Thursday, May 21, 2015

Bite


CREEPYPASTA (THE SERIES) – Season 1
“Bite!”

SI Aira na ngayon ang nakatira sa bahay ng kanyang kaibigang si Daireen na kakaalis lang kahapon para magpunta sa Canada dahil doon raw gaganapin ang kasal ng napangasawa nitong Canadian. Katunayan ay nakikitira lamang sina Aira at ang dalawa niyang anak sa bahay ng kaibigan dahil nilayasan niya ang kanyang asawa na kasama ngayon ang kabet nito sa dating bahay nila.
Kaya naman sa pagpunta ni Daireen sa Canada, kay Aira na lamang niya ipinagkatiwala ang bahay para magamit din naman ito kaysa naman sa iwan niya na walang nakatira. At isa pa, wala ring ibang matitirhan sina Aira maliban kay Daireen, kaya ngayon ay si Aira ang pansamantalang nagmamay-ari ng bahay.
Iniwan pa ni Daireen ang laptop niya sa kaibigan at sinabi nitong bibili na lang ulit siya ng bago pagdating sa Canada para makapag-usap din sila gamit ang internet.
Isang gabi ay naisipan ng batang si Doreen na akyatin ang third floor ng bahay. Sa loob ng dalawang buwan na paninirahan nila doon ay hindi siya kailanman pinayagan ng ina na umakyat sa ikatlong palapag dahil delikado raw doon kung kaya't nagkaroon siya ng dahilan para pagtakahan kung ano ba ang naroroon. Nilakad niya ang pasilyo ng second floor kahit walang ilaw doon at ang paligid ay natatakpan ng dilim.
Matagumpay niyang narating ang ikatlong palapag ng bahay. Ngayon lang niya natuklasan na bakanteng kuwarto pala iyon at natatakpan ng dingding na kahoy ang paligid. Puro mga sako at lumang mga karton lang ang makikita doon na pinaglalagyan ng mga sirang gamit. Wala ring saraduhan ang bintana kaya malaya siyang nakasilip doon.
Pagdungaw niya ay nakita niya ang bubong ng ikalawang palapag ng bahay. Puno ito ng matatalas na pako kaya walang sinuman ang maaaring umakyat at tumapak doon dahil tiyak na sugatan ang mga paa nila.
Walang magawa si Doreen kaya kinalkal niya ang laman ng mga karton bagamat napupuno ito ng mga alikabok. Pero bigo siyang makahanap ng mapag-iinteresan niyang kunin dahil ang laman lamang ng mga kahon ay mga sirang parte ng aplayanses.
Sunod niyang tinignan ang laman ng sako. Napangiti siya ng makitang mga laruan ang laman niyon. Mga toy car, lutu-lutuan at ang isa pang umagaw sa kanyang atensyon ay ang barbie doll na may nakakatakot na mukha dahil drinowingan ito ng malaking bibig kaya nabura tuloy ang ganda nito. Pero hindi iyon mahalaga kay Doreen. Ang mahalaga ay hindi pa sira ang manika at buo pa ang mga parte ng katawan. Katunayan ay nagustuhan nga niya ang itsura ng barbie na iyon dahil hilig din niya ang mga scary at creepy stuff.
Napaisip tuloy siya kung sino ang nagdrowing ng ganoon sa bibig ng barbie doll kaya sinubukan niyang hipuin ito pero nang itutok na niya ang hintuturong daliri sa bibig ng manika ay bigla itong bumuka at literal na kinagat ang kanyang daliri. Nagbago rin ang ekspresyon ng mukha ng manika, tila galit na galit ito.
Napasigaw si Doreen sa sakit at agad tinapon ang barbie doll pagkatapos ay nagtatakbo siya pababa sa kuwarto ng kanyang ina.
Abala si Aira sa pakikipag kuwentuhan kay Daireen sa Skype nang biglang pumasok si Doreen sa kuwarto ng ina. Nag-iiyak ito at agad ipinakita ang nagdurugo nitong daliri. Nataranta naman si Aira sa kanyang anak kaya pansamantala nitong isinara ang laptop.
"Anak, ano'ng nangyari sa daliri mo' bat nagdurugo?" Bakas sa mukha ni Aira ang pagkabigla at pag-alala.
"Kinagat po ako ng manika, mommy. . ." umiiyak na sumbong ni Doreen.
Napakunot ng noo si Aira sa narinig.
"Ano? A-anong manika?" takang tanong nito.
"Du'n po sa 3rd floor, may napulot akong barbie doll na may big mounth. Nung hinawakan ko biglang bumuka ang bibig tapos kinagat ako. . ." Patuloy pa rin sa pag-iyak ang bata. Kakaiba ang hapdi na nararamdaman nito. Hindi pangkaraniwang kagat ang dumapo kay Doreen.
Hindi lubos na maunawaan ni Aira ang pinagsasabi ng kanyang anak. Kaya imbes na magtanong pa siya kung anong klaseng hayop ang kumagat sa anak, dinala na lamang niya ito sa kusina para hugasan at lagyan ng band aid.
Nang makita iyon ng panganay na si Shaira ay umangal na naman ito.
"Napano na naman 'yan, mama?" mataray nitong tanong habang nakaupo sa sala at naglalaro ng tablet.
"Nasugatan ang daliri ng kapatid mo. May nangagat daw sa kanya sa itaas," paliwanag ni Aira.
"Sus!" napatawa si Shaira.
"Baka naman nasalubsob lang 'yan! Pati ba naman 'yan, Doreen iiyakan mo pa? Malayo sa bituka 'yan!" nagmamarunong na sabi ni Shaira. Siya ang kontrabidang kapatid ni Doreen.
"Pero masakit, eh!" Humagulgol sa pag-iyak si Doreen. Nagtaka si Aira sa naging reaksyon ng bunsong anak. Hindi iyakin si Doreen buhat noong bata pa ito. Kahit nasusugatan ito minsan ay hindi naman siya iiyak ng ganoon katindi. Ngayon lang niya ito ginawa, dahil sa diumanoy manikang nangangagat!
"Halika na, anak. Matulog ka na sa iyong kuwarto. Ihahatid na kita." Nakaramdam ng awa si Aira sa batang babae habang pinagmamasdan ang namamaga nitong hintuturong daliri sa kaliwang kamay.
Kaya naman pagkatapos niyang maihatid si Doreen sa kuwarto nito ay nagtungo siya sa ikatlong palapag ng bahay para tignan ang sinasabing kumagat sa kanyang anak.
Pag-akyat niya doon ay agad tumambad sa kanyang paningin ang isang barbie doll na drinowingan ng malaking bibig gamit ang lipstick. Bagamat medyo wirdo ang itsura ng manika ay hindi naman niya ito pinagdudahan. Sino ba naman ang maniniwala o makapagsasabing may kakayahang mangagat ang isang laruan na walang buhay? Pinagmasdan ni Aira ang buong paligid. Maraming mga nakatambak na sirang gamit doon. Ang iba ay matutulis pa at marami ring mga pako at tornilyo ang nagkalat sa sahig kaya inisip niya na baka doon lamang natusok ang daliri ni Doreen.
Hindi na siya nagtagal doon at agad ring bumaba. Nagbalik siya sa kuwarto at ilang sandali lang ay ka-chat niyang muli sa Skype ang kaibigang si Daireen. Mayamaya ay nag-iba ang topic nila.
"Daireen, may itatanong sana ako sa 'yo. Du'n sa third floor, may nakita akong manika. Kanino 'yon?" kunot noong tanong ni Aira.
"A, iyon ba? Laruan kasi iyon ng ampon ko dati," tugon ni Daireen na nasa laptop screen.
"Ampon?" sambit ni Aira. Nagtaka siya dahil ang alam niya ay wala pang naging anak o ampon si Daireen noong wala pa itong asawa.
"Matagal na panahon na 'yun, Aira. Hindi pa tayo magkakilala nu'n. May inampon ako dati at itinurin ko siya na parang isang tunay kong anak kahit may sakit siya sa pag-iisip. Kaso nu'ng naglalaro siya sa labas ay nakagat siya ng aso. Hindi ko naman napa-injection agad dahil wala pa akong pera. Sinabon ko lang kaso hindi pala sapat iyon kaya diko in-expect ang kanyang kamatayan makalipas ng sampung araw. Kawawa nga 'yung bata, e." Nalungkot si Daireen at napayuko. Ibig niyang umiyak sa tuwing maaalala ang dati niyang ampon na namatay sa kagat ng aso.
Hindi nakasagot si Aira. Ayaw niyang paniwalaan ang isinisigaw ng kanyang isip na baka may rabis ang manikang kumagat sa anak niya. Imposibleng mangyari iyon, anang isip niya. Pero ang pagkamatay ng dating may-ari ng manika na nakagat ng aso ay parang may koneksyon sa sinasabi kanina ni Doreen na kinagat daw siya ng manika. Naguguluhan si Aira sa tumatakbo sa kanyang isip. Sumakit ang ulo niya.
Samantala, halos mamula na ang mga mata ni Doreen sa kakaiyak sa kanyang kuwarto habang pinagmamasdan niya ang kanyang daliri na higit na namaga at namula at lalong nadagdagan ang hapdi at kirot na nararamdaman niya rito.
Alam niya sa sarili na nagsasabi siya ng totoo na kinagat talaga siya ng barbie doll na iyon. Pero ang problema ay walang gustong maniwala sa kanya, kahit pa ang kanyang ina, at lalong-lalo na ang kanyang kontrabidang kapatid.

ALAS-DOSE na ng gabi subalit abala pa rin sa paglalaro ng tablet si Shaira sa kanyang kuwarto. Gabi-gabi siyang nagpupuyat para lang dito. Di niya inaasahan ang pagpatay mag-isa ng ilaw. Takot pa naman siya sa dilim kaya agad siyang bumangon sa kama para lumabas ng kuwarto. Pagtapak niya sa sahig ay may natapakan siyang isang matigas na bagay, parang laruan. Nang pulutin niya ito ay isa pala itong barbie doll na may guhit na malaking bibig.
"Wow... Sino kaya ang nagdala rito nito?" aniya habang hinihipo ang malaki nitong bibig. Ngunit nasindak siya ng biglang bumuka ang bibig ng manika at akmang kakagatin siya. Mabuti na lamang at mabilis siyang kumilos kaya agad niya itong nabitawan. Napasigaw siya at napaatras sa kama.
Mula sa ilalim ng kanyang kama ay gumapang palabas ang isang batang babae na nakasoot ng pink na damit at palda. Unti-unti itong tumayo at tumingin kay Shaira. Natatakpan ng buhok ang mukha nito kaya hindi makita ni Shaira ang itsura nito. Hawak ng batang iyon ang barbie doll na muntik nang kumagat sa kanya.
"Mamaaaa!!!" halos mabaliw si Shaira at ibig niyang tumakbo pero hindi siya makakilos dahil sa takot.
Nang dumeretso ang ulo ng bata ay unti-unting bumuka ang buhok nito at nasilayaran rin sa wakas ni Shaira ang itsura ng batang babae. Tulad ng manika, malaki rin ang bibig nito na abot hanggang tenga at litaw pa ang mga ngipin na nababalutan ng laway.
Sa takot ni Shaira ay agad siyang pumikit at nagbalot ng kumot pero bigla iyong inagaw ng batang babae at hinagis palayo. Lalong bumilis ang pintig ng puso ni Shaira ng biglang sumampa ang batang babae sa kanyang kama. Binalot siya ng lamig at tumindig ang kanyang mga balahibo. Bigla siyang sinakmal ng batang babae sa kamay. Nagtitili siya dahil sagad sa buto ang sakit ng pagkagat sa kanya nito. Parang aso kung mangagat ang bata. Bagamat takot na takot na si Shaira ay humugot siya ng lakas para lumaban. Kinagat din niya sa kamay ang misteryosong batang babae. Nagkagatan sila. Narinig ni Aira ang palahaw ng kanyang panganay na anak sa kabilang kuwarto kaya kahit antok na antok na ay bumangon siya para puntahan ang nanganganib na anak. Pagbukas niya ng pintuan ng silid ay nakita niya si Shaira na kinakagat ang sarili nitong mga kamay.
Nagulat doon si Aira kaya agad niyang nilapitan ang anak at niyugyog ang balikat nito.
"Shaira! Shaira!" Alalang-alala si Aira sa kakaibang ikinikilos ng anak.
Di nagtagal ay natauhan si Shaira at napatitig sa ina niya.
"Mommy?!" Napayakap ito sa ina ng mahigpit. Iyak ng iyak ang dalagita at halatang balot na balot pa rin ng takot.
Nang tignan ni Aira ang kamay ni Shaira ay puno ito ng mga kagat mula daliri hanggang siko.
"Bakit mo ba kinagat ang sarili mo, anak? Nagkasugat tuloy," nag-aalalang sita nito sa dalagita.
"M-mommy. . . Tama nga po si Doreen. The barbie doll is alive at muntik na niya akong makagat kanina. . ."
Nagtaka si Aira sa narinig. Parang gusto na niyang maniwala dahil sa mga nasaksihan niya. Una, ang namamagang daliri ni Doreen. Pangalawa, ang sinabi sa kanya ni Shaira. Nang mapasulyap siya sa sahig ay nakita niya ang barbie doll sa paanan niya. Pinulot niya ito at pinagmasdan.
"Huwag mo hawakan ang bibig niya, mommy. May buhay ang barbie na 'yan..." Bakas ang takot sa boses ni Shaira. Umatras siya dahil sa pagkatrauma sa manikang iyon.

KINAUMAGAHAN ay sinunog ni Aira sa basurahan ang barbie doll. Malabo pa rin sa kanya ang lahat at nag-aalinlangan pa rin siya ng paniniwala kung may buhay nga ba ang manikang iyon pero ang mahalaga ay mawala na sa bahay nila ang isang bagay na pagmamay-ari ng isang taong yumao na.
Pagkalipas ng sampung araw ay pumanaw si Doreen. Dead on arrival ito sa ospital. Ang sabi ng duktor na sumuri sa bangkay ng bata ay kumalat daw sa katawan ni Doreen ang rabis. Ang hintuturong daliri naman nito ay lumaki at nangitim. Di matanggap ni Aira ang pagkamatay ng bunso niyang anak. Napabayaan niya ang iniindang sakit ni Doreen sa kanyang daliri nitong mga nakaraang araw bago ito mamatay. Pero isa lang ang alam ni Aira, may kinalaman ang barbie doll sa di gumagaling na sugat ni Doreen sa daliri nito. Ang barbie doll na kumagat sa bata. Ang rabis ng barbie doll na kumitil sa buhay ng bata.
Kasunod nito ang tuluyang pagkasira ng bait ni Shaira. Ayon sa duktor, umakyat daw sa utak ng bata ang rabis.
Suwerte nga raw at hindi ito namatay pero ang naging kapalit, nabaliw ito at nasa mental hospital ngayon.
Naiiyak si Aira habang pinagmamasdan sa pintong may salamin ang dalagita na kinakagat ang sariling kamay nito. Naaawa siya sa sinapit ng dalawang anak. Tila nawalan ng saysay ang kanyang buhay sa pagkawala ni Doreen at sa pagkasira ng bait ni Shaira. Di niya talaga matanggap ang lahat. May hihigit pa pala sa kanyang problema bukod sa pag-iwan sa kanya ng dating asawa.
Di na alintana kay Shaira ang mga sugat nito habang kinakagat ang sarili. Wala na itong nararamdamang sakit. Bukod sa kinakagat nito ang sarili ay kumikilos pa ito na parang aso. Lingid sa kanilang kaalaman na nabuhay ang espiritu ng batang nagmamay-ari ng manika sa katawan ni Shaira!

- Bite -
***THE END***

Written by Daryl Makinano Morales

No comments:

Post a Comment