang pumaradang itim na van sa tabi ng tahimik na daan. Makikita sa video na may naglalakad na isang dalaga na may hawak na tungkod na kanyang ginagamit para kapain ang kanyang dinadaanan dahil bulag ito. Mukha namang tagaroon ang dalaga kaya kabisado na nito ang nilalakad kahit hindi nito nakikita.
Bumaba naman ang tatlong lalaking naka maskara ng halimaw na mukha at pagkatapos ay sinipa ng isa ang hawak na tungkod ng dalaga. Tumilapon ang tungkod sa damuhan at agad nilang pinagtulungang buhatin ang dalaga at dinala sa isang liblib na lugar sa malawak na damuhang iyon.
Sa pangalawang segment ng video ay makikitang pinapahirapan ng tatlong lalaki ang dalaga.
Inilabas ng lalaking nasa gitna ang kanyang baril at itinutok sa ulo ng dalaga. Idiniin pa niya iyon para maramdaman ng dalaga kung anong klaseng bagay ang nakatutok sa ulo niya. Wala namang ibang nagawa ang walang kamuwang-muwang na dalaga kundi ang magsisigaw, mag-iiyak at magpapadyak.
"Tulungan n'yo akoooo...! Sakloooo...!" halos maubos ang boses nito sa kakahingi ng saklolo pero bigong may ibang taong makarinig sa kanya maliban sa mga taong nasa harapan niya at nais siyang patayin ngayon.
Makikita sa video na naglalaban ang dalaga at kinakalmot niya ang anumang bahagi ng katawan na kanyang mahahawakan mula sa mga lalaking iyon subalit kung kailangan tumitindi na ang mga eksena ay saka pa lumitaw ang closing credits na "To Be Continued."
Nabitin tuloy si Christine. Naputol ang kanyang excitement na malaman kung paano namatay ang dalaga. Iyon din ang isang katanungan ng lahat ng mga taong nakapanood ng video. Paano pinatay ng tatlong lalaki ang dalagang bulag?
Mahina pa naman sa logic si Christine kaya halos wala siyang maisip na sagot kung ano ba talaga ang pagwawakas ng short film na iyon. Napakaiksi nito at bitin pa ang huli. Kahit sino ang makapanood niyon ay tiyak na maiinis dahil sa bitin nitong ending.
Dahil sa "to be continued" na closing credits ng video ay sinubukang hanapin ni Christine sa google ang kasunod nito pero wala siyang makitang part two ng video na iyon. Kung saan-saang video site na siya naghanap pero bigo siyang makita ang karugtong ng Diana Meets The Strangers. Nawawala ang ending nito at walang makahanap kung nasaan ang karugtong ng nasabing short film. Sadyang napakahirap hulaan kung paano pinatay ang dalaga sa huli. Maraming humula ng sagot na binaril daw ito sa ulo pero pawang mga mali ang lahat ng kanilang mga sagot dahil kumalat ang balitang namatay raw lahat ng mga taong nakapanood ngunit hindi nahulaan ang tamang ending ng video.
Ang hula naman ni Christine ay baka tinakot lamang ng lalaki sa baril nito ang dalaga pero ang tunay na nangyari ay hinubad ng tatlong lalaki ang kanilang mga maskara at lumantad ang tunay na pagkatao ng mga ito na isa palang mga bampira pagkatapos ay sinipsip nila ang dugo ng dalaga.
Mahilig kasi si Christine sa mga vampire stories kaya iyon ang pumasok sa utak niya. Iyon pa nga ang inilagay niyang sagot nang siya'y magcomment sa video na iyon sa Facebook pero alam niyang mali ang kanyang sagot.
Ang nasa kanyang isip ay wala namang masama manghula ng sagot. Tama man ito o mali ay wala siyang pakealam dahil hindi rin naman siya naniniwala sa sumpa ng video na iyon.
Ayon kasi sa kanyang research noon, karamihan sa mga creepypasta stories ay pawang mga kathang isip lamang ng mga taong gustong manakot sa pamamagitan ng online kaya kung anu-anong litrato, bidyo, at istorya ang ginagawa nila para mapansin lang ang nilalangaw nilang mga website.
Nangawit na ang mga mata ni Christine sa maghapong pagbababad sa computer screen pero bigo siyang mahanap ang karugtong ng video.
At nang makaramdam siya ng pananakit ng ulo ay tuluyan na niyang ini-shut down ang computer para makapagpahinga.
Lumingon siya sa bukas na bintana at tumingin sa malayo para mawala ang ngawit ng kanyang mga mata.
Pagtingin niya sa wall clock ay alas-dos na pala ng tanghali pero hindi pa siya nanananghalian dahil natuon ang kanyang pansin sa short film na iyon kaya bumaba na siya ng kuwarto para kumain.

NANG matapos na siyang mananghalian ay hinugasan niya ang pinagkainan at pinunasan ang lamesa. Habang naglilinis siya sa kusina ay unti-unti na lamang bumigat ang kanyang ulo at lumabo ang kanyang paningin.
Hindi niya maunawaan pero bigla na lamang siyang kinabahan at kinutuban. Huminto siya sa pagpupunas ng lamesa at lumakad ng dahan-dahan pabalik sa hagdan. Humawak siya ng mabuti sa magkabilang hawakan ng hagdan para hindi siya mawalan ng balanse. Bago pa man siya makatapak sa sahig ng pasilyo papunta sa kuwarto niya sa dulo ay ganap nang nagdilim ang kanyang paningin.
Ibig na niyang umiyak sa takot na baka may masamang mangyari sa kanya. Ang kaagad na pumasok sa isip niya ay ang diumanong sumpa sa short video film na kanyang pinanood kani-kanina lang.
Sising-sisi tuloy siya kung bakit pa niya iyon pinanood, pero huli na rin dahil nang sinimulan niyang ihakbang ang kanyang mga paa ay may natapakan siya na tila mga paa rin ng isang tao! Napakainit nito, para siyang nakatapak ng nagbabagang mga uling.
Halos mapalundag siya sa gulat. Naghari ang takot sa kanyang puso't isipan. Lalo na nang hawakan siya ng mga kamay na kasing init ng apoy. Ramdam niyang halos malapnos ang kanyang mga balat sa higpit ng pagkakahawak sa kanya ng nilalang na hindi niya nakikita.
Doon na sumigaw si Christine at bumitaw siya sa pagkakahawak ng mga kamay na iyon sa kanyang braso. Kinapa niya ang kanyang harapan habang patuloy pa rin sa pagsisigaw ng pautal-utal. May nakapa siyang kakaiba.Nang hawakan niya ito ay isang mahabang buhok iyon. Buhok ng isang babae! Bigla siyang itinulak ng babaeng iyon pababa sa hagdan. Nagpagulong-gulong siya at unang tumama sa lupa ang likod niya. Pakiramdam niya'y napatid ang kanyang hininga at hindi siya makapagsalita, hindi na rin siya makasigaw.
Mayamaya ay may humawak sa kanyang mga kamay na halatang nakasoot ng huwantes.
Narinig niya ang tawanan ng mga ito at naramdaman din niya ang bibig ng baril na itinutok sa kanyang ulo. Pamilyar sa kanya ang mga boses na iyon pati ang mga nagaganap na eksena dahil iyon din ang tawanan ng tatlong lalaking nasa video na kanyang napanood habang pinapahirapan ang bulag na dalaga.
Ngayon ay siya naman ang nabulag at pinapahirapan ng tatlong lalaki. Pilit siyang nagpumiglas pero naubos ang kanyang lakas dahil sa pagkahulog niya sa hagdan kanina.
Naramdaman niya ang pagtulo ng kanyang luha sa mga mata niyang hindi na nakakakita. Hindi na rin siya makapagsalita dahil naipit na ang boses niya sa lalamunan.
Pagkababa ng babae sa hagdan ay hinawakan niya ang ulo ni Christine at piniga nito ang mga mata ng dalaga. Literal na nadurog ang mga mata ni Christine at naglabas ito ng parang dilaw na kulay ng itlog kasabay ng pag-agos ng sariwang dugo na hinaluan pa ng nakakapasong init na nagmumula sa katawan ng babaeng hindi niya nakikita.
Nagsisigaw si Christine sa sobrang sakit pero walang boses na lumabas sa kanyang bibig. Nanginig na lamang ang mga kamay niya sa patong-patong na hapding nararamdaman.
Di niya alam, ang babaeng dumurog sa kanyang mga mata ay ang babaeng nasa video!
Gabi. Pagkauwi ni Ejay ay bumulaga sa kanya ang bangkay ng kapatid sa harap ng hagdan. Wala na itong buhay at lapnos ang mga braso nito. Durog din ang mga mata at halos natuyo na ang dugo sa sisidlan ng mga mata nito.
Bumigay ang mga tuhod ni Ejay at napaluhod siya sa sahig habang sindak na nakatingin sa bangkay ni Christine.
Imbes na sumigaw ay napaluha na lamang siya sa hindi inaasahang pangyayari.

HINDI maipaliwanag ng mga awtoridad kung sino ang pumatay kay Christine. Ang ebidensya na nakita nilang nagpapatunay na may nanloob sa bahay ay ang mga bakas ng paa na kulay abo na parang galing sa apoy na bumakas sa bawat baitang ng hagdan pero hindi nila nakita ang bakas na iyon sa lahat ng mga pintuan na puwedeng pasukin ng mamamatay tao. Kaya paanong sa hagdan lang bumakas ang mga paa nito at bakit kulay abo na parang sinunog? Paano ito nakapasok sa entrance ng bahay na hindi nag-iwan ng bakas? Napakahirap isipin at hulaan kung ano talaga ang nangyari kay Christine. Si Ejay naman ay nakatunganga pa rin sa isang tabi at patuloy na umiiyak habang naghihintay kung ano ang sasabihin ng mga pulis. Pero sa huli ay sinabi ng mga ito na babalik na lamang daw sila bukas para ipagpatuloy ang imbestigasyon. Sa ngayon ay dinala muna nila ang katawan ng dalaga sa medico legal para maimbestigahan na rin kung saan galing ang mga lapnos nito sa braso pati ang durog nitong mga mata.
Parang gustong mabuwisit ni Ejay sa imbestigasyong iyon ng mga pulis na wala pang kasagutan. Makikita sa mga mata niya ang pagkabuwisit na parang gusto niyang lumamon ng tao. Pero pinilit na lamang niyang magtimpi at magpigil ng kanyang galit para maiwasan niyang mapagsalitaan ng hindi maganda ang mga ito.
Lumipas ang dalawang linggo, hanggang sa mailibing na lang ang katawan ni Christine ay nanatiling palaisipan sa mga pulis ang nangyari at hanggang ngayon ay wala paring napupuntahang mabuti ang kanilang imbestigasyon. Ang lahat ay nanatiling tanong at wala pang mga kasagutan.
Ang katotohanan dito ay isa na rin si Christine sa mga biktima ng sumpa ng video na iyon. Ang mga biktima lamang ang nakapagpatunay na totoo ang sumpa dahil sa sinapit nila pero hindi na nila ito mailalahad pa sa publiko dahil patay na rin sila. Ang mga tao naman na hindi pa napapanood ang video ay isip pa rin ng isip kung totoo ba talaga ang sumpa sa video na iyon. Pero sa kabila ng lahat ay wala pa ring nakatuklas sa tunay na ending ng nasabing video.
Dahil lingid sa kaalaman nila, ang lahat ng mga kaganapan bago mag-leak sa internet ang video film ay napakasaklap.
Kung alam lang nila, ang video na iyon ay mula sa direksyon ni John Rhey Verancia, ang lider ng "The Lost Gang" na kanilang binuo para sa bagong modus nila.
Ang temang "lost gang" ay tungkol sa mga halimaw na naligaw at napadpad sa mundo ng mga tao, at kaya sila may mga halimaw na maskara ay para magsilbing simbolo kung gaano kabangis ang kanilang gang na talagang dapat katakutan ng kahit sino. Ang modus nila ay pumatay ng mga taong may kapansanan tulad ng mga bulag, pipe, at mga pilay dahil para sa kanila ay mas madaling patayin ang mga may kapansanan dahil walang kakayahan na makapaglaban ang mga ito.
Makikita ba ng mga bulag kung may papalapit nang trahedya sa kanilang buhay?
Makakapagsumbong ba sa mga pulis ang mga pipe?
Makakatakbo o makakatakas ba ang mga pilay?
Malamang ay hindi.
Ang short video film na ginawa ng grupong Lost Gang ay hindi lamang basta video. Dahil ang lahat ng mga naganap sa bidyong iyon ay aktwal na nangyari, pati ang pagpatay nila sa bulag na dalagang naabutan nilang naglalakad noon sa daan na nagngangalang si Diana Mae De Leon.
Ang dalawang lalaki na kasama ni John Rhey sa video ay sina Jester Calixto at Jennrick Mendoza alyas Tyrone. Ang pangalan naman ng isa pa nilang kasamahan na naging editor at camera man sa nasabing short film ay si Josh East Wood na may brain tumor.
Habang kinukunan ni Josh ng video ang pagpapahirap ng tatlo niyang kasamahan sa dalagang si Diana ay nakita din niya ng live sa kanyang mga mata ang mga sumunod na nangyari pagkatapos ng taping.
Pilit na nagpupumiglas ang dalaga sa tatlong lalaki na hindi nakikita ng kanyang bulag na mga mata. Nang tutukan siya ng baril sa ulo ni John Rhey ay sinubukan niyang agawin iyon pero agad inilayo ng lalaki para hindi makuha ng mga kamay ng dalaga na halatang galit na galit.
Nagkataong nakapa ni Diana ang mga nakasabit na armas sa sinturon ni John Rhey. May nabunot siyang isa sa mga ito at hindi na iyon gaanong namalayan ng lalaki dahil nakapokus ang kanyang atensyon sa panggugulpi sa dalaga. Hindi alam ni Diana kung ano ang nabunot niyang iyon na hugis oblong pero inakala niyang wala iyong magagawa para mailigtas siya kaya hinagis na lamang niya ito at nanlaban na lamang siya sa tatlong lalaki gamit ang kanyang mga kamay. Lingid sa kaalaman niya na bomba ang nahagis niyang iyon! Tumilapon iyon malapit lang din sa kanila!
Nanlaki ang mga mata ni Josh nang makita ang bumagsak na bomba sa lupa kaya hindi na niya tinapos ang pagrecord ng video. Agad siyang tumakas para makaligtas.
Nang makalayo na siya ay sakto namang sumabog ang bomba at kasamang natupok ng apoy ang tatlong lalaki kasama ng dalaga. Pare-pareho silang namatay sa apoy at iyon ang tunay na ending na hindi na nakunan pa sa video.
Kinagabihan ay naging balisa si Josh dahil sa nangyari. Habang ine-edit niya sa computer ang mga video clips na nairecord niya ay nakakaramdam siya ng panlalamig at hilakbot.
Nagtataasan ang mga balahibo niya sa di malamang dahilan pero pinilit pa rin niyang tapusin ang kanyang trabaho. Katunayan ay nagdadalawang isip pa nga siya kung tatapusin pa ba niya ang video na iyon gayong wala na ang mga kasamahan niya.
Sa kalagitnaan ng kanyang pag-eedit ay naisipan niyang putulin ang huling part ng video kung saan nawala sa pokus ang camera dahil sa paghagis ni Diana sa bombang nabunot nito malapit sa bulsa ni John Rhey. Nilapatan na lamang niya ito ng "To Be Continued" na closing credits dahil nang mga oras na siya'y balisa at magulo ang kanyang isip ay wala na talaga siyang maisip na ilalagay sa closing credits.
Pagkatapos niyang maisaayos ang video film ay agad niya itong ini-upload sa blog site ng kanilang gang na may username na "TheLostGang666" at nilagyan din niya ito ng kasinungalingang description na mamamatay ang sinumang makapanood sa video na iyon. Ang totoo ay gawa-gawa lang niya iyon. Naisipan lang niyang lagyan ng ganoon dahil 'takot' ang aurang nararamdaman niya noon.
Pagkatapos ng sampung minutong pagkaka-upload nito ay pinanood rin niya ang video para makasiguradong maayos ang pagkakalagay ng mga credits dito pati ang tamang timing ng sound effects sa bawat eksena.
Habang pinapanood niya iyon ay nangingilabot siya.Ewan ba niya pero iba ang nararamdaman niya. Pakiramdam niya'y merong hindi magandang mangyayari sa kanya dahil sa pag-upload niya ng videong pinamagatan niyang Diana Meets The Strangers.
Nang matapos niyang panoorin ay nagsimulang magpatay sindi ang ilaw. Heto na nga ba ang kinatatakutan niya? Nagsimulang pagpawisan ang kanyang ulo dahil sa takot. Pinapawisan siya pero hindi naman siya naiinitan at hindi rin giniginaw bagamat biglang humangin sa loob ng kanyang kuwarto kahit nakasara ang mga bintana at pintuan.
At nagkataon naman na sumumpong ang isa sa mga sintomas ng kanyang brain tumor, ang panlalabo ng kanyang paningin. Kasunod pa niyon ay ang tuluyang pagpatay ng ilaw pati na ang computer. Doon na kumalat ang takot sa kanyang katawan na nagmula sa kanyang puso at umakyat hanggang sa utak.
Nag-umpisang uminit ang temperatura sa kanyang kuwarto. Para bang nagliliyab iyon sa init.
Bago pa siya himatayin sa takot ay agad siyang lumabas sa kanyang kuwarto para takasan ang nagbabadyang lagim ngunit lalo pang lumala ang sintomas ng tumor sa kanyang utak kaya tuluyang nagdilim ang kanyang paningin at naging dahilan ng pagkatalisod niya habang bumababa ng hagdan kaya nahulog siya doon at nabagok ang ulo niya sa sahig.
At pagdilat niya ay wala na siyang makita dahil bukod sa nagdilim ang paningin niya ay brownout pa. Di niya alam na nasa harapan na niya sina John Rhey, Jester at Jennrick na nakalukob sa kanya, soot ng mga ito ang kanilang mala-halimaw namaskara na halatang nangitim din dahil sa apoy. Kasama pa nila ang dalagang bulag na naging biktima ng kanilang modus, pero ngayon ay si Josh naman ang biktima dito. Sinamantala ng babae ang pagkakataon para durugin ang mga mata nito dahilan ng tuluyang pagkabulag ni Josh.
Sa pagkamatay ng binata ay nagkatotoo ang description na nilagay niya sa video film. At hindi lang iyon, dahil bago patayin ng makapangyarihang sumpa ang mga taong nakapanood sa video ay bubulagin muna nila ito katulad ng sinapit ni Josh bago ito namatay.
At dahil pare-parehong hindi nakaligtas ang tatlong lalaki at ang bulag na dalaga sa pagsabog ng bomba ay nabihag ngayon ng sumpa ang isip ng kaluluwa nilang apat kaya naging isa ang hangarin ng mga ito na pumatay sa pamamagitan ng video film na iyon.
At iyon ang buong katotohanan na habambuhay nang mawawala kasama ng ending ng video film at wala nang sinuman ang maaaring makatuklas sa katotohanang iyon dahil ang taong may hawak ng sagot ay matagal na ring patay, walang iba kundi si Josh. Isang taon na ang nakalilipas matapos mai-upload sa internet ang short video film na iyon.

SAMANTALA, unang araw ni Ejay sa kanyang trabaho bilang graphic designer at editor sa Young Magazine. Gabi na ng mga oras na iyon pero abala pa rin siya sa pagtatrabaho sa kanyang opisina. Habang nag-eedit siya ng mga magazine cover ay nag-online naman siya sa Facebook sa kabilang window ng gamit niyang browser.
Una niyang tinignan ang mga unread messages. Nagtaka siya sa mensahe na ipinadala sa kanya ng yumaong kapatid na si Christine Mae Nitura. Nang makita niya ang petsa ng mensahe nito, dalawang linggo ang nakakaraan nang ipadala ito sa kanya bago ang petsa ng kamatayan ng kanyang kapatid. Sa labis na pagtataka ay hindi nagdalawang isip si Ejay na basahin iyon. Napaisip tuloy siya kung bakit pa siya padadalhan ng mensahe sa Facebook ng kanyang kapatid gayong magkasama naman sila palagi sa bahay.
Nang mabasa niya ito ay wala naman pala itong kwenta. Isa lamang itong video link na hindi naman niya alam kung tungkol saan kaya ang kanyang pagtataka ang nag-udyok sa kanya para tignan ang link na iyon. Agad itong nagdirect sa kabilang tab. Nang tignan niya ay isang horror short video film iyon na may pamagat na "Diana Meets The Strangers."
"Ano 'to?" natanong niya sa sarili bagamat alam niyang horror iyon. Tulad ng kanyang namayapang kapatid ay hilig rin niya ang manood at magbasa ng mga nakakatakot kaya hindi niya napigilan ang sarili na i-play at panoorin ang video na iyon!

- The Lost Film -
***THE END***

Written by Daryl Makinano Morales

Tuesday, May 26, 2015

Zombies VS Cannibals


CREEPYPASTA (THE SERIES) – Season 1
“Cannibal VZ Zombies”

PATUNGO ang van na minamaneho ni Dr. Chad Oblina sa pinakamalaki at pinakalumang gubat ng pilipinas at may kasabay silang isang malaking truck na nasa kanilang likuran. Ang nagmamaneho naman doon ay ang driver na si Kevin Rae Valencia kasama niya ang traveller na si Rommel Atienza.
Sa van naman ni Dr. Chad ay kasama niya ang dalawang assistant na sina Rick Andres at Jinky Quimosing na magkatabi sa dulo ng van.
Makalipas ng halos apat na oras nilang biyahe ay narating rin nila ang pinakamalaking gubat ng pilipinas. Bagamat may kalumaan na ito at dinaanan na ng maraming henerasyon, malaki pa rin ang pakinabang nito kay Dr. Chad.
Pagkababa nilang lahat sa mga sinasakyan ay nagtipon silang lima para sabay-sabay na pasukin ang gubat.
"Sigurado ka ba na wala nang nagmamay-ari ng teritoryong ito, Rommel?" tanong ni Dr. Chad.
"Base sa research ko, wala naman akong nakitang mga pangalan o mga company na nagma-may-ari ng gubat na ito, sir. This forest was already dead five years ago. Wala ng masyadong mga buhay na punong makikita dito na puwedeng pakinabangan ng mga tao at kung meron man, tiyak kong mga hayop na lamang ang nakikinabang dito," paliwanag ni Rommel na hawak pa ang kanyang tablet na ginagamit niya sa pagreresearch.
"That's good. Ang mga hayop ang puwede nating ipakain sa mga alaga ko," anang duktor.
Si Dr. Chad ay isang scientist at isa ring duktor. Nagtapos siya ng kolehiyo sa isang malaking unibersidad sa states.
Katunayan ay may isang di pa natatapos na malaking labolatoryo si Dr. Chad na ipinapagawa ngayon dito sa pilipinas kaya naghanap siya ng isang tago at tamang lugar para pagsamantalang tirhan ng kanyang mga alagang buhay na mga bangkay.
Sa states niya natutunan kung paano gumawa ng isang uri ng gamot na kayang buhayin ang mga taong malapit nang maagnas.
Ang gamot na iyon ang bumubuhay sa mga ito at dalawang beses sa isang linggo kung bakunahan ni Dr. Chad ang mga bangkay na nakolekta niya at ng kanyang mga tauhan para manatiling buhay ang mga ito.
Isa ang gamot na kung tawagin ay Hyperotestimus sa kanyang pinakamatagumpay na eksperimento kung saan ang mga imposibleng bagay at hindi pinaniniwalaan ng mga tao ay nakakaya niyang gawing makatotohanan at bigyan ng buhay.
Nakakulong ang mga zombie na iyon sa truck na pag-aari rin niya.
"Ano na, sir? Pakakawalan na ba natin ang mga zombie sa gubat? Kanina pa sila pukpok ng pukpok sa likod ng truck," tanong ng driver na si Kevin.
"Mamaya na. Nandito pa lang tayo sa entrance ng forest. Sa tingin ko dapat magpunta pa tayo sa kadulu-duluhan para siguradong walang ibang makakita sa kanila kundi tayo lang," anang sayantipikong duktor.
"Tamang-tama ang napili mong lugar, Rommel. Sariwa ang hangin dito.Makabubuti ito para panatilihing maging stable ang breathing ng mga zombies. Let's go." Sumakay muli si Dr. Chad sa kanyang van para puntahan ang pinakadulo ng gubat. Sumakay muli sina Kevin at Rommel sa truck para sundan ang kanilang boss.
Pagkalipas ng kalahating oras ay narating rin nila ang kadulu-duluhan ng gubat gamit ang sasakyan.
Ibang-iba ang hitsura ng dulo ng gubat kumpara sa mga nadaanan nila kanina. Marami pa palang mga buhay at matataas na puno rito. May batis rin silang natagpuan at maraming mga daanan patungo sa iba pang dako ng gubat na iyon. Sa sobrang laki ay para silang naligaw nang sila'y bumaba sa kanilang mga sasakyan. Nilibot nila ng tingin ang buong kapaligiran. Walang humpay ang ihip ng sariwang hangin at nagliliparan naman ang mga ibon sa taas ng puno.
"It's a perfect place for everything," komento ni Jinky Quimosing, ang female assistant ni Dr. Chad na galing naman sa America.
"You're right. Kahet seno pwede tomera ditow dahil preskow," komento naman ng male assistant ni Dr. Chad na si Rick Andres na isa ring American Scientist Student na katulad ni Jinky. Nakapagsasalita na rin ng kaunting tagalog si Rick dahil sa kanyang matagal na paninilbihan kay Dr. Chad dito sa pilipinas pero hirap pa rin ang kanyang dila na bumigkas ng tamang balangkas ng wikang tagalog.
"Very peaceful place. No one can caught us here," ani Dr. Chad.
"Puwede mo na silang pakawalan," utos ng sayantipikong duktor kina Kevin at Rommel.Agad namang kumilos ang dalawang lalaki at binuksan ang kandado ng likod ng truck. Inihanda na ng dalawa ang kanilang sayantipikong latigo na inimbento ni Dr. Chad para paluin at pasunurin ang mga zombies dahil paminsan-minsan ay nawawalan pa rin ng kontrol ang mga ito at nangangagat ng tao.
Iniiwasan nila Kevin na walang makagat ang isa sa kanila dahil ayon kay Dr. Chad, ang gamot na bumubuhay sa mga bangkay na ito ay isa ring lason na nakamamatay kaya mahigpit ang bilin nito na alagaan mabuti ang mga zombies at huwag nila hayaang may makagat ang mga ito.
Sunod-sunod na naglabasan ang mga zombies na hindi lalagpas sa 50 ang bilang. Para silang mga aso na pinakawalan. Nagtatakbo kung saan-saan at muntik nang makalayo. Hinabol naman nina Kevin at Rommel ang mga ito at pinagpapalo ng latigo. Mabisa ang latigo na iyon na kapag naipalo sa mga zombies ay matatahimik ang mga ito at mag-iistay sa kinatatayuan.
Mayamaya lang ay inutos ng sayantipikong duktor na ipasok na muli ang mga zombie sa likod ng truck.
"Dr. Chad, this forest is very different," ani Rick matapos obserbahan ang paligid.
"What do you mean?"
"It's kinda weird. Para bang mey mga nakatera na ditow na hinde lang naten nakeketa. Baka this forest is belong to somebody,"
Natawa si Dr. Chad.
"What are you talking about? This forest is dead. Wala ng nakatira dito at imposibleng may taong tumira sa dulong parte ng gubat," tinagalog na lamang niya upang masanay at mahasa ang binata sa wikang tagalog.
Matapos maipasok muli nina Kevin at Rommel ang mga zombies sa likod ng truck ay nilapitan nila si Dr. Chad at nagpaalam na lilibutin lamang ang iba pang sulok ng gubat na iyon at baka may madiskubre pa silang maaaring makatulong sa eksperimento na kanilang gagawin.
Pinayagan naman sila ng sayantipikong duktor kaya agad na silang umalis.

"PARE, sa tingin mo ba may mahahanap tayong puno dito na may mga bunga ng prutas? Nagugutom na kasi ako kanina pa," untag ni Rommel kay Kevin.
"Ewan ko. Ngayon pa lang kasi ako nakapunta ng gubat. Pero sa tingin ko wala dahil sino naman kaya ang magtatanim ng puno na may prutas sa ganito kaliblib na lugar," sagot naman ni Kevin.
Napatawa si Rommel sa sinabi ng lalaki.
"E, itong mga puno sa paligid?Sa tingin mo ba hindi ito tutubo kung walang mga taong nagtanim?"
Hindi nakasagot si Kevin. Ang kanya sanang isasagot ay hindi niya napakawalan sa kanyang bibig.
Habang naglalakad sila ay bigla na lamang may malaking itak ang tumama sa ulo ni Rommel, dahilan ng pagdugo ng kanyang ulo at pagbagsak ng katawan sa lupa. Nagulantang si Kevin at nagtatakbo pabalik kina Dr. Chad matapos makita si Rommel na may taga ng malaking itak sa ulo. Ni hindi na niya ito nagawang itayo at itakas dahil baka pati siya ay tagain din ng itak. Napahinto siya sa pagtakbo at binalikan ng tingin si Rommel dahil may narinig siyang mga taong papalapit sa kinaroroonan nito. Nakita niya ang mga taong iyon na nakabahag lamang at may dalang mga matutulis at mahabang kawayan at mga patalim. Tinanggal nila ang itak na nakabaon sa ulo ni Rommel pagkatapos ay hiniwa ng isa ang leeg ng lalaki. Nanlaki ang mga mata ni Kevin nang makita kung paano biyakin ng mga taong iyon ang ulo ni Rommel at kinain ng mga ito ang utak, mata at mga maliliit na lamang-loob loob ng lalaki sa ulo nito. Pinagpuputol naman ng apat na mga lalaking nakabahag ang mga braso, kamay, hita, at tuhod ni Rommel saka nila ito dinala patungo sa lungga nila.
Ibig masuka ni Kevin sa nakita. Sindak na sindak siya kaya muli siyang tumakbo para makatakas. Napakabilis ng kanyang pagtakbo. Para siyang hinahabol ng daan-daang itak na handang hiwain ang kanyang leeg.
Nang makarating siya kina Dr. Chad ay pawis na pawis ang mga ito at bakas sa kanyang mukha ang takot.
"U-umalis...na...tayo...d-dito!" utal-utal na wika ni Kevin, nanginginig pa ang mga kamay at tuhod niya at hindi mapakali.
Nataranta naman sa kanya ang tatlo.
"What happened to you?" untag sa kanya ni Jinky. Inabutan naman siya ni Rick ng isang maliit na bote ng tubig. Naubos pa niya ang bote bago siya nakaramdam ng ginhawa at kumalma.
"Sir Chad. Umalis na tayo dito. K-kanina habang naglalakad kami ni Rommel ay may umatake sa kanya. Mabuti na lang at nakatakas ako kaagad. May mga nakatira pa pala dito sa dulo ng gubat. Mga tao sila na kumakain ng kapwa tao. M-mga kanibal!" bulalas ni Kevin.
"Ano?!" sambit ni Dr. Chad. Nagulat ang tatlo sa kanilang narinig.
"Ano ba 'yang sinasabi mo, Kevin? Seryoso ka ba?" dudang tanong ni Dr. Chad sa kanya.
"Mukha ba akong nagbibiro, sir? Halikayo sumama kayo sa akin para makita n'yo!" wari'y hamon ni Kevin sa tatlo. Muli itong naglakad papunta sa pinuntahan kanina. Wala namang nagawa ang tatlo kundi ang sumunod dahil sa taranta na rin kay Kevin.
"I'm scared..." umaarteng sambit ni Jinky habang sila'y naglalakad.
"There's nothin' to be scared of. We're here together," sabi naman sa kanya ni Rick.
"Ano ba talaga 'yung nakita mo kanina, Kevin?" parang gusto nang maniwala ni Dr. Chad sa mga sinabi ni Kevin kanina.
"Mga kanibal, sir. Pinaghahati nila 'yung katawan ni Rommel kanina at dinala nila papunta roon." Itinuro ni Kevin ang matulin na daan na tila patungo sa isang lihim na lugar ng gubat na iyon.
"Dapat siguro isinama natin dito 'yung mga zombies para kahit papaano may maipanlalaban tayo. 'Di ba kumakain din ng tao ang mga zombies?" suhestyon ni Kevin sa sayantipikong duktor.
Saglit na napaisip si Dr. Chad pero sumang ayon din siya sa suhestyon ni Kevin.
"Tama ka! Kailangan nating mapapunta 'yung mga sinasabi mong umatake kay Kevin sa basement natin pagkatapos ay saka natin pakakawalan 'yung mga alaga ko. Parang aso din ang mga iyon na kapag nakakita ng ibang nilalang sa paningin nila ay kakagatin nila," ani Dr. Chad.
"Let's walk faster!" singit ni Rick.
Sa loob ng halos kalahating oras na paglalakad ay natunton din nila ang lugar na kanilang hinahanap. Natatakpan iyon ng malalaking mga damo at mga patay na punong pinagpatong-patong na ginawang harang para walang sinuman ang basta-basta makapunta doon. Maingat na umakyat at kumapit ang apat sa katawan ng mga nakahigang patay na puno saka sila sumilip.
Nakita nila na maraming mga taong nakabahag ang naroroon. Ang iba ay nagpuputol ng mga kahoy. Ang iba naman ay nagluluto ng nilagang tao sa isang malaking kawa. Sa bandang kanan ay nakita nila ang dalawang babaeng negro na abala sa pagkakatay sa katawan ni Rommel. Ang soot nitong damit ang ginawa nilang sapin sa lamesang kahoy.
Ibig bumaligtad ng kanilang sikmura. Nakita nila kung paano tabasin ng mga ito ang dila ni Rommel sa pugot nitong ulo na dilat pa ang mga nakatirik na mata. Ang puso nito ay nakalagay sa isang bawl na yari sa kahoy kasama ang mga atay nito at mga bituka. Ang mga batang negro naman ay kasalukuyang kumakain at pinapapak ang iba pang mga lamang-loob na galing naman sa ibang tao na marahil ay naligaw din doon noon.
Hindi kinaya ni Jinky ang nasaksihan. Bumaba siya kaagad at dumuwal. Diring-diri siya sa nakita.
Mayamaya ay nagsisigaw si Jinky.Sa pagkagulat ay agad bumaba ang tatlo. Pagharap nila ay nakapalibot na sa kanila ang limang mga taong kanibal. May hawak na itak at matutulis na kahoy ang mga ito. Nanlilisik ang mga mata at halatang galit na galit.
"Teritoryo namin ito! Bakit kayo nandito?!" galit na tanong ng isang lalaki na may hawak na itak.
"Wala kayong lugar dito!" lakas loob nasabi ni Kevin. Humugot siya ng lakas para sugurin ang isang lalaki at agad niya itong sinuntok at sinipa hanggang sa mabitawan nito ang hawak na itak. Kinuha agad iyon ni Kevin saka niya sinenyasahan ang mga kasama na tumakbo.
Nataranta naman ang mga taong kanibal dahil sa biglaang pagsipa at pagtakbo ng mga kasama ni Kevin. Sabay-sabay silang kumaripas ng takbo.
Hinitsa ng isang lalaki ang matulis at mahabang kahoy sa kanilang apat pero ang natamaan ay ang male assistant ni Dr. Chad na si Rick. Bumaon ang bunganga ng kahoy sa kanyang batok at lumusot iyon sa harap ng kanyang leeg. Napasigaw silang tatlo pero saglit lang iyon. Muli silang nagpatuloy sa pagtakbo para makaligtas lalo na't hinahabol na sila ng iba pang mga kanibal. Pati ang mga kanibal na nasa loob ng lungga ay nagsilabasan na rin para tumulong sa paghabol sa tatlong taong naligaw sa kanilang lugar.
Hinayaan na nila Kevin na pagpiyestahan ng mga taong kumakain ng kapwa tao ang katawan ni Rick. Sa pamamagitan ng itak ay hiniwa ng mga ito ang tiyan ni Rick at dinukot ang mga bituka. Dinukot naman ng isa ang mga mata ng lalaki atsaka kinain.
Nang makabalik na ang tatlo ay agad pinakawalan ni Kevin ang mga zombie sa likod ng truck. Parang mga aso na nagsilabasan ang mga ito. Sobrang likot at halatang gutom na gutom na.
Ilang sandali lang ay nasundan rin sila ng mga kanibal. Marami-rami din ang mga ito. Bahagyang napaatras ang mga ito nang lapitan sila ng mga zombie. Matatalim ang titig ng mga ito at pagkain ang tingin nila sa mga kanibal na iyon.
"Grrrrwwwhhh..." sabay-sabay naungol ng mga ito.
Sinakal ng isang babaeng zombie ang kaharap niyang kanibal pagkatapos ay kinagat niya ito sa leeg. Ipinasok ng zombie ang kanyang mga kamay sa bunganga ng kanibal saka niya ito buong puwersang biniyak. Humiwalay ang ulo ng kanibal sa panga nito.
Napaatras muli ang mga kanibal nang makita nila kung paano lamutakin ng zombieng iyon ang isa sa kanilang kasamahan.
"Teritoryo namin ito! Hindi kami papayag na mawalan ng tirahan at maubusan ng lahi!" anang isang matabang lalaki na may hawak na matulis na kahoy. Iyon ang kanilang pinuno. Ang pinakamasiba at malaking bulas na kanibal sa kanilang angkan.
"Sugurin natin sila!" makapangyarihan nitong utos.
Sumugod naman ang mga kanibal sa mga zombies gamit ang kanilang mga armas na itak at mga matutulis na kahoy.
Nagtago naman sa likod ng puno sina Dr. Chad, Jinky at Kevin habang pinapanood ang madugong laban na iyon.
Higit na mas malakas ang mga kanibal kaysa sa mga zombies. Palibhasa'y gamot na lamang ang bumubuhay sa mga ito at hindi pa sila makakilos ng maayos dahil sa papaagnas nilang mga katawan kaya mabilis na natalo sila ng mga kanibal. Nilamutak nila ang mga buhay na bangkay. Mas madali nilang nahiwa at nakain ang katawan ng mga ito dahil wala na itong dugo at mga lamang loob sa katawan.
Di nagtagal ay namatay lahat ang mga zombies at naging tanghalian ng mga gutom na kanibal. Sila ang nagwagi sa labang iyon.
"Oh my... We are in danger!" tarantang sabi ni Jinky. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang papalapit na sa kanila ang mga kanibal na halos hindi mapawi-pawi ang gutom. Tumatawa pa ang mga ito habang papalapit sa kanilang tatlo.
Nataranta sina Dr. Chad. Hindi na nila alam kung paano pa sila makakatakas gayong nakapalibot na ang mga kanibal sa kanila.
Lumulundag sa takot ang kanilang mga puso.
Nang sugurin na sila ng mga kanibal ay wala na silang ibang nagawa kundi ang sumigaw pero nagtaka sila dahil bigla na lamang huminto ang mga kanibal. Nag-umpisang magsuka ng kulay berdeng likido ang mga ito at nangisay sa lupa. Nagulat doon si Dr. Chad at may naalala siya.
"A-ayan ang gamot na itinurok ko sa katawan ng mga zombie! Nilalason na ng gamot na hyperotestimus ang katawan nila!" bulalas ni Dr. Chad.
Walang patid ang pagsuka ng berdeng likido ng mga kanibal. Pati mga maliit nilang lamang loob ay isinuka nila dahil sa bagsik ng gamot na hyperotestimus.
Iyon ang isang pagkakamali ng mga kanibal. Hindi nila alam na lason sa kanilang katawan ang gamot na bumubuhay sa mga zombies. Kumapit ang gamot pati sa balat ng mga bangkay kaya nang kainin sila ng mga kanibal ay nahawa rin ang katawan nila sa gamot na dumadaloy sa katawan ng mga zombies, dahilan ng pagkalason ng mga masisibang kanibal.
Tulad ng mga zombie kanina ay namatay rin silang lahat at walang natira. Patas na ngayon ang laban. Walang nanalo. Naubos rin ang lahi ng mga kanibal dahil sa pagkain nila sa mabangis at nakamamatay na mga zombie.
Pagkatapos ng mala-pelikulang pangyayari ay napatunganga na lamang sina Dr. Chad, Kevin, at Jinky sa kanilang kinaroroonan. Para silang na-trauma at hindi makapagsalita. Pawis na pawis at hingal ng hingal.
Hindi nila alam kung gaano sila katagal nakatulala doon pero nang maka-rekober ay nakatayo na rin sila at bumalik sa sasakyan para lisanin na ang lugar na iyon.
Ang madugong pangyayaring iyon ay hinding-hindi malilimutan ni Dr. Chad sa kanyang buhay bilang isang scientist.

- Cannibal VS Zombies -
***THE END***
Written by Daryl Makinano Morales​

Thursday, May 21, 2015

Bite


CREEPYPASTA (THE SERIES) – Season 1
“Bite!”

SI Aira na ngayon ang nakatira sa bahay ng kanyang kaibigang si Daireen na kakaalis lang kahapon para magpunta sa Canada dahil doon raw gaganapin ang kasal ng napangasawa nitong Canadian. Katunayan ay nakikitira lamang sina Aira at ang dalawa niyang anak sa bahay ng kaibigan dahil nilayasan niya ang kanyang asawa na kasama ngayon ang kabet nito sa dating bahay nila.
Kaya naman sa pagpunta ni Daireen sa Canada, kay Aira na lamang niya ipinagkatiwala ang bahay para magamit din naman ito kaysa naman sa iwan niya na walang nakatira. At isa pa, wala ring ibang matitirhan sina Aira maliban kay Daireen, kaya ngayon ay si Aira ang pansamantalang nagmamay-ari ng bahay.
Iniwan pa ni Daireen ang laptop niya sa kaibigan at sinabi nitong bibili na lang ulit siya ng bago pagdating sa Canada para makapag-usap din sila gamit ang internet.
Isang gabi ay naisipan ng batang si Doreen na akyatin ang third floor ng bahay. Sa loob ng dalawang buwan na paninirahan nila doon ay hindi siya kailanman pinayagan ng ina na umakyat sa ikatlong palapag dahil delikado raw doon kung kaya't nagkaroon siya ng dahilan para pagtakahan kung ano ba ang naroroon. Nilakad niya ang pasilyo ng second floor kahit walang ilaw doon at ang paligid ay natatakpan ng dilim.
Matagumpay niyang narating ang ikatlong palapag ng bahay. Ngayon lang niya natuklasan na bakanteng kuwarto pala iyon at natatakpan ng dingding na kahoy ang paligid. Puro mga sako at lumang mga karton lang ang makikita doon na pinaglalagyan ng mga sirang gamit. Wala ring saraduhan ang bintana kaya malaya siyang nakasilip doon.
Pagdungaw niya ay nakita niya ang bubong ng ikalawang palapag ng bahay. Puno ito ng matatalas na pako kaya walang sinuman ang maaaring umakyat at tumapak doon dahil tiyak na sugatan ang mga paa nila.
Walang magawa si Doreen kaya kinalkal niya ang laman ng mga karton bagamat napupuno ito ng mga alikabok. Pero bigo siyang makahanap ng mapag-iinteresan niyang kunin dahil ang laman lamang ng mga kahon ay mga sirang parte ng aplayanses.
Sunod niyang tinignan ang laman ng sako. Napangiti siya ng makitang mga laruan ang laman niyon. Mga toy car, lutu-lutuan at ang isa pang umagaw sa kanyang atensyon ay ang barbie doll na may nakakatakot na mukha dahil drinowingan ito ng malaking bibig kaya nabura tuloy ang ganda nito. Pero hindi iyon mahalaga kay Doreen. Ang mahalaga ay hindi pa sira ang manika at buo pa ang mga parte ng katawan. Katunayan ay nagustuhan nga niya ang itsura ng barbie na iyon dahil hilig din niya ang mga scary at creepy stuff.
Napaisip tuloy siya kung sino ang nagdrowing ng ganoon sa bibig ng barbie doll kaya sinubukan niyang hipuin ito pero nang itutok na niya ang hintuturong daliri sa bibig ng manika ay bigla itong bumuka at literal na kinagat ang kanyang daliri. Nagbago rin ang ekspresyon ng mukha ng manika, tila galit na galit ito.
Napasigaw si Doreen sa sakit at agad tinapon ang barbie doll pagkatapos ay nagtatakbo siya pababa sa kuwarto ng kanyang ina.
Abala si Aira sa pakikipag kuwentuhan kay Daireen sa Skype nang biglang pumasok si Doreen sa kuwarto ng ina. Nag-iiyak ito at agad ipinakita ang nagdurugo nitong daliri. Nataranta naman si Aira sa kanyang anak kaya pansamantala nitong isinara ang laptop.
"Anak, ano'ng nangyari sa daliri mo' bat nagdurugo?" Bakas sa mukha ni Aira ang pagkabigla at pag-alala.
"Kinagat po ako ng manika, mommy. . ." umiiyak na sumbong ni Doreen.
Napakunot ng noo si Aira sa narinig.
"Ano? A-anong manika?" takang tanong nito.
"Du'n po sa 3rd floor, may napulot akong barbie doll na may big mounth. Nung hinawakan ko biglang bumuka ang bibig tapos kinagat ako. . ." Patuloy pa rin sa pag-iyak ang bata. Kakaiba ang hapdi na nararamdaman nito. Hindi pangkaraniwang kagat ang dumapo kay Doreen.
Hindi lubos na maunawaan ni Aira ang pinagsasabi ng kanyang anak. Kaya imbes na magtanong pa siya kung anong klaseng hayop ang kumagat sa anak, dinala na lamang niya ito sa kusina para hugasan at lagyan ng band aid.
Nang makita iyon ng panganay na si Shaira ay umangal na naman ito.
"Napano na naman 'yan, mama?" mataray nitong tanong habang nakaupo sa sala at naglalaro ng tablet.
"Nasugatan ang daliri ng kapatid mo. May nangagat daw sa kanya sa itaas," paliwanag ni Aira.
"Sus!" napatawa si Shaira.
"Baka naman nasalubsob lang 'yan! Pati ba naman 'yan, Doreen iiyakan mo pa? Malayo sa bituka 'yan!" nagmamarunong na sabi ni Shaira. Siya ang kontrabidang kapatid ni Doreen.
"Pero masakit, eh!" Humagulgol sa pag-iyak si Doreen. Nagtaka si Aira sa naging reaksyon ng bunsong anak. Hindi iyakin si Doreen buhat noong bata pa ito. Kahit nasusugatan ito minsan ay hindi naman siya iiyak ng ganoon katindi. Ngayon lang niya ito ginawa, dahil sa diumanoy manikang nangangagat!
"Halika na, anak. Matulog ka na sa iyong kuwarto. Ihahatid na kita." Nakaramdam ng awa si Aira sa batang babae habang pinagmamasdan ang namamaga nitong hintuturong daliri sa kaliwang kamay.
Kaya naman pagkatapos niyang maihatid si Doreen sa kuwarto nito ay nagtungo siya sa ikatlong palapag ng bahay para tignan ang sinasabing kumagat sa kanyang anak.
Pag-akyat niya doon ay agad tumambad sa kanyang paningin ang isang barbie doll na drinowingan ng malaking bibig gamit ang lipstick. Bagamat medyo wirdo ang itsura ng manika ay hindi naman niya ito pinagdudahan. Sino ba naman ang maniniwala o makapagsasabing may kakayahang mangagat ang isang laruan na walang buhay? Pinagmasdan ni Aira ang buong paligid. Maraming mga nakatambak na sirang gamit doon. Ang iba ay matutulis pa at marami ring mga pako at tornilyo ang nagkalat sa sahig kaya inisip niya na baka doon lamang natusok ang daliri ni Doreen.
Hindi na siya nagtagal doon at agad ring bumaba. Nagbalik siya sa kuwarto at ilang sandali lang ay ka-chat niyang muli sa Skype ang kaibigang si Daireen. Mayamaya ay nag-iba ang topic nila.
"Daireen, may itatanong sana ako sa 'yo. Du'n sa third floor, may nakita akong manika. Kanino 'yon?" kunot noong tanong ni Aira.
"A, iyon ba? Laruan kasi iyon ng ampon ko dati," tugon ni Daireen na nasa laptop screen.
"Ampon?" sambit ni Aira. Nagtaka siya dahil ang alam niya ay wala pang naging anak o ampon si Daireen noong wala pa itong asawa.
"Matagal na panahon na 'yun, Aira. Hindi pa tayo magkakilala nu'n. May inampon ako dati at itinurin ko siya na parang isang tunay kong anak kahit may sakit siya sa pag-iisip. Kaso nu'ng naglalaro siya sa labas ay nakagat siya ng aso. Hindi ko naman napa-injection agad dahil wala pa akong pera. Sinabon ko lang kaso hindi pala sapat iyon kaya diko in-expect ang kanyang kamatayan makalipas ng sampung araw. Kawawa nga 'yung bata, e." Nalungkot si Daireen at napayuko. Ibig niyang umiyak sa tuwing maaalala ang dati niyang ampon na namatay sa kagat ng aso.
Hindi nakasagot si Aira. Ayaw niyang paniwalaan ang isinisigaw ng kanyang isip na baka may rabis ang manikang kumagat sa anak niya. Imposibleng mangyari iyon, anang isip niya. Pero ang pagkamatay ng dating may-ari ng manika na nakagat ng aso ay parang may koneksyon sa sinasabi kanina ni Doreen na kinagat daw siya ng manika. Naguguluhan si Aira sa tumatakbo sa kanyang isip. Sumakit ang ulo niya.
Samantala, halos mamula na ang mga mata ni Doreen sa kakaiyak sa kanyang kuwarto habang pinagmamasdan niya ang kanyang daliri na higit na namaga at namula at lalong nadagdagan ang hapdi at kirot na nararamdaman niya rito.
Alam niya sa sarili na nagsasabi siya ng totoo na kinagat talaga siya ng barbie doll na iyon. Pero ang problema ay walang gustong maniwala sa kanya, kahit pa ang kanyang ina, at lalong-lalo na ang kanyang kontrabidang kapatid.

ALAS-DOSE na ng gabi subalit abala pa rin sa paglalaro ng tablet si Shaira sa kanyang kuwarto. Gabi-gabi siyang nagpupuyat para lang dito. Di niya inaasahan ang pagpatay mag-isa ng ilaw. Takot pa naman siya sa dilim kaya agad siyang bumangon sa kama para lumabas ng kuwarto. Pagtapak niya sa sahig ay may natapakan siyang isang matigas na bagay, parang laruan. Nang pulutin niya ito ay isa pala itong barbie doll na may guhit na malaking bibig.
"Wow... Sino kaya ang nagdala rito nito?" aniya habang hinihipo ang malaki nitong bibig. Ngunit nasindak siya ng biglang bumuka ang bibig ng manika at akmang kakagatin siya. Mabuti na lamang at mabilis siyang kumilos kaya agad niya itong nabitawan. Napasigaw siya at napaatras sa kama.
Mula sa ilalim ng kanyang kama ay gumapang palabas ang isang batang babae na nakasoot ng pink na damit at palda. Unti-unti itong tumayo at tumingin kay Shaira. Natatakpan ng buhok ang mukha nito kaya hindi makita ni Shaira ang itsura nito. Hawak ng batang iyon ang barbie doll na muntik nang kumagat sa kanya.
"Mamaaaa!!!" halos mabaliw si Shaira at ibig niyang tumakbo pero hindi siya makakilos dahil sa takot.
Nang dumeretso ang ulo ng bata ay unti-unting bumuka ang buhok nito at nasilayaran rin sa wakas ni Shaira ang itsura ng batang babae. Tulad ng manika, malaki rin ang bibig nito na abot hanggang tenga at litaw pa ang mga ngipin na nababalutan ng laway.
Sa takot ni Shaira ay agad siyang pumikit at nagbalot ng kumot pero bigla iyong inagaw ng batang babae at hinagis palayo. Lalong bumilis ang pintig ng puso ni Shaira ng biglang sumampa ang batang babae sa kanyang kama. Binalot siya ng lamig at tumindig ang kanyang mga balahibo. Bigla siyang sinakmal ng batang babae sa kamay. Nagtitili siya dahil sagad sa buto ang sakit ng pagkagat sa kanya nito. Parang aso kung mangagat ang bata. Bagamat takot na takot na si Shaira ay humugot siya ng lakas para lumaban. Kinagat din niya sa kamay ang misteryosong batang babae. Nagkagatan sila. Narinig ni Aira ang palahaw ng kanyang panganay na anak sa kabilang kuwarto kaya kahit antok na antok na ay bumangon siya para puntahan ang nanganganib na anak. Pagbukas niya ng pintuan ng silid ay nakita niya si Shaira na kinakagat ang sarili nitong mga kamay.
Nagulat doon si Aira kaya agad niyang nilapitan ang anak at niyugyog ang balikat nito.
"Shaira! Shaira!" Alalang-alala si Aira sa kakaibang ikinikilos ng anak.
Di nagtagal ay natauhan si Shaira at napatitig sa ina niya.
"Mommy?!" Napayakap ito sa ina ng mahigpit. Iyak ng iyak ang dalagita at halatang balot na balot pa rin ng takot.
Nang tignan ni Aira ang kamay ni Shaira ay puno ito ng mga kagat mula daliri hanggang siko.
"Bakit mo ba kinagat ang sarili mo, anak? Nagkasugat tuloy," nag-aalalang sita nito sa dalagita.
"M-mommy. . . Tama nga po si Doreen. The barbie doll is alive at muntik na niya akong makagat kanina. . ."
Nagtaka si Aira sa narinig. Parang gusto na niyang maniwala dahil sa mga nasaksihan niya. Una, ang namamagang daliri ni Doreen. Pangalawa, ang sinabi sa kanya ni Shaira. Nang mapasulyap siya sa sahig ay nakita niya ang barbie doll sa paanan niya. Pinulot niya ito at pinagmasdan.
"Huwag mo hawakan ang bibig niya, mommy. May buhay ang barbie na 'yan..." Bakas ang takot sa boses ni Shaira. Umatras siya dahil sa pagkatrauma sa manikang iyon.

KINAUMAGAHAN ay sinunog ni Aira sa basurahan ang barbie doll. Malabo pa rin sa kanya ang lahat at nag-aalinlangan pa rin siya ng paniniwala kung may buhay nga ba ang manikang iyon pero ang mahalaga ay mawala na sa bahay nila ang isang bagay na pagmamay-ari ng isang taong yumao na.
Pagkalipas ng sampung araw ay pumanaw si Doreen. Dead on arrival ito sa ospital. Ang sabi ng duktor na sumuri sa bangkay ng bata ay kumalat daw sa katawan ni Doreen ang rabis. Ang hintuturong daliri naman nito ay lumaki at nangitim. Di matanggap ni Aira ang pagkamatay ng bunso niyang anak. Napabayaan niya ang iniindang sakit ni Doreen sa kanyang daliri nitong mga nakaraang araw bago ito mamatay. Pero isa lang ang alam ni Aira, may kinalaman ang barbie doll sa di gumagaling na sugat ni Doreen sa daliri nito. Ang barbie doll na kumagat sa bata. Ang rabis ng barbie doll na kumitil sa buhay ng bata.
Kasunod nito ang tuluyang pagkasira ng bait ni Shaira. Ayon sa duktor, umakyat daw sa utak ng bata ang rabis.
Suwerte nga raw at hindi ito namatay pero ang naging kapalit, nabaliw ito at nasa mental hospital ngayon.
Naiiyak si Aira habang pinagmamasdan sa pintong may salamin ang dalagita na kinakagat ang sariling kamay nito. Naaawa siya sa sinapit ng dalawang anak. Tila nawalan ng saysay ang kanyang buhay sa pagkawala ni Doreen at sa pagkasira ng bait ni Shaira. Di niya talaga matanggap ang lahat. May hihigit pa pala sa kanyang problema bukod sa pag-iwan sa kanya ng dating asawa.
Di na alintana kay Shaira ang mga sugat nito habang kinakagat ang sarili. Wala na itong nararamdamang sakit. Bukod sa kinakagat nito ang sarili ay kumikilos pa ito na parang aso. Lingid sa kanilang kaalaman na nabuhay ang espiritu ng batang nagmamay-ari ng manika sa katawan ni Shaira!

- Bite -
***THE END***

Written by Daryl Makinano Morales