CREEPYPASTA
(THE SERIES) – Season 1
“Radiohell”
KAIN, tulog
at higa ang palaging trabaho ni Kerby sa bahay. Pagkatapos kumain ay muling
babalik sa kuwarto, hihiga at maglalaro ng games sa cellphone pero nang mga
oras na iyon ay facebook ang inaatupag niya.
Nagbabasa
siya ng mga trivia sa Spookyism page. Balak niyang gumawa ng panibagong horror
novel kaya dinadalasan niya ang pagbabasa ng mga post sa Spookyism para
makasagap ng bagong idea.
May isang
post doon na pumukaw sa kanyang atensyon. Nakalagay sa post ang tungkol sa
isang radio station na pinamumugaran daw ng mga kaluluwa dahil sa mga boses na
maririnig dito. Nakalagay sa post ang channel ng istasyong iyon na 107.9 kaya
nagkaroon ng dahilan si Kerby para buksan ang kanyang patapon na de bateryang
radyo. Iyon ang libangan niya dati sa pakikinig ng mga awitin noong wala pa
siyang cp. Kinuha niya iyon sa drawer at hinabaan ang antena. Nang mahanap na
niya ang 107.9 station ay wala naman siyang ibang narinig kundi ang
pagkalaskas, patunay na blangko ang channel na iyon at walang signal dahil
hindi ginagamit ng kahit anong radio network.
Sinubukan pa
niyang lumabas ng bahay at itinutok ang radyo sa itaas para makasagap ito ng
signal ngunit wala talagang nagbago. Pinakinggan niya ng mabuti ang pagkalaskas,
wala naman siyang naririnig na mga boses doon. Halos kumalaskas na rin ang
tenga niya pero wala siyang mga boses na narinig.
Sinubukan
niyang ilipat sa ibang istasyon, malakas naman ang signal at malinaw sa
pandinig ang boses ng mga DJ at mga awiting ipinapatugtog pero kapag ibabalik
na niya sa 107.9 ay nawawala muli ang signal.
Naisip niya
na baka kalokohan lamang ito para utuin ang mga tao. Nagbalik siya sa kuwarto
at muling binasa ang post. Kaunti lamang at kulang ang mga detalyeng nakalagay
doon. Palibhasa'y free data lang ang gamit niya kaya hindi siya makapag browse
sa google para makapag research. Binasa na lamang niya ang comment ng mga FB
users sa post na iyon.
May mga
nabasa siyang comment na narinig na daw nila ang boses ng mga kaluluwa sa istasyong
iyon. Ang ibang mga comment ay ibinahagi pa ang kanilang mga nalalaman kung
paano makasagap ng signal sa 107.9 station.
Una,
kailangan daw magpunta sa malawak na lugar na puno ng kalupaan. Pangalawa,
kailangan daw gawin iyon kapag hatinggabi na dahil sa mga oras na iyon ay wala
ng masyadong nakikinig ng mga radyo dahil halos lahat ng mga tao ay natutulog
na kaya lumalakas ang frequency ng mga blangkong istasyon. Pangatlo, kailangan
daw ilapag sa lupa ang radyong gamit upang makasagap ito ng signal sa ilalim.
Mga cellphone na may radyo at mga de bateryang radyo ang mainam na gadget para
doon. At kapag nagawa raw iyon sa tamang oras at tamang pagkakataon, maririnig
nila ang boses ng mga kaluluwang namumugad sa diumano'y haunted station sa
pilipinas.
Batay naman
sa iba pang mga comment, marami daw ang sumubok nito noon at karamihan sa mga
iyon ay nagka-trauma dahil sa takot matapos marinig ang aktwal at totoong boses
ng mga kaluluwang nagsasalita. Kaya bawal daw gawin iyon kung mahina ang iyong
loob.
Kung 'takot'
lang ang pag-uusapan, balewala iyon kay Kerby.
Wala siyang
kinatatakutan sa pagkat hari siya ng kalsada. Gabi-gabi siyang naglalakwatsa,
may pera man o wala kaya sanay na siyang tahakin ang mundo ng dilim.
Kaya
nagpasya siyang gawin iyon mamayang gabi. May alam siyang isang malupang lugar
na siguradong walang sinuman ang makakaalam at makakakita sa gagawin niya.
Pagsapit ng
gabi ay pinuntahan na niya ang lugar na iyon, ang pinakamatandang sementeryo sa
kanilang bayan. Sa bandang dulo siya nagpunta dahil wala ng masyadong mga nitso
doon kaya malawak ang kalupaan at isa pa, malapit lang din doon ang puntod ng
yumao niyang pinsan na dating basagulero at manginginom.
Bago niya
sinimulan ay napatingin siya sa kanyang soot na orasan sa pulsu-pulsuhan. Pasadong
alas-dos na ng hatinggabi. Nakabibingi ang katahimikan at walang maririnig na
kahit anong ingay. Muli niyang pinagana ang radyo at pagsamantalang hininaan
muna ang volume. Kalaskas pa rin ang maririnig sa istasyong iyon.
Lumuhod si
Kerby sa lupa at inilapag doon ang radyo pagkatapos ay itinutok niya ang tenga
sa speaker nito.
Unti-unting
humina ang pagkalaskas na tila may nasasagap na itong signal. Ilang sandali pa,
nagsimulang makarinig ng mga kakatwang tunog si Kerby. Nakarinig siya ng tila
malakas na hangin na may kasabay na mga ihip ng boses. Kasunod nito ay ang
boses ng babaeng sumisigaw na tila mabigat ang dinaramdam at nag-echo pa ang
pagsigaw nito na parang nasa loob ng kuweba. Muling umihip ang malakas na
hangin at kasabay nito ang pagtawa ng isang malaking bulas na nilalang.
Nag-echo ang nakakapangilabot nitong tawa na parang gustong lumabas ng literal
sa speaker ng radyo.
Ngayon lang
nakaramdam si Kerby ng hilakbot lalo na ng may marinig siyang boses na
nagsalita ng mga lenguwaheng hindi niya maintindihan pagkatapos ay muling
umihip ang malakas na hangin at maraming tao ang nagsigawan na animoy may
dinaramdam silang labis na sakit. Sa lakas ng sigaw ng mga ito ay parang gusto
nitong wasakin ang speaker ng radyo.
Tumayo si
Kerby sabay patay sa radyo. Dinig niya ang malakas na pintig ng puso niya,
dahil iyon sa takot.
Nang muli
niyang sindihan ang radyo ay kumakalaskas na muli ito at wala ng signal.
Di na siya
nagtagal doon at agad nang lumisan para umuwi ng kanilang bahay.
HABANG
nag-aalmusal si Kerby ay naglalaro pa rin sa kanyang isipan ang mga kakatwang
tunog na narinig niya sa radyo. Di niya maipaliwanag kung saan ba talaga
nagmula ang mga nakakapangilabot na boses na iyon. Kahit bali-baligtarin pa
niya ang kanyang utak ay malabong isipin na boses iyon ng mga gumagalang
kaluluwa sa sementeryo dahil higit sa lahat, tahimik ang sementeryo nang
puntahan niya kaya imposibleng galing rin sa sementeryo ang narinig niyang
malakas na ihip ng hangin.
Iyon ang
nag-udyok sa kanya para tuluyang maniwala na may haunted station nga sa
pilipinas. Pero ang nais niyang malaman ay kung ano ang nakaraan ng station na
iyon at kung bakit ito naging haunted. Kailangan niyang makapag research
subalit wala siyang pera na para makapag computer.
Pagkatapos
niyang kumain ay hinugasan niya ang kanyang pinagkainan at nakita pa iyon ng
kanyang ina na abala naman sa paglilinis sa salas.
"Aba,
himala! Natuto ka na yatang naghugas ngayon ng pinagkainan mo? Baket, masarap
ba ang naluto ko at nagsipag ka?" wari'y nanunuksong sabi sa kanya ng ina.
Palibhasa'y nasanay ito na nakikita ang binata na palaging nakahiga pagkatapos
kumain at hindi ito tumutulong sa mga gawaing bahay.
Tumawa lang
si Kerby. Sa totoo ay may balak siya kaya napilitan siyang maghugas ng pinggan.
Pagkatapos mahugasan ng mga ito ay lumapit siya sa ina at nanghingi ng pera sa
halagang trenta pesos para makapag computer.
"Iyan
ba ang dahilan kaya naghugas ka ng mga pinggan?" taas-kilay na tanong sa
kanya ng ina.
"'Ma
naman. Ngayon lang naman ako ulit nanghihingi sa inyo, e. Kapag pinadalhan na
ulit ako ng allowance ni tatay hindi na 'ko manghihingi ulit sa inyo."
Napakamot ng ulo si Kerby.
"Aba!
Noong isang linggo lang pinadalhan ka ng isang libo, ngayon asan na? Naubos mo
na agad?! Ang lakas mo talaga gumastos! Wala namang kwenta 'yang mga
pinagbibili mo!Sa oras na malaman 'yan ng ama mo tignan ko lang kung bigyan ka
pa niya ng pera." Sermon ng ina niya sabay dukot ng pera sa bulsa at
ibinigay na lamang nito ang singkuwentang buo sa binata dahil wala na siyang barya,
pero may inis pa rin siyang nararamdaman sa ugali ng lakwatserong anak.
Pasimpleng
ngumiti si Kerby at nagpaalam na sa ina.
"Sige,
'ma, mamaya ako ulit maghuhugas ng plato," pagsisinungaling niya.
Pagkapunta
sa computer shop ay agad niyang ni-research sa google ang tungkol sa haunted
station sa pilipinas. Doon pa lang niya natuklasan ang lahat dahil may nakita
siyang isang news website na nagsasabing meron daw naging proyekto noon ang
ilan sa mga matataas na nanunungkulan sa pilipinas na magpahukay ng pagkalalim-lalim
sa ilalim ng lupa at nagpalagay sila ng isang matibay at waterproof na
underground signal pagkatapos ay tinambakan nila itong muli. Ang underground
signal na iyon ay may kakayahang humigop ng signal mula sa kaitaasan at dalhin
sa kailaliman ng lupa, isang bagong teknolohiya iyon na ipinagawa pa sa ibang
bansa.
Ang
kalahating katawan ng underground signal ay parang poste na nakatayo sa lupang
kinatitirikan nito habang ang kalahati pa nitong katawan ay nakalubog sa
kailaliman ng lupa. Marami itong mga wire sa itaas at puno rin ng mga
waterproof at underground wire sa kailaliman. Halos apat na taon ang lumipas
bago iyon natapos. Ang purpose ng mga may kataasan kaya nila ipinagawa iyon ay
para ma-detect nila ang mga kaganapan na nangyayari sa impiyerno na
pinaniniwalaang nasa kailaliman ng mundo at doon babagsak ang kaluluwa ng mga
makasalanan.
Mahirap
paniwalaan pero matagumpay nilang nagawa ang eksperimentong iyon.Sadyang
malakas makahigop ng signal ang nasabing underground signal experiment at kaya
nitong ma-detect ang mga tunog sa kailaliman na kinatatayuan ng mundo. Naisipan
nilang ipalagay iyon sa isang bakanteng istasyon sa radyo at karaniwan ay
sadyang hatinggabi lang talaga nakakahigop ng malakas na signal ang
teknolohiyang iyon.
Katunayan ay
ginawa na rin ang eksperimentiong iyon sa ibang bansa.
Pang-anim
ang pilipinas sa mga gumawa ng proyektong iyon at hindi na nila ito binalak
pang i-announce sa telebisyon at sa ilang mga sikat na istasyon sa radyo dahil
tiyak na maraming hindi maniniwala sa kanila kung kaya't ini-post na lamang
nila ito sa internet.
Ang mga
kakatwang tunog at mga boses na maririnig sa istasyong iyon ay ang aktwal na
boses ng mga kaluluwang nagsisigawan at nag-iiyakan sa impiyerno dahil sa
paghihirap na kanilang dinaranas mula sa nagbabagang apoy ng kaparusahan. At
ang mga wirdong halakhak o pagtawa ng isang nakakatakot at malaking bulas na
nilalang ay pinaniniwalang aktwal na boses ni satanas na pinagtatawanan ang mga
kaluluwang dumaranas ng kaapihan at paghihirap mula sa mga kamay ng kanyang mga
alipin na demonyo! Ang istasyong iyon ay pinangalanan nilang Radiohell Station.
Hindi
makapaniwala si Kerby sa kanyang natuklasan. Para siyang nakahanap ng karayom
sa gitna ng dayami dahil sa mala-tagumpay niyang nagawa sa pagtuklas kung bakit
itinuturin na haunted ang 107.9 Radiohell Station.
SA muling
pagsapit ng hatinggabi ay binalikan ni Kerby ang sementeryo dala ang kanyang de
bateryang radyo. Muli niya itong pinagana at inilagay sa 107.9 ang channel.
Kumakalaskas ito dahil walang kasignal-signal kaya ibinaba niyang muli sa lupa
at lumuhod siya para maitapat ng malapitan sa speaker ang kanyang tenga. Tulad
kagabi ay nakasagap itong muli ng signal at muli niyang narinig ang mga
nagaganap sa impiyerno ng mga oras na iyon.
Dinig niya
ang humahampas na malakas na alon ng apoy na dagat at dinig niya ang hinaing ng
mga kaluluwang nalulunod mula doon.
Pati ang mga
kaluluwang niluluto sa malaking kawa ay umuusal ng dasal na patawarin na sila
at dalhin na sa langit. Muli niyang narinig ang paghalakhak ng tawa ng tila
isang malaking bulas na nilalang na natitiyak niyang si satanas. Nag-echo pa ng
paulit-ulit ang tawa nito na habang patagal ng patagal ay palakas ng palakas na
parang ito na ang kumokontrol sa volume ng radyo.
Biglang umihip
ang malakas na hangin at umulan ng mga batong nagliliyab sa apoy. Narinig niya
ang mga kaluluwang nagkakagulo at nag-uunahan na makahanap ng masisilungan.
Sunod naman
niyang narinig ang maliliit na boses ng mga daga na tila dinadampot ng mga
aliping demonyo at ipinapakain ng buo at sapilitan sa bibig ng mga kaluluwa
habang pinapalo sila ng latigo na nagbabaga sa init.
Narinig niya
kung paano magsuka ang mga ito at ang mga isinusuka nila ay muling ipinapakain
ng mapagpahirap na mga demonyo. Ibig maiyak ni Kerby habang naririnig niya ang
kalunos-lunos na daing ng mga kaluluwang nasa impiyerno.
Iyon ang
nag-udyok sa kanya para magbago at itaboy sa sarili ang pagiging tamad. Wala sa
loob na tumayo siya at lumipat naman sa ibang panig ng sementeryo. Nagpunta siya
sa puntod ng yumao niyang pinsan at inilapag niya sa lupang kinatitirikan ng
puntod ang radyo.
Nang muli
niyang itapat ang tenga sa speaker ay nakarinig siya ng isang lalaking
sumisigaw habang pinapalamon ito ng mga malalaki at matitilos na bubog. Pamilyar
sa kanya ang boses na iyon dahil iyon ang aktwal na boses ng kanyang yumaong
pinsan! Hindi masisisi ni Kerby ang panginoon kung bakit hinayaan nitong
lumamon ng parusa sa impiyerno ang kanyang pinsan dahil noong nabubuhay pa ito
ay wala na itong respeto sa kapwa at hinayaan nitong manirahan ang diablo sa
kanyang puso.
Ang
ikinalulungkot lang ni Kerby ay ang mga nakakaawang palahaw ng kanyang pinsan
na tila hirap na hirap na sa dinadanas ngayon. Muling umihip ang malakas na
hangin at muli na naman niyang narinig ang ume-echong halakhak ni satanas
kasabay ang boses ng mga dumadaing at naghihirap na kaluluwa.
Kasalukuyang
nakikinig si Kerby sa lumalabas na mga kakatwang tunog sa radyo ng biglang may
humawak na malamig na mga kamay sa kanyang balikat. Nanoot sa kanyang buto ang
lamig na iyon na kanya namang ikinagulat. Pagkaharap niya sa kanyang likuran ay
halos mapatalon na niya sa pagkagulat ng makita ang kanyang yumaong pinsan na
puno ng bubog ang katawan at naliligo sa sariling dugo habang ang mga mata nito
ay nanlalaki at umiiyak ng dugo at ang bibig naman nito ay nilalabasan ng mga
uod.
Agad na
dinampot ni Kerby ang radyo saka siya kumaripas ng takbo. Di niya namalayang
umiiyak na pala siya na parang bata habang nililisan ang sementeryo. Lingon
siya ng lingon sa kanyang likuran para makasiguradong hindi siya hinahabol ng
kanyang yumaong pinsan na matalim pa rin ang titig sa kanya kahit nasa malayo
na siya.
Tumakbo siya
ng pagkabilis-bilis. Dahil sa takot ay pakiramdam niya'y nag-i-slow motion ang
kanyang katawan dahil bumabagal ang kanyang takbo.
Pawis na
pawis si Kerby pagkauwi sa bahay. Dumeretso siya sa kuwarto at nagsindi ng
ilaw. Namumutla siya at nanginginig pa rin ang buong katawan. Hindi mawala sa
isip niya ang kasindak-sindak na mukha ng kanyang yumaong pinsan.
Pakiramdam
niya'y magkakatrauma na siya dahil sa nangyari. Hinding-hindi niya iyon
makakalimutan kahit kailan.
KINAUMAGAHAN,
habang abala si Kerby sa pagsusulat ng bagong kuwento sa kanyang notebook ay
naglalaro pa rin sa kanyang isipan ang nangyari kagabi. At dahin sa haunted
station na nagbigay ng takot at inspirasyon sa kanyang makaisip ng isusulat,
nakabuo siya ng bagong kuwento na pinamagatan niyang “Free WiFi.”
- Radiohell
-
***THE
END***
Written by
Daryl Makinano Morales
No comments:
Post a Comment