Sunday, June 21, 2015

The Soup


CREEPYPASTA (THE SERIES) - Season 1
“The Soup”

MAINGAT na umakyat ang dalawang teen ager sa bakod ng isang malaking bahay habang ang dalawa pa nilang kasamahan ay naiwan sa labas para magbantay pero pansamantala silang umalis para bumili ng yosi. Sinikap ng dalawang umakyat na huwag makalikha ng kahit anong ingay upang walang makarinig at makahuli sa kanila. Pagkababa nila sa bakod ay napatitig sila sa malaking bahay.
"Ang laki at ang ganda ng bahay na 'to! Sigurado marami tayong mananakaw dito. Tiyak na yayaman tayo ng husto dahil sa hitsura pa lang ng bahay mukhang mamahalin na ang mga gamit sa loob at mayaman ang mga nakatira," pabulong na wika ni Hussein.
"Tandaan n'yo, ginagawa ko lang naman ito para may makain kami ng nanay ko," paalala ni Mark kay Hussein.
Nahinto na sa pag-aaral ang binatilyong si Mark magmula nang pumanaw ang kanyang ama dahil sa heart attack. Ito kasi ang nagtatrabaho noon para makapag-aral siya at may makain sila, at dahil sa nangyari, naging madungis na ang buhay niya. At sa labis na kahirapan ay napilitan siya na makisali sa modus ng mga kaibigan para lang magkapera. Lahat ay gagawin niya, makakain lang ng tatlong beses sa isang araw. Kaysa naman sa tumunganga siya sa bahay na wala man lang ginagawa.
Wala ring maayos na trabahong tumanggap kay Mark dahil high school graduate lamang siya kaya hindi niya masisisi ang kanyang sarili na gawing komplikado ang sitwasyon.
"Tama na 'yang drama mo! Kung gagawin mo ng maayos ang trabaho mo magkakapera ka!" sermon sa kanya ni Hussein.
Akmang papasukin na nila ang bahay ng bigla silang makarinig ng kahol ng aso sa dulo ng bakuran.
Nagulat sila at nag-unahan na maka akyat muli sa bakod para makatakas subalit huli na nang makarinig sila ng boses mula sa bumukas na pintuan ng bahay.
"Sino kayo?"
Pagharap nilang dalawa ay isang matandang babae ang nakita nila na may hawak na tungkod. Wala sa mga mata nito ang galit kaya imbes na tumakas ay nagpalusot na lamang sila.
"Hinahanap lang po kasi namin 'yung bola namin na nahulog dito kanina."
"Ganu'n ba?" anang matanda na tila nabihag naman ang paniniwala sa kanilang palusot.
"Gabi na at naglalaro pa rin kayo? Mamaya n'yo na hanapin ang bola n'yo. Tamang-tama kakaluto ko lang ng pagkain. Gusto n'yo bang kumain dito?" Ngumiti ang matandang babae sa kanila.
Nagkatinginan at nagkatuwaan sina Mark at Hussein, muli silang bumaba ng bakuran at lumapit sa matanda.
"Halikayo pasok!" magiliw na sabi ng matanda at pinapasok ang dalawa.
Namangha si Mark nang makita kung gaano kaganda at kalaki ang loob ng bahay. Halatang naitago ang pagka malawak nito dahil sa dami ng mga mamahalin at babasaging gamit na naka-display kung saan-saan.
"Dito kayo." Dumeretso silang tatlo sa kusina. Pinaupo ng matanda ang dalawa sa round table at ipinaghanda ng mga pinggan at baso.
Nagmistulang mga rebulto ang dalawa at halos walang kaimik-imik. Hiyang-hiya sila sa matanda na balak sana nilang pagnakawan sa kabila ng pagiging mabait nito at may magandang loob.
"O, ba't hindi pa kayo kumakain?" tanong ng matanda nang mapansing wala pa ring imik ang dalawa at hindi pa ginagalaw ang pagkaing inihanda niya sa mesa.
Saka pa lang tila natauhan ang dalawa ng marinig nilang nagsalita ang matanda at nakatingin sa kanila.
"A... E... S-sige po kakain na po kame. M-maraming salamat po," halos mautal na si Mark kahit hindi pa kumakain. Hindi lang kasi nila mapigilan ang hiyang nararamdaman at isa pa, naninibago sila sa laki at ganda ng bahay. Para silang nakapasok sa kaharian ng langit. Lahat ng makita nila ay napakagara at umaakit sa kanilang mga mata. Parang nangangati ang mga kamay nila na atat na atat nakawin ang mga iyon pero ang kagandahang loob naman na ipinapakita ng matandang babae ang kumakalaban at pumipigil sa masama nilang balak.
Hindi na nila hinayaang lumamig pa ang pagkain sa lamesa kaya nagsimula na silang kumain. Napakasarap ng pagkakaluto ng fried chicken na noot ang mantika hanggang sa laman. Ang sitsarong bulaklak naman na kanilang pinapak ay napakalambot. Nakukulayan ng mantika pero hindi nakakauta. Ngayon pa lang sila nakakain ng masarap na pagkain kaya para silang mga aso na dinilaan pa ang pinggan para napnapin ang natitirang mantika.
Pero ang pinakamasarap na natikman nila ay ang sabaw na nakalagay sa mangkok. Wala itong sahog na kahit ano pero nang matikman nila ito ay nakalimutan na nilang uminom ng tubig. Sabaw pa lang ay ulam na at pawing-pawi pa ang kanilang uhaw. Pinagpawisan pa nga sila dahil sa init ng sabaw at umuusok pa.
"Ang sarap nyo pala magluto, lola!" pagpupuri ni Hussein, na tila nabura na ang hiyang nararamdaman nito dahil sa natikmang mga masasarap na putahe.
Natuwa naman ang matandang babae sa komento nito.
"Sige kumain lang kayo," nangingiti niyang sabi.
"Ano ho pala ang pangalan n'yo?" wala sa loob na naitanong ni Mark.
"Ako si Lola Barbara ninyo. Wala na akong pamilya kaya nakahiligan ko ang mag-ampon ng mga batang ulila para may kasama ako dito," pagpapakilala ng matanda.
"Nasaan na po 'yung mga ampon n'yo?" si Hussein ang nagtanong.
"Natutulog na sila sa kuwarto. Kayo ba may mga magulang pa ba kayo?" makahulugang tanong ni Lola Barbara sa kanila.
"S'yempre naman po," sabay tawa ni Hussein at napatingin sa kanyang katabi na si Mark. Ang nasa isip ni Hussein, baka balak rin silang ampunin ng matanda.
"Sobrang init!" reklamo ni Mark. Nagsimula siyang pagpawisan sa noo at leeg hanggang sa kamay. Maging si Hussein ay pinagpawisan rin sa sabaw pero hindi niya alintana iyon dahil sa sarap ng mga pagkain na kanyang natikman.
"Wala tayong magagawa. Mainit talaga ang panahon ngayon," anang matanda.
"Ano nga pala ang pangalan ninyo?" pahabol na tanong nito sa dalawang binatilyo.
"Ako po si Hussein."
"Ako naman po si Mark."
Matapos nilang magpakilala ay napatango lang ang matanda habang hindi nawawala sa mga labi nito ang kanyang ngiti.
Ilang sandali pa ay hindi na naging normal ang pakiramdam ng dalawa. Hindi nila malaman kung ang bahay ba talaga ang may mainit na temperatura kaya sila nagpapawis ng ganoon o baka dahil iyon sa sabaw na inubos nila.
Tagaktak ang tulo ng pawis nina Mark at Hussein. Mula ulo hanggang paa, para silang naliligo sa sariling pawis na halos bumakas pa sa kanilang mga soot na T-Shirt.
"A-ang init..." nasambit ni Hussein. Napahinto na rin ito sa pagkain. Parang gusto niyang hubarin ang kanyang damit para mapreskuhan lamang.
"W-wala po ba kayong... e-electric fan lola...?" matamlay ang boses na tanong ni Mark.
"Sandali lang. Kukunin ko 'yung stand fan sa kuwarto ko. Hintayin n'yo," anang matanda na parang wala lang sa kanya ang nararamdaman ng dalawang bisita. Naglakad ang matanda papunta sa kuwarto nito. Naiwan ang dalawang binatilyo sa kusina na parang binuhusan ng tubig ang buong katawan.
Lumipas ang labin-limang minuto ay hindi pa rin bumabalik ang matanda. Hindi na makapagsalita at makakilos sina Mark at Hussein sa kanilang kinauupuan. Nagsimula silang makaramdam ng takot nang makitang dugo na ang lumalabas na pawis sa kanilang mga katawan. At habang patagal ng patagal ay painit pa ng painit ang kanilang nararamdaman.
Ibig nilang umiyak at parang malalaglag ang kanilang puso sa takot habang pinagmamasdan ang mga dugo na nagsisilabasan sa kanilang mga katawan at sumasabay sa paglabas ng pawis.
Lumipas ang higit kalahating oras bago bumalik si Lola Barbara pero imbes na stand fan ay malaking tuwalya ang dala nito. Pagbalik niya sa kusina ay nadatnan niyang kalansay na lang ang dalawang binatilyo na nakaupo sa upuan ng mesa. Tunaw na ang balat ng mga ito. Ang kanilang dugo at mga lamang loob ay nagkalat at bumaha sa sahig.
Nilapitan niya ang kalansay ng dalawang binatilyo at maingat niya itong pinunasan.
"Buti na lang nakahanap na ako ng magiging kuya ng aking mga bunso," wika niya habang pinupunasan ang mga ito. Pagkatapos ay binuhat niya ang dalawang kalansay at ipinasok sa kuwarto at itinabi niya sa iba pang mga kalansay ng mga batang maliliit na marahil ay dati ring mga batang gala na di sadyang napadpad sa harap ng bahay ni Lola Barbara.

"ANG tagal naman ng dalawa sa loob! Ayaw na nila yatang iwanan ang bahay!" reklamo ni Reyhenson na kababalik lang kasama ang isa pa nilang kasamahan na si Kenneth.
"Pasukin na rin kaya natin itong bahay? Mukhang napasubo ang dalawa sa loob, e," ani Kenneth habang may yosi ang bibig.
"Halika na nga!" Nauna nang umakyat sa bakod si Reyhenson. Sumunod naman sa kanya si Kenneth na lumingon pa ng kaliwa't kanan para makasiguradong walang nakakakita sa kanila.
Pagkababa nila sa bakod ay nagulat sila sa pagtahol ng aso. Aakyat sana silang muli pero nakawala ang aso sa pagkakatali nito at bago pa maka akyat ang dalawa ay nakagat na sa paa si Kenneth. Napasigaw ito sa sakit.
Sa Reyhenson naman ay nagmadaling maka akyat sa bakod upang makatakas. Hindi na niya tinulungan pa si Kenneth dahil sa takot niya na makagat din ng aso. At isa pa, hindi naman talaga niya kaibigan si Kenneth pati sina Hussein at Mark. Dahil tulad ni Mark, sumali lang din si Reyhenson sa modus na iyon para magkapera at makabili ng pagkain.
Pero ngayon pa lang ay pinagsisisihan na niya ang ginawang pagsali sa mga ito. Babalik na siya sa kanyang mga magulang at magtitiis na lamang sa ulam na tuyo at asin kaysa naman makakain ng masarap pero galing naman sa nakaw.

"AAAAAHHH...! Sakloloooo...!" Ang sigaw ni Kenneth ay umalingawngaw sa buong paligid, sapat na iyon para marinig siya ni Lola Barbara. Agad itong lumabas ng bahay, nadatnan niya ang binatilyong si Kenneth na bihag pa rin ng aso ang kanyang paa sa bibig ng alaga.
"Tsupi! Boboy, tama na 'yan!" pagtataboy niya sa alagang aso. Nang bumitaw ang aso sa pagkaka-kagat sa kaliwang paa ni Kenneth ay agad tinulungan ng matanda na makatayo ang bata pero hirap itong ikilos ang mga paa.
"Hijo, mukhang malala 'yang sugat mo sa paa. Pasensya ka na sa aso ko. Halika gagamutin ko muna 'yang sugat mo sa loob." Inalalayan na lamang ng matanda si Kenneth habang gumagapang ito papasok sa loob. Di nito kinaya ang hapdi ng kanyang paa na nakagat ng aso kaya napaiyak siya na parang bata.
Nang makapasok na sa loob ay inalalayan ng matanda na makaupo sa sofa si Kenneth pagkatapos ay inihiga niya ang binatilyo.
"Sandali lang, kukuha lang ako ng panyo na pantali sa iyong mga paa at mamaya ay isusugod agad kita sa emergency para mabakunahan ka agad nila," anang matanda at dali-daling nagpunta sa kusina.
Pero imbes na buksan ang kanyang first aid kit ay kasirola ang kanyang binuksan at nagsandok ng sabaw sa mangkok.
Hinatid niya iyon kay Kenneth at pinahigop ng sabaw.
"Humigop ka muna. Masustansya 'yan. Para hindi agad kumalat ang rabis sa iyong katawan," pagsisinungaling ng matanda at dahan-dahang sinubuan ang binatilyo ng sabaw.
Pinaubos ng matanda ang sabaw sa binatilyo. Halos hindi na makapagsalita si Kenneth. Nananamlay siya at nanghihina. Wala na siyang lakas para makatayo pa. Ilang sandali pa ay bigla siyang pinagpawisan. Walang patid ang paglabas ng pawis hanggang sa sumabay sa paglabas ang dugo niya sa katawan!
Di nagtagal, katulad na rin siya nina Mark at Hussein. Nagkalat ang mga dugo at laman niya sa sofa hanggang sahig at tanging kalansay lamang niya ang nanatiling buo.
Kumuha naman ng tuwalya si Lola Barbara at dahan-dahang ang kalansay pagkatapos ay binuhat niya ito papunta sa kuwarto at itinabi sa kalansay nina Mark at Hussein.
"'Yan ang napapala ng mga batang pagala-gala sa gabi..." nanunuksong wika ni Lola Barbara habang nakatingin sa kalansay ng mga batang kanyang biktima. Nagpakawala siya ng mala-demonyong ngiti.

ISANG linggo na ang nakalilipas pero hindi na nakita ni Reyhenson ang tatlo niyang mga kasamahan noon sa pagnanakaw, lalo na kay Kenneth na nakagat pa ng aso bago niya ito iniwanan sa bahay. Kahit hindi niya ito mga kaano-ano ay hindi pa rin niya maiwasang mag-alala para sa mga ito. Ang hindi niya alam ay kabilang na rin ang tatlong binatilyo sa mga biktima ni Lola Barbara na nakahigop ng sabaw na may kulam!

SAMANTALA, nahuli sa CCTV Camera ang aktwal na pag-akyat nina Mark, Hussein pati ang pagkagat ng aso kay Kenneth. Pero ang hindi nila maintindihan ay kung bakit hindi na lumabas ng bahay ang mga ito hanggang ngayon.
At ang isa pang ipinagtaka ng mga barangay tanod ay ang matandang babae na nahuli rin sa CCTV na pinapasok ang dalawang binatilyo sa loob ng kanyang bahay. Naisip nila na baka may kinalaman ang matandang iyon sa pagkawala ng mga kabataan noong nakaraang buwan. Madalas kasi nilang nakikita ang matanda noon sa CCTV na palaging lumalapit at nagbibigay ng pagkain sa mga batang gala lalo na kapag gabi, at pagkatapos nitong makuha ang loob ng mga bata ay isinasama niya ito sa loob ng kanyang bahay. At magmula noon ay nagsimula na ang reklamo ng mga magulang na nawawalan daw sila ng mga anak.
Kaya para makasigurado ay napagpasyahan nilang puntahan ang naturang bahay ng matanda para imbestigahan!
Nang umagang iyon ay pinasok nila ang bahay ng matanda. Hindi naka-lock ang pintuan at gate kaya agad nakapasok ang mga alagad ng batas. Hinanap nila ang matanda sa buong sulok ng bahay.
Natagpuan nila ito sa kuwarto at ganoon na lamang ang sindak nila ng makita ang matandang babae na kinakausap ang mga kalansay ng mga bata na naka-display sa buong paligid ng kuwarto. Tama nga ang hinala nila. Ang matandang babae nga ang nangingidnap ng mga bata mula noon!
Tinutukan nila ng baril ang matanda para ito’y matakot.
“A-anong gagawin n’yo sa akin?” tila nagpapakaawa ang hitsura ni Lola Barbara.
“Sumama na lang po kayo sa amin, lola. Sa prisinto na kayo magpaliwanag.” Sinenyasahan ng isang pulis ang dalawa niyang kasamahan para posasan ang matanda.
“H-hindeeee! Hindi ko puwedeng iwanan ang mga anak kooooo!!!” sigaw ng matandang babae habang lumuluhang nakatingin sa mga kalansay ng mga bata.
Ang akala ng mga pulis ay nababaliw na ito. Ang hindi nila alam ay may lahing mangkukulam si Lola Barbara at ang misyon niya sa mundo ay mambiktima ng mga kabataan na walang kamuwang-muwang pa. Kokolektahin niya ang kalansay ng mga ito at kapag umabot na sa labing walo ang bilang ng mga ito ay dadalhin niya ito sa kanilang probinsya at iaalay sa kanilang pinuno para bigyan siya ng gantimpala. At ang gantimpalang iyon ay ang mas malakas na kapangyarihang itim.
Subalit bigo si Lola Barbara na magawa ang kanyang misyon dahil sa prisinto na ang kababagsakan niya…
Wala ng makakatikim pa sa kanyang lutong sabaw.

- The Soup -
***THE END***

Written by Daryl Makinano Morales

Sunday, June 14, 2015

Pray For Us Sinners


CREEPYPASTA (THE SERIES) - Season 1
“Pray For Us Sinners”

NAKILALA si Aling Melba sa kanilang bayan bilang isang magaling na manggagamot. Halos lahat ng mga may malalang karamdaman ay sa kanya nagpapagamot. Sa pamamagitan ng kanyang agimat na namana pa niya sa pumanaw niyang ina ay gagaling ang sakit ng mga taong kokonsulta sa kanya. 'Diyos' kung siya'y iturin ng taumbayan. Taglay niya ang kabaitan at kapangyarihan ng Diyos sa langit. Kulang na nga lang ay pagawan siya ng sariling rebulto para dasalan at sambahin.
Mabait si Aling Melba. Hindi siya nagpapabayad sa panggagamot. Libre niyang ginagamot ang lahat ng mga may sakit. Hindi na niya iniintindi ang gutom dahil sa kawalan ng pera, makita lang niyang malusog at walang sakit ang taumbayan ay busog na siya sa kaligayahan. Ganoon siya kabait.
"Alam mo, anak, ang agimat na ito ay makapangyarihan. Pagdating ng panahon, sa 'yo ko ipapamana ito. Ikaw na ang gagamot sa mga taong may karamdaman."
Iyon ang palaging sinasabi ni Aling Melba gabi-gabi sa anak niyang lalaki na si Arch.
Binubulag ni Aling Melba ang sariling anak sa kapangyarihang taglay ng agimat na iyon upang hindi nito makilala ang Diyos sa langit na pinaniniwalaang higit na makapangyarihan at lumikha sa lahat.
Lumaki si Arch na ang agimat ng kanyang ina ang kanilang kinikilalang Diyos.
"Inay, kapag po tayo naman ang nagkasakit, mapapagaling din ba tayo ng agimat na 'yan?" tanong sa kanya ng bata.
"Anak, ibuhos mo lang ang iyong pananampalataya sa agimat na ito at bibigyan ka niya ng mahabang buhay," paliwanag ni Aling Melba.
Ang ibig nitong sabihin ay maliligtas sa kahit anong sakit at kapahamakan ang sinumang magmay-ari sa agimat na iyon.
Yari sametal ang agimat. Hugis bilog ito at ang simbolo nito ay ang YinYang symbol.
Sa tuwing manggagamot si Aling Melba ay idinidikit niya ang mata ng agimat sa gitna ng noo ng mga taong may karamdaman saka niya ito uusalan ng dasal, at pagkalipas lamang ng dalawa hanggang tatlong oras ay muling sisigla at babalik sa normal ang kalusugan at pangangatawan ng may sakit.
Subalit dumating ang araw na pumanaw si Aling Melba dahil sa katandaan. Ang araw na iyon ang umpisa ng pagluluksa ni Arch. Mula sa simula hanggang sa huling gabi ng lamay ay halos kaunti lamang ang kanyang tulog. Palagi siyang nasa harap ng kabaong habang iniiyakan ang ina. Halos ayaw niyang humiwalay sa kabaong. Kulang na lang ay tabihan niya ang ina sa loob nito. Marami ang nakipaglamay sa matanda, malaki raw kasi ang utang na loob ng mga ito kay Aling Melba kaya nangako ang taumbayan na ihahatid nila ito hanggang sa huling hantungan nito. Parang presidente ng pilipinas si Aling Melba. Sobrang dami ng nakikipaglamay sa kanya.
Oras ng misa, tinawag na nang pari ang lahat ng gustong magbasbas ng holy water sa kabaong ni Aling Melba. Marami ang tumayo at humarap sa kabaong. Unang iniabot ang holy water kay Arch. Halos mamula na ang mga mata nito sa walang tigil na pag-iyak.
Pagkabasbas niya ng holy water sa kabaong ay bigla itong nagliyab at lumikha ng apoy. Laking gulat ng mga tao, lalong-lalo na si Arch. Napaatras silang lahat. Ang mga tao namang nakaupo ay napatayo at napasigaw rin sa naganap. Ang pari naman ay napaatras at napa sign of the cross dahil sa takot.
Kasamang sinunog ng apoy ang bangkay ni Aling Melba sa loob ng kabaong.
Gulat na gulat doon si Arch. Nahaluan ng pagtataka ang kanyang nararamdaman. Walang makapagsabi kung paano nagliyab ang kabaong ni Aling Melba, at ang higit na nakapagtataka ay kung bakit ito nagliyab nang basbasan ito ng holy water.
Dahil ba sa pagsamba nito sa agimat na iyon? Ang agimat na nilikha ng kadiliman para lasunin ang isip ng mga tao?
Pagkalipas ng ilang taon ay si Arch na ang nagmay-ari ng agimat. Siya ang sumunod sa yapak ng kanyang ina bilang manggagamot pero ang kaibahan lamang ay nagpapabayad si Arch sa lahat ng mga ginamot niya kaya medyo nanibago ang mga tao sa kanya.
Na-realized niya na nagbibigay nga ng mahabang buhay ang sinumang magmay-ari ng agimat, pero darating at darating pa rin ang araw ng kamatayan ng lahat ng tao. Iyon ang ikinasasama ng loob ni Arch kaya sa tuwing kinakausap siya ng mga nagpapagamot ay tinatarayan niya ito. Mataray siyang lalaki.
"Namatay ang aking ina dahil na rin sa gutom. Ayaw pa rin niyang huminto sa panggagamot ng libre kahit wala na kaming makain kaya hindi ako papayag na tumanda akong mahirap at mamatay rin sa gutom."
Iyon ang palaging idinadahilan ni Arch sa mga taong kumukuwestyon kung bakit siya nagpapabayad pa. Ayaw niyang matulad sa kanyang ina na sumobra sa bait kaya patuloy na naghihirap. Bagamat maraming nagrereklamo sa patakaran niyang iyon ay marami pa ring nagpapagamot sa kanya at napipilitang magbigay ng bayad. Sa totoo lang, sumama ang loob ni Arch sa mga tao kaya sinisingil niya ang mga ito ng pera. Ang perang iyon ang kabayaran ng mga ito sa pagkamatay ng kanyang ina.
Aywan ba niya kung bakit naging ganoon na lamang kabait ang ina niya sa mga tao noong nabubuhay pa ito. Iniintindi pa ang kalusugan at buhay ng iba kaysa sa sariling buhay.
Ang panggagamot ay ginawang negosyo ni Arch. Bukod sa panggagamot ay naimpluwensyahan din siya ng mga barkada sa pagbebenta ng mga droga. Doon siya kumita ng husto at napabilang sa mga taong maituturin na 'may kaya sa buhay.'
Walang nakakaalam na nagbebenta ng droga si Arch. Ang alam lang ng mga ito ay nanggagamot siya sa pamamagitan ng agimat na iyon.
Hanggang sa dumating ang oras na nakaisip siya ng plano para tuluyang yumaman. Nais niyang ibenta sa malaking halaga ang agimat.
"Seryoso ka ba d'yan, Arch? Ibebenta mo 'yan sa akin ng isang milyon?" natatawang tanong sa kanya ni Emir, ang lider nila sa pagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot.
"Boss, alam ko namamahalan ka sa presyo ng agimat na ito. Pero kung alam mo lang, nakapagpapagaling ito ng kahit anong mga karamdaman at humahaba pa ang buhay ng sinumang magmay-ari nito! Tandaan mo, walang pera ang kayang tumbasan ang buhay ng isang tao. Kaya kapag binili mo ito, para ka na ring bumili ng iyong pangalawang buhay dito sa lupa! Hinding-hindi mo ito pagsisisihan!"pagkukumbinsi ni Arch. Halos manlaki pa ang mga mata niya habang nagsasalita.
"Alam ko," ang tanging tugon ni Emir. Kahit noong hindi pa niya tauhan si Arch ay kilala na niya ang ina nito na dating nanggagamot sa pamamagitan ng agimat na iyon.
Katunayan ay balak sana niyang nakawin ang agimat noon pa dahil kailangan na kailangan niya iyon para sa kanyang asawa na hanggang ngayon ay nasa ospital pa rin dahil sa breast cancer pero ngayo'y hindi siya makapaniwalang ang agimat na mismo ang lalapit sa kanya para maging bago nitong tagapangalaga. Maaari niyang gamitin iyon para mapagaling ang asawa niya.
Di nagtagal ay agad ding nagkasundo sina Emir at Arch sa napag-usapan. Pagkatapos ipaliwanag ng binata kung paano gamitin ang agimat pati ang mga dasal na dapat nitong bigkasin ay ibinigay na nito ang agimat. Kaliwaan. Pagkatapos ay ibinigay naman sa kanya ng amo ang isang malaking bag na naglalaman ng isang milyon. Cash."
Abot tenga ang ngiti ni Arch. Sa wakas ay mayaman na siya. Wala na siyang mahihiling pang iba. Ngayong may pera na siya, kaya na niyang paikutin ang mundo sa kanyang  mga palad.
Lalo tuloy siyang naawa sa kanyang ina na namatay na hindi man lang nakakuha ng benipisyo mula sa agimat na iyon. Kung nakikita lang marahil ni Aling Melba ang pagyaman ngayon ng anak, malamang ay magsisisi rin ito kung bakit pa ito naging mabait sa mga tao at hindi nagpapabayad.
Nang makuha na ni Arch ang pera ay lumisan na siya sa kanilang bayan at iniwan na rin niya ang pagbebenta ng droga. Nagpatayo siya ng sariling bahay sa Maynila at habang hindi pa ito natatapos, pansamantala siyang nangungupahan ngayon sa isang maayos na apartment.
Nagulat siya ng ibalita sa TV ang diumanoy dalawang lalaki na nahuli sa pagbebenta ng mga droga. Kahit itinago ng media ang tunay na pangalan ng mga ito ay kilala niya kung sino ang dalawang lalaki na iyon.
Sina Kiko at Peter, ang mga kaibigan niya na nagpasok sa kanya dati para magbenta ng droga. Malaki ang pasasalamat niya dahil iniwan na niya ang negosyong iyon.
Kung nanatali lang siguro siya sa negosyong iyon hanggang ngayon, marahil ay laman din siya ng balita sa TV tungkol sa pagbebenta ng droga.
Tinawanan na lamang niya ang napanood. Hindi na niya kailangan pang isipin at balikan ang kanyang masaklap na nakaraan dahil mayaman na siya. Dapat na siyang mag-focus sa buhay niya ngayon.
Samantala, tuwang-tuwa si Emir sa biglaang paggaling ng kanyang asawa. Wala na ang bukol nito sa suso. Dalawang oras lamang ang lumipas matapos niyang gamitin ang agimat ay gumaling na agad ang kanyang asawa at nakaligtas sa isang sakit na kahit sino'y ayaw magkaroon nito.
Maluha-luhang hinalik-halikan ni Emir ang agimat, halos sambahin niya ito. Tuwang-tuwa siya dahil sa biglaang pagsigla ng katawan ng asawa niya. Gusto na nga raw nitong lumabas agad sa ospital para makapagtrabaho. Iyon ang daily hobby ng kanyang asawa, ang magtrabaho ng magtrabaho.Napakasaya nilang mag-asawa. Halos magwala sila sa ospital dahil sa sobrang saya.
Napatunayan ni Emir na makapangyarihan talaga ang agimat na iyon. Hindi niya pinagsisihan ang isang milyong piso na ibinayad niya kay Arch kapalit ng agimat. Na-realized niyang hindi talaga kayang tumbasan ng pera ang buhay ng isang tao. Mas mahalaga ang buhay kaysa sa pera. Nanghihiyang tuloy siya kung bakit isang milyon lamang ang ibinayad niya. Kung alam lang niyang ganoon pala katindi ang kapangyarihan ng agimat, handa niyang ibayad pati ang lahat ng kanyang natitirang mga ari-arian.
Kaya ngayon, magbabagong buhay na siya. Iiwanan na niya ang pagdodroga at magpapakalayu-layo na sila ng asawa niya. Ayaw niyang mahuli ng mga alagad ng batas kaya tatakasan na niya ang kasalanang umaalipin sa kanya. Wanted na kasi ito sa kanilang lugar. Kalat na kalat na ang pangalan at litrato niya sa mga poster at sa mga nakadikit sa dingding.
May dumating na isang di inaasahang pangyayari sa kanilang mag-asawa. May nakakita kina Emir kung saang tirahan sila nagtatago. Agad itong nakarating sa mga pulis kaya nang araw ding iyon ay tinunton nila ang bahay ng mag-asawa at hinuli ang lalaki. Di makapaniwala ang kanyang asawa sa nangyayari lalo na ng malaman nito na lider pala si Emir sa pagbebenta ng mga droga. Dahil sa pagkabigla ay inatake sa puso ang kanyang asawa. Ang masaklap doon ay hinuli pa mismo si Emir ng mga pulis sa harap ng kanyang asawa na lalong nagpalala sa sitwasyon. Bakit inatake ng ganoon kadali ang asawa niya? Ang akala niya ay napagaling na ng agimat ang lahat ng mga komplikasyon nito sa katawan. Binabawi na ba ng agimat ang paggaling ng kanyang asawa?
Nanlumo si Emir nang ipasok na siya sa prisinto kasama nina Kiko at Peter, ang dalawang masugid niyang mga tauhan.
May mga media pa na nagpunta para interbyuhin siya.
"Totoo po ba na kayo talaga ang lider sa pagbebenta ng mga ipinagbabawal na gamot?" tanong ng isang reporter.Hindi makapagsalita si Emir.Nakatakip ng sando ang kanyang mukha habang nakayuko at umiiyak.
Masama ang loob niya sa dalawang tauhan dahil binulgar ng mga ito ang tungkol sa kanya. Ngayon ay habang buhay na niyang pagdurusahan ang ginawang kasalanan.
Sising-sisi siya. Bakit pa niya tinanggap ang agimat na iyon kay Arch? Bakit pa niya ipinagpalit ang isang milyon para lang sa agimat na hindi niya lubos akalain na magdudulot ng matinding problema sa kanya? Isa lang ang sinisisi niya sa lahat ng ito, walang iba kundi si Arch. Kaya nang gabing iyon, nanalaytay ang galit at poot sa dugo niya. Di niya napigilan ang sarili na manumpa sa sukdulan ng buwan.
"Kasalanan mo ito, Arch... Dahil sa 'yo at sa agimat mong 'yan ay nasira ang buhay ko... Kung alam ko lang, hindi ko na lang sana ipinagpalit ang pera ko sa letseng agimat na 'yan! Isinusumpa kita... Magdurusa ka sa pamamagitan ng pera mong 'yan! Magdurusa kaaaaa!!!" Di niya napigilang sumigaw sa sobrang galit. Wala na siyang pakialam kung magising pa ang mga kasama niya sa loob ng kulungan.
Aywan ba niya kung bakit bigla na lamang siyang nakaramdam ng kakaibang kaginhawaan matapos niyang masabi iyon. Dininig ba ng diablo ang panunumpa niya kay Arch?Kung tunay ngang dininig ng demonyo ang kanyang sinabi, hanggang saan kaya tutungo ang sumpang ito?

WALANG ibang ginawa si Arch kundi ang magpakalasing sa bar gabi-gabi. Iyon ang naging night hobby niya. Palibhasa’y marami ng pera kaya malaya niyang nagagawa ang mga gusto niya. Anytime, anywhere.Walang gabi na wala siyang nakikilalang babae sa loob ng bar. Bawat gabi ay iba-ibang babae. Siya na mismo ang nagbabayad sa order na alak ng mga ito. Sagot lahat niya ang gastos.
Ngunit isang gabi ay may nakita siyang isang babae na ubod ng ganda. Ang babaeng iyon ang pinakamaganda sa lahat ng mga nakilala niya. Maputi ito, matangkad at sumasabog ang bango ng madaanan niya ito na nag-iisa sa isang lamesa kaya hindi siya nagdalawang isip na kaibiganin ito.
"Hi. Dayuhan ka ba rito?" tanong niya.Sa tansa niya'y may lahing amerikana ang babae.
"Hindi.Tagarito lang din ako," tugon ng babae. Musika sa pandinig ni Arch ang boses nito. Lalong nahuhulog ang loob niya sa babae.
"Saan ka nakatira dito?"
"Malapit lang dito sa bar. Mga tatlong bahay ang lalampasan mo sa kanan bago mo makita 'yung bahay ko. Mag-isa na lang ako. Wala na akong mga magulang," kuwento ng babae.
Nangunot ang noo ng lalaki."Bakit naman?"
"'Yung mama ko matagal nang patay, namatay siya nu'ng ipinanganak ako. 'Yung papa ko naman, pinalayas ako nu'ng nalaman niya na nabuntis ako,"
Medyo nanlumo si Arch. May nauna na pala sa babae. Ang akala niya'y birhen pa ito.
"Nasaan na 'yung anak mo?" may tampong tanong niya.
"Pina-ampon ko na lamang. Hindi ko kasi siya kayang buhayin dahil wala akong kapera-pera. Lumaki akong mahirap," may lungkot sa mukha ng babae. Naawa si Arch sa kalagayan nito. Nagkaroon siya ng dahilan para lalong mapalapit dito.Tama ang naisip niya, gagamitin niya ang kanyang pera para makuha niya ang loob nito. Wala na siyang magiging problema basta't may salapi siyang hawak.
Nakilala niya ang babaeng iyon sa pangalang Claire. Di nagtagal ay naging magkaibigan sila. Gabi-gabi silang nagkikita sa bar at nagpapakalunod sa alak, may mga gabi na kapag hindi na makauwi si Arch sa sobrang kalasingan ay inuuwi siya ni Claire sa bahay nito na malapit lang sa bar na iyon. Pagkalipas ng ilan pang mga taon ay nauwi sa relasyon ang pagkakaibigan nilang dalawa. Nang maging opisyal na silang dalawa ay sa bahay na ni Arch umuuwi ang babae. Sakto namang natapos ang mansyon na ipinagawa ni Arch. Doon na sila nakatira ni Claire. Doon na sila magsisimula ng bagong buhay.
Dumating ang gabi na pinakahihintay ni Arch. Nagtalik silang dalawa sa loob ng kuwarto niya. Batid niyang napaaga ang gabing dapat ay gagawin pa lang nila kapag ikinasal na sila subalit pareho silang sabik na sabik sa sarili kaya hindi na nila pinalampas ang pagkakataong iyon. Uminit ang gabi nilang dalawa na may kasamang kiliti, sarap at tamis ng pagnanasa.
Ang akala talaga ni Arch ay tuluyan na siyang magiging maligaya. Subalit dumating ang araw na may nangyaring hindi niya inaasahan. Ninakaw ang lahat ng pera niya na nakalagay sa loob ng aparador. Naglaho na parang bula ang isang milyon. Ni singko ay walang natira sa kanya. Napnap lahat, at kasabay pa niyon ang biglaang pagkawala ni Claire.
"Lintik na!" Binalibag niya ang hawak na cellphone sa dingding. Nilinlang siya ng babae at pinagtaksilan, ninakawan pa. Di niya inakalang sa kabila ng pagiging maganda nito ay may itinatago itong masamang budhi. Ang hindi niya alam, isa talagang magnanakaw si Claire. Naglayas ito sa probinsya nito sa takot na mahuli ng mga pulis kaya sa Maynila na ito namuhay. Iyon ang katotohanan na hindi sinabi ni Claire sa kanya.
Magmula noon, hindi na niya ito nakita pa. Dahil sa nangyari ay parang ninakawan din ng buhay si Arch. Nawalan na siya ng ganang kumain at lumabas ng bahay.
Hindi na rin siya gaanong nakakatulog ng maayos at palagi siyang balisa. Palaging naglalaro sa kanyang isipan ang pera niya. Kung wala iyon, parang wala na rin siya. Sayang ang lahat ng mga pinaghirapan niya kung mawawala lamang ito. Ang masaklap doon ay ninakaw pa iyon ng isang tao na hindi niya inakalang gagawa ng ganoon kasama sa kanya.
Tuluyan na siyang nawalan ng tiwala at itinurin niyang salot ang lahat ng mga tao sa mundo. Tumubo at lumaki ang galit sa kanyang puso.
Hanggang isang araw ay dinapuan siya ng isang sakit na hindi niya matukoy kung ano. Sa tuwing uubo siya ay may dugong lumalabas sa kanyang bibig. Kapag naman nagsusuka siya ay may kasama ring dugo. Nagsimulang manamlay ang kanyang hitsura at mamuti at mamakbak ang balat ng kanyang mga labi. Pumayat siya ng pumayat na kulang na lang ay lumabas na ang buto niya. Nagsimula na ring malagas ang buhok niya at mangitim ang tagiliran ng kanyang mga mata. Sumisikip ang kanyang dibdib at hirap huminga. Halos lahat yata ng uri ng kanser ay dumapo sa kanya. May kasama pang HIV, TB, at Asthma.
Ano ba itong nangyayari sa akin, iyon ang tanong na palaging isinisigaw ng utak niya.
Hindi na niya kaya. Hirap na hirap na siyang mamuhay ng may karamdaman. Hindi na niya magawang magpatingin sa duktor dahil wala na siyang kapera-pera.
Lumipas ang isang taon, buhay pa rin siya at patuloy na naghihirap sa sakit niyang iyon. Hindi niya lubos na maunawaan kung bakit pa siya nanatiling buhay sa kabila ng kanyang malalang karamdaman. Paano niya nagawang mabuhay sa loob ng isang taon nang hindi kumakain, natutulog at umiinom ng gamot? Hanggang sa nakaisip siya ng paraan...
Nagpunta siya sa kusina at kumuha ng kutsilyo. Hindi na magbabago ang isip niya. Gusto na niyang mamaalam sa mundo kaya nilaslas niya ang dalawang pulso niya. Ilang sandali lamang, nagdilim na ang paningin niya.

PAGKAGISING niya ay muli niyang nilingon ang laslas niya sa pulso. Patuloy pa rin iyon sa pagdurugo pero ang hindi niya maintindihan ay bakit hindi pa rin siya namatay? Bakit pa siya nagising? Bumangon siya at nagpunta sa kuwarto. Nagtali siya ng lubid sa itaas at kumuha siya ng tungtungan. Itinali niya ang lubid sa kanyang leeg, magbibigti siya!
Pagkatali ng lubid sa kanyang leeg ay agad niyang sinipa palayo ang tungtungan. Sumakal ng ubod ng higpit ang lubig sa kanyang leeg. Kulang na lang ay humiwalay ang ulo niya sa katawan. Unti-unting nagdilim ang kanyang paningin.
Hindi niya alam kung gaano siya katagal nakalambitin doon pero hindi niya maintindihan kung bakit nagising pa siya sa kanyang ginawa. Bakit ayaw huminto ng kanyang puso sa pagtibok? Bakit hindi siya mamatay-matay? Doon na siya nabahala at biglang sumagi sa isip niya ang agimat na ibinenta niya. Naalala niya ang sinabi ng ina niya na bibigyan raw nito ng mahabang buhay ang sinumang magmay-ari nito.
Pero matagal nang ibinenta iyon ni Arch. Hindi na siya ang nagmamay-ari nito pero bakit hindi pa rin mapatid-patid ang kanyang buhay?
Binaklas niya ang lubid sa kanyang leeg. Bumagsak siya sa lupa. Pilit niyang ibinangon ang sarili kahit hirap na hirap na siya. Muli siyang nagpunta sa kusina at kumuha ng lagari. Buong lakas at tapang na nilagari niya ang kanyang braso.
"Aaaaaaaaahhhh!!!" namilipit siya sa sakit. Lalo na ng mahulog sa sahig ang naputol niyang braso ay halos maubos ang boses niya sa kakasigaw. Dumanak ang sariwa niyang dugo at nagkalat sa sahig. Walang patid ang kanyang pagsigaw at pag-iyak. Awang-awa na siya sa sarili niya. Para siyang bata kung umiyak at parang babae kung sumigaw.Lahat ay ginawa na niya pero hindi pa rin siya namamatay. Para
Ramdam niya ang sakit at hapdi na ginawa niya sa paglaslas niya sa kanyang pulso, pagbigti, at pagputol sa kanyang braso pero hindi siya namamatay. May kung anong sumpa ang kumapit sa kanya kaya ayaw huminto sa pagtibok ng kanyang puso. Umisip pa siya ng paraan para mamatay. Kumuha siya ng martilyo at pinukpok niya ang kanyang bibig hanggang sa magkanda-durog ang kanyang mga ngipin. Pinaulanan din niya ng pukpok ang kanyang ulo at halos madurog ang bungo niya pero nanatili pa rin siyang buhay. Nanginig siya sa sobrang sakit. Pero hindi siya nagpatanig. Ininom niya ang asido na naka-stock sa kusina. Namilipit siya sa hapdi. Ramdam niyang sinusunog na ng asido ang kanyang puso at buong laman sa katawan. Nagsuka siya ng nagsuka at nangisay sa sahig pero bigo siyang wakasan ang sariling buhay. Sa sobrang hapdi ng buo niyang katawan ay gumapang na lamang siya papunta sa terrace at inilabas na niya ang lahat ng natitira niyang lakas para umakyat doon pagkatapos ay tumalon siya. Pagkabagsak ng katawan niya sa lupa ay maraming nadurog na mga buto sa kanyang katawan at dumanak ang dugo sa lupa, at doon na muling nagdilim ang kanyang paningin.

PAGKAGISING ni Arch ay nasa isang malaking kawa na siya habang nasusunog sa lumalagablab na apoy. Nagsisigaw siya sa sakit dahil sa nalalapnos niyang balat dahil sa init ng di pangkaraniwang apoy. At habang siya’y naluluto sa malaking kawa ay nakatitig sa kanya ang isang demonyo na may hawak na panghalo sa kawa. Niluluto talaga siya nito!
Doble-dobleng sakit at paso sa katawan ang naramdaman ni Arch. Nanoot ang sakit niyon hanggang sa kanyang mga buto. habang siya’y naluluto ay pinagtatawanan siya ng mabalasik na demonyo.
Mahaba ang sungay nito, pulang-pula ang katawan at kulay berde ang mga mata.Mahahaba ang mga kuko at bulok ang mga ngipin. Nakangisi ito sa kanya.
Bagamat halos mabingi na siya sa kakasigaw dahil sa init ng apoy na sumusunog sa katawan niya sa kawa ay narinig niyang nagsalita ang demonyo.
"Dahil sa ginawa mong pagbenta sa makapangyarihang agimat ay nagkaroon ka ng isang malaking kasalanan sa panginoong Lucifer. Kaya bilang parusa, hinding-hindi ka mamamatay kahit ano ang iyon gawin. Mananatili kang buhay sa lupa habang walang patid na maghihirap! Hahahahaha!"
Muling nagdilim ang paligid at nawalan ng malay si Arch.

NANG muli siyang magising ay nasa lupa na siya, sa labas ng kanyang mansyon. Panaginip lang pala ang lahat. Isang makatotohanang panaginip. Hindi na niya magawang huminga ng malalim. Hinang-hina na siya.
May kung anong nag-udyok kay Arch para gawin ang isang bagay na hindi pa niya nagagawa sa buong buhay niya.
Nang gabing iyon ay gumapang siya ng gumapang sa lupa hanggang sa makarating siya sa simbahan. Ang tahanan ng Diyos sa langit.
Pagpasok niya doon ay tiniis niya ang lahat ng sakit at hapdi sa buong katawan para makarating malapit sa harap ng altar. Gamit ang kanyang natitirang kamay ay gumapang siya at humawak sa paanan ng mga upuan para agad makarating sa harap ng altar. Hindi na kasi niya maikilos ang mga paa dahil sa ginawa niyang pagtalon. Bali na ang mga buto niya sa paa. Tiniis na lamang niya ang pagkirot ng buo niyang katawan, halos manginig at maiyak siya sa sakit. Mababakas sa kanyang mukha ang labis na kalungkutan at paghihirap na nararamdaman ngayon.
Nang makarating na siya sa harap ng altar ay napahagulgol siya ng iyak habang nakatitig sa rebulto ng panginoong Diyos.
"A-alam ko po na nagkasala ako sa inyo. Batid kong malaki ang aking kasalanan dahil hindi kita kinilala mula noong bata pa ako. D-dahil sa agimat na iyon ay h-h-hindi ako nab-bigyan ng pagkakataon p-para makilala ang t-tunay na makapangyarihan sa l-lahh-hat… G-gusto na kitang makita at makilala. P-parang awa n'yo na panginoon... P-pa-patayin n'yo na ako... Hirap na hirap na ako. Parang awa n'yo na... P-patayin n'yo n-na a-ko... Kunin n'yo n-a ak-ako..." Pagkatapos manalangin ay muli siyang humagulgol ng iyak habang dasal ng dasal at nanghihingi ng tawad sa panginoon. Iyon na lamang ang paraang naisip niya para magwakas na ang paghihirap niya sa parusang ipinataw sa kanya ng diablo.
"P-panginoon, kung ta-talagggang... kayo ay makapangyarihan at mapagpatawad... sana maawa k-kayo sa akin... Kunin n'yo na ako... G-gusto ko na kayo makilala... Nagsisisi na ako sa... Sa aking mga k-kasalanan..." Muli siyang humagulgol ng pag-iyak habang taimtim na nananalangin at humihiling sa panginoon ng kapatawaran at kapayapaan.
Bumuhos ang natitirang luha ni Arch sa mga mata. Sa huling pagkakataon ay napa sign of the cross siya.
Hindi na niya namalayan pa kung gaano siya katagal umiiyak at nagluluksa sa harap ng altar. Nagulat na lamang ang Janitor ng simbahan dahil pagkabalik nito sa loob ay nakakita ito ng isang lalaking nakabulagta sa harap ng altar. Duguan ito at lasog-lasog ang katawan.
"Diyos ko!" Nanlaki ang mga mata niya at nabitawan ang hawak na walis.
Tumakbo siya sa kinaroroonan ng lalaki at nang iharap nito ang nakadapang katawan ng lalaki ay pinulsuhan niya itopero sa kasamaang palad ay wala na itong buhay. Ibig niyang maiyak sa kalunos-lunos na hitsura ng lalaking iyon.
Sino kaya ang taong makakagawa ng ganoong klaseng pagpatay sa kapwa? Iyon ang natanong ng Janitor sa kanyang isipan. Walang nakakaalam na si Arch mismo ang gumawa niyon sa kanyang sarili. Mananatiling lihim iyon habang buhay.
Lalo siyang naawa habang pinagmamasdan niya ang basag nitong bungo sa ulo, ang putol nitong braso, ang bakas ng lubid sa leeg nito, ang nangitim nitong balat na animo’y nasunog at naubusan na ng dugo, at ang bali-bali nitong mga buto sa paa. Awang-awa siya sa lalaki. Hindi niya ito kakilala pero hindi niya napigilang maluha sa kung anuman ang sinapit nito.
Ngunit meron siyang napansin sa bangkay ng lalaki. Kung titignang mabuti, tila nakangiti ito na animoy nakamit na ang minimithing kapayapaan...
Napausal ng dasal ang Janitor habang emosyonal na nakatitig sa bangkay ng lalaki.

“Hail mary mother of God pray for us sinners. Now and at the hour of our death. Amen.”

- Pray For Us Sinners -
***THE END***

Written by Daryl Makinano Morales

Thursday, June 11, 2015

Nightmare at the Pillow



CREEPYPASTA (THE SERIES) – Season 1
“Nightmare at the Pillow”

"THIS is Theresa. Siya ang bago ninyong makakasama dito sa bahay. Taga Batangas siya at anak siya ng katrabaho ko dati sa Manulife Company," ani Donya Cherry sa kanyang mga maid na abala sa paglilinis ng salas ng mga oras na iyon. Ngumiti si Theresa sa tatlong kasambahay na tulad niya.
"Hello, welcome," ang tanging tugon ng mga maid.
"Sumunod ka sa akin, Theresa at ililibot kita sa loob para makabisado mo ang bawat sulok ng aking mansyon," anyaya sa kanya ng Donya pagkatapos ay sumunod siya dito.
Pagsapit ng hapunan ay magkakasabay kumain ang mga maid ni Donya Cherry sa maid's dinning room.
Malaki ang mansyon. May sariling kusina at mga kwarto ang mga kasambahay.
Habang kumakain si Theresa ay kuwento naman ng kuwento ang mga maid sa kanya tungkol sa ugali ni Donya Cherry.
"Alam mo, Theresa, masungit iyang si Madam Cherry. Mabait lang siya sa una pero kapag nagtagal ka na dito walang araw na hindi ka niya sisigawan," kuwento sa kanya ni Shane, isa sa mga maid.
"Oo nga, Theresa. Kanina bago siya umalis nung wala ka pa dito pinagalitan kami dahil kuwentuhan daw kami ng kuwentuhan habang naglilinis," si Karen naman ang nagsalita.
Napatawa lang doon si Theresa at wala sa kanyang mukha ang takot na mapagalitan ni Donya Cherry balang araw.
"Haha kayo talaga. Natural lang naman 'yun kapag mayaman ang isang tao. Intindihin na lang natin sila lalo na't mga katulong lang tayo. Wala tayong karapatan na labanan sila," wari'y payo ni Theresa sa tatlong maid.
"Kahit na!" tila tutol naman si Shane. "Wala rin naman siyang karapatan na sigawan kami. Ano namang masama kung magkukuwentuhan kami habang naglilinis? E, ang mahalaga ay agad naman naming tinatapos ang mga task namin dito sa mansyon," katwiran niya.
"At alam mo ba, Theresa dito sa mansyon ni Madam, may kanya-kanya pa kaming mga kuwarto!" singit ni Allison sa usapan.
Napalunok si Theresa bago nagsalita.
"Ha? E, bakit naman? Hindi ba puwedeng sama-sama nalang tayo sa iisang kuwarto? Para makatipid na rin sa room,"
"Dati nu'ng baguhan pa lang kaming tatlo dito magkakasama talaga kami sa iisang kuwarto pero pinaghiwa-hiwalay niya kami dahil daw ang iingay namin kapag magkakasama kami. Gusto naman yata niya palagi kaming nananahimik! E, nakakapanis kaya ng laway kung hindi ka magsasalita buong araw!" paninira ni Karen na may katotohanan din naman ang mga sinasabi dahil naalala niya kung gaano katindi ang sermon ni Donya Cherry sa kanilang tatlo noong mahuli silang nagtatawanan ng malakas sa loob ng kuwarto.
Natikom na lamang ni Theresa ang kanyang bibig at hindi na muling umimik pa. Parang nagsisisi tuloy siya kung bakit pa niya tinanggap ang alok sa kanya ng Donya na mamasukan bilang maid sa mansyon nito. Ayaw rin naman niyang masigawan at masermonan kahit papaano. Naisip tuloy niyang napaka istrikto pala ni Donya Cherry sa mga katulong nito.

GABI. Ipinakita ni Donya Cherry kay Theresa ang magiging kuwarto niya. Pinapasok ng donya ang babae sa loob.
"Kuwarto ito dati ng yumao kong ama. Ipapagamit ko na siya sa iyo tutal ay kakilala naman kita dahil ka-close ko dati sa opisina ang iyong ama. Ayusin mo na lang sa gusto mong ayos basta huwag mo lang gagawing baduy ang kuwarto niya," sabi sa kanya ni Donya Cherry.
"Maraming salamat po. Pananatilihin kong malinis ang kuwartong ito araw-araw," nakangiting sabi ni Theresa. Habang nililibot niya ng tingin ang kuwarto ay bigla na lamang siyang nakaramdam ng kaunting takot dahil may kung anong pumasok sa isip niya.
"Ah, Madam, napa-bless po ba itong kuwarto bago ninyo ipagamit sa iba? Kasi baka multuhin ako ni sir kapag ginamit ko itong kuwarto niya," pabiro ngunit makatotohanang sabi ni Theresa.
"Alam mo, hija, hindi ako naniniwala na makakabalik pa sa mundo ang kaluluwa ng isang tao kapag namatay na. Ang kanyang kaluluwa ay didiretso na sa kung anumang dimensyon siya nararapat. Kaya huwag ka nang matakot matulog dito dahil ito na lamang ang natitirang bakanteng kuwarto," pagwawakas ni Donya Cherry sa usapan pagkatapos ay lumabas na ito ng kuwarto.
Nagkibit-balikat na lamang si Theresa at sinara na ang pintuan ng silid sabay patay sa ilaw. Inayos na niya ang sapin ng kutson ng kama pagkatapos ay nahiga na siya. Pinatay niya ang lampshade upang walang liwanag ang naka sagabal sa kanyang paningin. Hindi kasi siya makakatulog agad kapag may nakasinding ilaw sa kanyang paligid. Ipinikit na niya ang mga mata at binura ang lahat ng mga negative thoughts na umiikot sa kanyang isipan tungkol sa kuwartong iyon na pag-aari pala ng isang taong yumao na. Masasanay rin siya, iyon ang tinatak niya sa isip niya.
Nang mga sandaling dalawin na siya ng antok ay bigla na lamang siyang naparalisado. May malay pa siya pero hindi siya makagalaw at makapagsalita. Ramdam niyang lumilipad pataas ang kanyang katawan habang nakakarinig siya ng isang boses ng lalaki na bumubulong ng mga nakakapangilabot na salita. Binabangungot siya!
Agad siyang umusal ng dasal at inilabas ang lahat ng enerhiya niya sa katawan para makagalaw. At ilang sandali pa, matagumpay siyang nakawala sa pagkakagapos sa kanya ng isang nakakatakot na bangungot.
Napabuntung hininga siya pero hindi pa pala nagtapos ang bangungot niya. Sa sumunod na kaganapan, hindi na iyon isang bangungot. Literal siyang nakakita ng bangkay ng isang matandang lalaki sa kanyang tabi. Maputla ito at medyo maputi ang mukha at nakadamit na pangburol.
Doon na siya sumigaw at bumangon. Agad niyang pinigilan ang bibig niya na sumigaw pa ng mas malakas dahil baka marinig siya ni Donya Cherry at baka pa siya'y pagalitan. Isa pa, wala na sa kanyang kama ang bangkay ng matandang lalaki nang siya'y makabangon na. Kung siya ang tatanungin, mas nanaisin pa niyang dalawin ng bangungot kaysa dalawin ng isang multo lalo na sa oras na siya'y gising pa.
Iyon ang unang pagkakataon na minulto siya kaya ganoon na lamang ang takot niya. Hindi siya nagdalawang isip na lumabas ng kuwarto at nagpunta sa kuwarto ni Shane, dala niya ang kanyang unan.
Maingat niyang ginising ang babae upang hindi ito magulat. Pagmulat ng mga mata ni Shaine ay bumungad sa kanya ang maputlang si Theresa na hindi maitatago ang takot sa mukha nito.
"Shaine, puwede bang dito muna ako makitulog? Babalik din ako mamayang madaling araw sa kwarto ko. Hindi naman ako mahuhuli ni Madam Cherry dahil tiyak na mahimbing na ang tulog niya," pakiusap ni Theresa, sinabayan pa ng nginig ang boses nito habang nagsasalita.
"S-sige. Bakit ayaw mo sa kuwarto mo?" tanong ni Shaine at umusog ito ng bahagya sa kama.
Inilagay ni Theresa ang unan sa tabi ni Shaine at humiga na siya.
"Basta bukas ko na lang ipapaliwanag sa 'yo. Gabi na kasi at gusto ko na ring matulog," dahilan ni Theresa. Ang totoo ay ayaw lang niyang magkuwento dahil baka maulit pa ang nangyari sa kanya.
"Sige ikaw ang bahala. Goodnight," huling salita ni Shaine pagkatapos ay muli na itong natulog.
Tuluyan nang humupa ang takot na nararamdaman ni Theresa dahil may katabi na siya. Ang akala niya ay tapos na ang kababalaghan. Dahil nang mga sandaling antukin na siya ay muli siyang naparalisado at binangungot. Sa pangalawang pagkakataon, hinihigop naman siya pababa ngayon sa kailaliman. Pakiramdam niya'y nalulunod siya sa dagat ng kamatayan.
Muli ay umusal siya ng dasal at buong lakas na iginalaw ang katawan para muling makaahon sa bangungot. Nang siya'y makagalaw muli, natakot na siyang matulog.
Ayaw pa rin siyang tantanan ng bangungot. Sa tuwing hihinto siya sa paggalaw ay muli siyang napaparalisado kaya walang hinto niyang iginalaw-galaw ang kanyang mga daliri para hindi muling bangungutin.
Sa tuwing mapapahinto ang pagkilos ng kanyang mga daliri dahil sa labis na kaantukan ay binabalikan siya ng bangungot. Hindi siya mapakali. Biling siya ng biling sa kama at naghahanap ng tamang puwesto para makatulog.
Sa huli, umalis siya sa pagkakahiga sa unan at inilatag na lamang niya ang ulo sa kutson pagkatapos ay bahagyang sumiksik kay Shaine. Takot na takot pa rin siya. Kung anu-anong negatibong bagay ang pumapasok sa kanyang utak na nagdudulot para lalo pa siyang matakot pero hindi naman iyon nagtagal. Nang siya'y antukin muli, tuluyan na siyang nakatulog at hindi na binalikan ng bangungot.

PAGSAPIT ng umaga, habang nagluluto ng agahan sina Shaine at Theresa ay ikinuwento na ng babae ang tatlong beses na pagdalaw sa kanya ng bangungot kagabi pati ang pagpapakita ng isang matandang lalaki sa loob ng kuwarto na ipinagamit sa kanya ng donya.
Gulat na gulat pa nga si Shaine nang malamang iyon ang naging kuwarto ni Theresa.
"Bakit nandoon ka sa kuwarto ni Sir Jerry?" gulat na tanong sa kanya ni Shaine.
"E, doon ako dinala ni Madam kagabi, eh. Siya na mismo ang nagsabi na gamitin ko na daw 'yung kuwarto ng tatay niyang patay na. Sinabi ko nga sa kanya na baka multuhin ako du'n pero sabi niya hindi naman daw siya naniniwala sa mga multo," paliwanag ni Theresa na tila naiinis sa donya dahil sa kanya pa ipinagamit ang kuwartong iyon.
"Alam mo, 'yun kasing kuwartong iyon ay pag-aari ni Sir Jerry na father ni Donya Cherry. Matanda na 'yun pero ang libog masyado! Galit nga kaming lahat du'n, eh. Sa una akala talaga namin sobrang bait niya dahil palagi niya kami ipinagtatanggol kay Donya Cherry. Nu'n pala kaya lang niya ginagawa 'yun dahil gusto kaming halayin! Alam mo ba last year nu'ng birthday ko nainis ako du'n sa sinabi niya na reregaluhan daw niya ako ng birthday sex! Kapal ng mukha ng gurang na 'yun. Mabuti ngang natigok na! Magtitiis na lang kami sa kasungitan ni Donya Cherry kesa naman sa manyakin pa kami ng gurangerz na 'yun!" galit pang nagkuwento si Shaine sa babae.
Natawa naman si Theresa sa nalaman.
"Haha! Ano kamo? Gusto niya kayong halayin? Ilang taon na ba 'yung Sir Jerry na 'yun?"
"75 years old pa lang! Mukhang malakas pa nga, eh at wala pang iniindang sakit sa katawan. Sakit lang sa damdamin dahil basted sa 'kin hahaha!" sabay tawa ni Shaine.
"E, ano naman ang ikinamatay niya?"
"Natagpuan na lang naming wala ng buhay du'n sa mismong kuwarto niya. Binangungot daw!" nanlalaki pa ang mga mata ni Shaine nang magsalita.
Natahimik si Theresa sa natuklasan. Bigla siyang napaisip.
"Namatay si Sir Jerry sa loob mismo ng kanyang kuwarto dahil sa bangungot?"
Iyon ang pumasok sa isip ni Theresa. Naalala niya na kagabi ay tatlong beses din siyang binangungot at naalala din niya ang bangkay ng isang matandang lalaki na nagpakita sa kanyang kama, marahil ay iyon si Jerry Millian.
May namuong tanong sa kanyang isip. Bakit siya binangungot kagabi at bakit nagpakita sa kanya ang matanda?

PUMASOK si Theresa sa kuwarto ni Karen. Nadatnan niyang nagsusuklay ng buhok ang babae habang nakaupo ito sa kama.
"O, nandiyan ka pala, Theresa. Halika upo ka," ani Karen sa kanya nang makita siya.
Tumabi si Theresa at hawak nito sa kanyang isip ang tanong na bibitawan niya kay Karen.
"Karen, matanong ko lang, paano namatay si Sir Jerry?"
Napahinto sa pagsuklay si Karen at napatitig ng seryoso kay Theresa.
"Ba't mo siya kilala?"
"Nabanggit lang kasi sa akin kanina ni Shaine. Si Sir Jerry pala 'yung may-ari ng kuwarto na ipinagamit sa akin ni Donya Cherry. Gusto ko lang malaman kung ano ang ikinamatay nung matanda at kung saan siya mismo namatay," ani Theresa.
"Namatay siya sa bangungot. Noong birthday kasi ni Shaine, si Sir Jerry na mismo ang nakiusap na imbes na umuwi pa ito, dito na lang daw i-celebrate ang birthday niya. Actually wala ako noon dahil umuwi ako sa probinsya namin dahil may emergency daw doon at kailangan na kailangan ako. Kinuwento lang sa akin 'to ng isa pa nating kasama na si Allison noong pagkabalik ko. Naghanda raw sila ng maraming pagkain. E, marami raw yatang nakain nu'ng gabing iyon si Sir Jerry tapos pumasok na siya agad sa kuwarto niya para matulog kahit may laman pa ang tiyan kaya ayun binangungot at hindi na nagising. Alam naman niyang bawal matulog kapag busog, basta ewan ko sa matandang 'yun!" ang kuwento ni Karen kay Theresa.
Tumango lang ang babae.
"Actually nakuhanan nga raw ng litrato ni Allison 'yung bangkay ni Sir Jerry nu'ng nasa kama pa ito. Hindi lang daw basta binangungot kasi naabutan nilang bumubula pa daw ang bibig! Ewan nga namin kung bangungot ba talaga ang ikinamatay niya o lason kasi wala naman siyang kinaing iba nu'n kundi lang daw 'yung mga nilutong handa ni Shaine para sa birthday niya," dugtong pa ni Karen.
"Unless..."
"Unless what?" sambit ni Theresa.
"Ang talagang hinala namin ay nilason ni Shaine 'yung pagkain ni Sir Jerry dahil nga madalas ikuwento sa amin ni Shaine dati na palagi raw siyang hinihipuan ng matanda kapag sila lang dalawa ang nagkakataong magkasama dito sa bahay. Si Shaine rin daw ang palaging gusto ni Sir na magluto ng pagkain. May tama yata 'yung matandang 'yun kay Shaine, eh! Inis na inis nga si Shaine doon hindi lang niya pinapahalata dahil ito namang si Donya Cherry palaging kampi sa tatay niyang malibog! Palibhasa wala siyang kaalam-alam sa ginagawa ng tatay niya sa aming tatlo! Kaya hindi na 'ko gaano nagtaka nu'ng nalaman kong bumubula 'yung bibig ni Sir Jerry nu'ng matagpuan siyang patay. Baka nilason lang talaga siya ni Shaine. Hindi na lang namin ito binabanggit sa kanya dahil baka magalit siya sa amin. E, kami-kami lang rin naman ang nandito tapos mag-aaway pa kami?" kuwento ni Karen.
"Kung sa bagay. At saka hindi rin naman tama 'yung magbintang lalo na kung hindi natin nakita sa akto. Pero kung nilason talaga ni Shaine si Sir Jerry, eh di mamamatay tao pala itong si Shaine?!" wika ni Theresa.
Naputol ang kanilang kuwentuhan nang pumasok si Donya Cherry sa kuwarto at masama ang titig kay Karen.
"Karen, nandito ka lang pala. Akala ko ba nasa garden ka?" may galit ang tono ng boses ng donya.
Nginig ang boses na tumugon si Karen, "n-nandoon na po s-si Allison para diligan 'yung mga halaman,"
"E, bakit siya ang nagdidilig? 'Di ba sa 'yo ko inutos iyon? Bakit sino ka ba, ha? Katulong ka lang naman dito, ah! Kaya gawin mo kung ano ang inutos ko sa 'yo! Kilos na!" halos sigawan na siya ng donya.
Yumuko na lamang si Karen at hindi na binati si Theresa dahil napahiya siya sa babae. Walang kibong lumabas ito ng kuwarto. Ang ayaw niya sa lahat ay ang pinapahiya siya kapag may ibang tao.
Hindi rin nakakibo si Theresa dahil sa takot na baka pati siya ay sermonan din ng donya dahil wala siyang ginagawa pero nagkamali siya ng inakala. Tinawag ng donya ang kanyang pangalan sa isang malumanay na boses.
"Theresa, maaari ba kitang makausap?"
Napawi ang kaba ni Theresa at tumayo siya para lapitan ang donya.
"B-bakit po madam?"
"Tita na lang ang itawag mo sa akin. Kamusta na nga pala ang papa mo? Balita ko'y nasa states pala siya at naka-confine sa hospital dahil sa cancer,"
"Opo. Stage 4 na nga po ang cancer niya, eh," malungkot na pahayag ni Theresa.
"Ganu'n ba? Milagro na lang magpapagaling sa kanya kung ganu'n," Nalungkot si Donya Theresa at ibig lumuha.
"Sana nga po." Sa totoo ay hindi niya alam kung bakit ganoon kabait sa kanya ang donya.
"Hayaan mo at ipagdarasal ko na lang ang iyong ama. Bakit naman kasi hindi mo sinabi sa akin agad na may sakit pala siya. Napuntahan ko sana agad siya sa states. Abala kasi ako ngayon sa trabaho at hindi ko maasikaso ang iba pang mga gusto kong gawin. Tulad nito aalis na naman ako at mamayang gabi pa ang uwi ko kaya sa iyo ko na ipagkakatiwala itong mansyon. Magpahinga ka rin kung gusto mo. Tumulong ka na lang sa mga maid kapag hindi ka na pagod. O sige, ha?"
Matipid na ngumiti si Theresa, tuluyang nawala ang takot niya sa donya dahil sa kabaitan nito sa kanya pero hindi pa rin mapawi-pawi ang kanyang lungkot sa tuwing maaalala niya ang kalagayan ng kanyang ama ngayon. Napapatulala siya sa tuwing maiisip iyon.
"Sige po maraming salamat. Ingat po kayo," iyon na lamang ang nasabi ni Theresa sa donya.
Pagkalabas ni Donya Cherry ay muling gumuhit ang lungkot sa kanyang mukha dahil sa sitwasyon ng ama ngayon ni Theresa na si Fajardo. Katunayan ay may nararamdamang pagtingin si Donya Cherry sa lalaki. Malas lang siya dahil may asawa na pala ito kaya hanggang magkaibigan lang sila noong magkatrabaho pa sila sa Manulife Company.

HANGGANG sa hapunan ay tungkol sa pa rin sa pagkamatay ni Jerry Millian ang pinag-uusapan ng apat na maid.
Sa mga oras na iyon, si Allison naman ang kausap ni Theresa.
"Allison, maaari ko bang makita 'yung picture ni Sir Jerry nu'ng namatay siya?"
"Sigurado ka ba na gusto mong makita? Nakakatakot kaya 'yung hitsura niya!" kunot ang noong tugon ni Allison.
"Okey lang. Hindi naman ako matatakutin. Gusto ko lang talaga makita," pagkukumbinsi ni Theresa bagamat alam niya sa sariling matatakutin talaga siya.
"Sige sandali lang kukunin ko sa kuwarto ko." Tumayo si Allison at nagpunta sa kanyang kuwarto.
"Bakit ba gustong-gusto mo makita 'yung litrato?" tanong sa kanya ni Karen.
"Basta!" maikling tugon ni Theresa na halatang atat na atat nang makita ang litrato.
Agad ding bumalik sa kusina si Allison dala ang litrato.
"Heto na 'yung last picture ni Sir Jerry. Iwasan mong makita 'yan ni Madam Cherry dahil hindi niya alam ang tungkol d'yan. Baka palayasin ako 'pag nalaman niya na meron ako n'yan," hiling sa kanya ni Allison sabay abot ng litrato.
Pinagmasdang mabuti ni Theresa ang larawan ni Jerry Millian na nakahiga sa kama nito. Maputla ang mukha nito at puno ng bula ang bibig na parang nilason.
Nakumpirma ni Theresa na si Lolo Jerry nga ang nagpakita sa kanya noong una siyang beses mabangungot.

GABI. Nakiusap si Theresa kay Shaine na kung puwede ay magsama muna sila sa iisang kuwarto sa loob ng ilang mga linggo. Ililihim na lang ni Theresa iyon kay Donya Cherry dahil ayaw na talaga niyang matulog sa kuwarto na pag-aari ng yumaong ama ng amo nila.
Habang nagpapatuyo pa ng buhok si Shaine sa electric fan ay naglalaro naman ng candy crush si Theresa sa kanyang cellphone. Habang tahimik silang dalawa ay hindi maiwasang isipin ni Theresa kung nilason ba talaga ni Shaine si Sir Jerry noong birthday ng babae.
Kahit sino ba namang babae ang manyakin ng isang matandang lalaki ay talagang masasaktan at minsan ay di maiwasang mag-isip ng masama.
Ayaw naman niyang tanungin si Shaine tungkol doon dahil baka kung ano pa ang sabihin ng babae sa kanya. Ayaw rin naman niyang magbintang at manghimasok dahil bago pa lamang siya doon.

PASADONG alas-otso ng gabi nang makatulog na ng mahimbing si Shaine samantalang si Theresa ay nanatiling gising dahil sa kakaisip niya sa naging karanasan kagabi sa loob ng kuwarto ng yumaong si Jerry Millian.
Ito pa lang ang kanyang pangalawang gabi sa bahay na iyon pero pakiramdam niya'y ang dami nang mga nangyari na hindi niya inaasahan.
Nang mga sandaling dalawin na siya ng antok ay bigla na naman niyang naramdaman ang pagtigas ng kanyang katawan. Tulad kagabi, paralisado na naman siya. Hindi siya makagalaw at makapagsalita bagamat dilat ang mga mata niya. Para siyang hinihigop papunta sa kailaliman ng lupa kasabay pa ng muling pagpapakita ng matandang lalaki sa kanya. Sa pagkakataong iyon, nakatayo ito sa harap niya at bumubula ang bibig. Ang mga bulang iyon ay parang likido at tumutulo pa sa kanyang dibdib.
Umusal siya ng taimtim na panalangin at buong lakas na iginalaw ang katawan. Nang siya'y makawala sa hatak ng bangungot, naglaho rin sa paningin niya ang matanda. Doon na siya nabahala kung bakit sinusundan pa rin siya ng bangungot kahit saang kuwarto pa siya magpunta.
Hindi na naman siya makakatulog. Iginalaw-galaw niya ang mga daliri upang pigilan ang bangungot na gustong gumambala sa kanya. Sa inis niya ay bahagya niyang ibinaba sa kutson ang kanyang ulo dahil naramdaman niyang hindi siya komportableng humiga sa unan.
Kabado siya. Kung anu-ano na namang mga negatibong bagay ang umikot sa utak niya. Pero nang mga sandaling muli siyang balikan ng antok ay hindi na niya namalayan na nakatulog na pala siya. Hanggang sa pagsikat ng araw ay maganda ang gising niya, iyon nga lang, agad na nagbalik sa kanyang alaala ang nangyari kagabi. Hanggang sa may napansin siya...
Pagbangon niya ay kinuha niya sa kanyang bag ang litrato ng yumaong si Sir Jerry na hiningi niya kay Allison kagabi.
Pinagmasdan niyang muli ang litrato. Tinitigan niya ng mabuti ang unan na kinahihigaan ng bangkay ng matandang lalaki. Iyon din ang unan na gamit niya ngayon! Para makasigurado ay pinagmasdan pa niya ang kanyang unan at tinignan ang bawat anggulo nito. Parehong-pareho. Hindi niya puwedeng ipagkaila, unan nga iyon ng yumaong matandang lalaki!
Ngayon ay malinaw na sa kanya ang katotohanang sa tuwing hihiga siya sa unan na iyon ay binabangungot siya dahil pag-aari iyon ng matandang lalaki na namatay sa bangungot. Marami pa siyang mga katanungan na gustong hanapan ng sagot tungkol sa pagkatao ni Jerry Millian ngunit hindi na niya ito naasikaso pa dahil pagsapit ng tanghali ay nakatanggap siya ng text message mula sa kanyang ina at sinabi nito na pumanaw na raw ang kanyang ama at nakatakdang iuwi sa pilipinas ang bangkay nito bukas.

"HIJA, bukas tawagan mo 'ko kapag naihatid na ang iyong ama sa bahay ninyo, ah? Tutulong ako sa mga gastos. Mag-aabuloy ako," pangako sa kanya ni Donya Cherry. Nakasakay na sa van ng mga oras na iyon si Theresa. Ihahatid na siya ng driver ng donya pauwi sa Batangas para puntahan ang kanyang ina na nagluluksa rin ngayon sa pagkamatay ng kanilang padre de pamilya.
"M-maraming salamat po. Hihintayin ko na lang po kayo bukas..." Napaluha rin si Donya Cherry at niyakap ang babae na walang patid ang pag-iyak at pagluluksa dahil sa pagpanaw ng ama nito.
"Be strong, Theresa. Life must go on," iyon ang huling wika ni Donya Cherry. Pagkalabas ng van sa garahe ay nagsimula na itong bumiyahe.
Nangibabaw ngayon ang lungkot sa puso ni Theresa. Nakalimutan na niya ang kanyang kakatwang karanasan sa mansyon na iyon. Mahal na mahal niya ang ama kaya hindi niya matanggap na patay na ito. Hindi man lang niya ito nadalaw sa ospital sa mga huling sandali ng buhay nito dahil napakalayo ng distansya nila at iyon ang napakasakit na katotohanan kay Theresa, ang hindi niya nakapiling ang ama bago ito pumanaw.
Samantala, balewala lang kina Karen at Allison ang pag-alis ni Theresa. Nasa kusina ngayon ang dalawa at nagluluto para sa tanghalian.
Bigo si Theresa na matuklasan ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Jerry Millian. Noong nabubuhay pa kasi ito, palagi itong malapit sa loob tatlong katulong. Palagi niyang kakuwentuhan ang mga ito hanggang sa umabot sa puntong umiral ang pagnanasa ng matanda sa tatlong katulong kaya hindi niya napigilan ang sarili na mahipuan ang mga ito at silipan sa tuwing maliligo.
Ang pinakanaapektuhan dito ay si Karen na minsan nang pinasok ni Lolo Jerry sa kuwarto at sinubukang halayin pero nagpumiglas ang babae. Nangyari iyon bago ang kaarawan ni Shaine. Diring-diri si Karen sa matandang lalaki na tila iba na ang takbo ng pag-iisip kahit matanda na.
Sa pagsapit ng kaarawan ni Shaine ay umuwi naman sa probinsya si Karen sa Squijor para maghiganti kay Lolo Jerry.
Si Karen ay nagmula sa angkan ng mga mambabarang. Higit na makapangyarihan ang mga mambabarang kaysa sa mga mangkukulam. Kaya nilang patayin ang kanilang biktima kahit hindi gumagamit ng buhok o mga gamit ng biktima.
Nang gabing kumakain si Lolo Jerry habang katabi si Shaine na patuloy niyang dinidikitan at palihim na inaamoy-amoy at pinagnanasahan ay nagkataon namang nagsisimula na si Karen sa pagsagawa ng ritwal.
Ang akala ni Lolo Jerry ay nasobrahan lamang siya sa pagkain pero hindi naman niya nararamdaman na gusto niyang magbanyo kaya dumeretso siya sa kuwarto at doon ininda ang pananakit ng tiyan.
Parang gustong umiyak ni Shaine noon dahil nakahalata rin siya sa balak gawin sa kanya ng matanda pero hindi lamang siya kumibo para hindi mapahiya sa ilang mga bisita. Sinulit na lamang niya ang pagkain habang wala pa ang matanda. Pero hindi na ito muling lumabas pa ng kuwarto. Walang nakakita sa matanda kung paano ito magsuka ng dugo at labasan ng mga insekto sa bibig.
Nagsuka ito ng mga ipis, matatabang bulate, bubuyog, at iba pang klase ng mga nakakadiring insekto at bulateng lupa.
Halos isang oras nagsusuka ng dugo at mga insekto si Lolo Jerry. Hirap na hirap na siya.
Nang gabi ring iyon ay lihim na pumasok sa kuwarto ng matanda si Allison at nilinis nito ang isinuka ng matanda at lihim na inilabas at itinapon.
Pagbalik niya sa kuwarto ay humingi ng tulong sa kanya ang matandang lalaki na halos wala ng boses dahil sa dami ng isinuka. Hirap na rin itong huminga. Inihiga ni Allison sa kama ang matanda pagkatapos ay mabilis ang pangyayari. Agad niya itong pinaslang sa pamamagitan ng pagtakip ng unan sa mukha nito upang tuluyan itong malagutan ng hininga.
Si Allison lamang ang nakakaalam kung ano talaga ang plano ni Karen kaya ito umuwi ng probinsya. Magkamag anak sila at parehong taga Squijor. Planado ang ginawa nilang pagpatay sa matandang lalaki bilang kabayaran sa kamanyakan na ginawa sa kanila ni Lolo Jerry.
Habang dinidiin ni Allison sa mukha ng matanda ang unan ay may binitawan siyang salita rito, "pinagbigyan ka namin na gaguhin at bastusin kami. Hindi lang kami makagawa ng aksyon dahil palaging kampi sa iyo ang Donya na wala ring kwenta katulad mo! Pero kung sa bagay, mas wala ka namang kwenta dahil hindi naman ikaw ang nagpapasuweldo sa amin... Isa ka lang namang matanda na palamunin dito... Kaya ngayon oras na para mamatay ka! Ang tanda-tanda mo na pero ang dumi ng isip mo! Ang mga katulad mo ay dapat makatikim ng matinding parusa! Putang ina kaaaa!"
Parang masisiraan ng bait si Allison dahil sa galit at poot. Diniin pa niya lalo ang unan sa mukha ng matanda hanggang sa huminto ito sa pagwawala. Nang tanggalin ni Allison ang unan sa mukha ng matanda, patay na ito. Inilagay ni Allison ang unan na iyon sa uluhan ni Lolo Jerry at napagkatuwaan pa niyang kunan ng litrato ang bangkay ng matanda sa kanyang digital camera.
Pare-pareho silang minanyak ng matanda noon, pero si Shaine lang ang walang kaalam-alam sa tunay na pagkamatay ni Lolo Jerry. Si Shaine din ang dinidiin nila Allison at Karen para ipalabas kay Theresa na si Shaine ang lumason at pumatay sa matanda. Pero pamamaraan lamang nila iyon para pagtakpan ang tunay na kulay at pagkatao nila. Binaligtad rin ni Karen ang katotohanan na siya ang tunay na paboritong manyakin ng matanda at hindi si Shaine.
Ang katotohanan sa likod ng lahat ay si Shaine lang ang walang kinalaman sa pagpatay sa matanda. Malinis ang mga kamay nito at walang bahid ng krimen.
Ang lihim na iyon ay kasamang inilibing nila Allison at Karen sa hukay ng matandang lalaki! At ang unan na ginamit ni Allison sa pagpatay kay Lolo Jerry ay ang unan na ginamit noon ni Theresa kaya dinadalaw siya ng bangungot dahil iyon ang pamamaraan ng kaluluwa ng matandang lalaki para ipahatid sa babae na may masamang nangyari sa buhay nito, at iyon ang ginawang pagbarang sa kanya ni Karen at ang pagpatay sa kanya ni Allison!

- Nightmare at the Pillow -
***THE END***

Written by Daryl Makinano Morales