CREEPYPASTA (THE SERIES) - Season
1
“The Case of Meyah Flohr”
SI Meyah ngayon ang
pagsamantalang nagtitinda sa puwesto ni Aling Flora sa palengke dahil may sakit
ngayon ang ale. Bata pa lang si Meyah ay kinupkop at pinalaki na siya ni Aling
Flora dahil ulila na ito sa mga magulang. Hindi na matandaan ng dalaga kung
paano siya nawalay sa kanyang ama't ina kaya si Aling Flora na ngayon ang
tumatayong ina niya.
Pagtitinda ng gulay ang kanilang
ikinabubuhay. Doon nila kinukuha ang kanilang makakain sa pang araw-araw pati
ang bayad nila sa renta ng bahay.
Isang araw ay may isang lalaking
mayaman ang lumapit kay Meyah. Nakasoot ito ng polo na pang opisina at pulang
neck tie. Naka black pants ito at makintab pa ang sapatos, kumbaga sa salamin
ay bagong banlaw.
"Magandang umaga po. Ano ho
ang bibilhin n'yo?" tanong ni Meyah sa lalaki.
Nakatitig ito sa kanya, wari'y
may namumuong pagnanasa sa katauhan ng lalaking iyon.
"Isang petchay baguio at
tatlong sayote," tugon ng lalaki, malalim pa rin ang titig nito sa dalaga.
Sa dami ng mga nagtitinda ng gulay sa palengke ay dito siya naganahan bumili.
Agad naglagay ng isang petchay at
tatlong sayote si Meyah sa plastic pagkatapos ay iniabot niya ito sa lalaki. Agad
namang iniabot ng lalaki ang kanyang bayad.
Nagsimula nang magtaka si Meyah
kung bakit hindi pa umaalis ang lalaki gayong naibigay na niya ang binibili at
sukli nito.
"A-ano pa ho, sir?"
natanong ni Meyah. Sa tinig nito ay mahahalata ang pagkailang.
"Ako nga pala si Joniel
Perez."Ngumiti ang lalaki.
"Matanong lang kita, gaano
ka na ba katagal nagtitinda rito?"
"Matagal na po. Ito na ang
ikinabubuhay namin ng aking ina," mabilis na tugon ni Meyah.
"Muslim ka ba?" di
sadyang naitanong ng lalaki dahil napuna nitong ang dalaga lamang ang bukod
tanging nakataklob ng belo ang ulo. Kadalasan ay mga muslim lang ang nakikita
niyang nagbebelo sa ulo.
"B-bakit n'yo po
natanong?" Halos hindi malaman ni Meyah ang sasabihin.
Napatawa ang lalaki. "Ah,
wala lang. Sapat ba ang kinikita mo para sa inyong panggastos?"
Nawiwirduhan na si Meyah sa mga
itinatanong sa kanya ng lalaki. Kung di lang malikot ang imahinasyon niya,
hindi niya iisipin na may gusto sa kanya ang lalaking iyon at nais siyang
bigyan ng magandang kabuhayan. Itsura talagang mayaman ang lalaki mula ulo
hanggang paa.
"Kahit papaano, may kinikita
rin po ako," ang tugon niya.
"Ah ganu'n ba? May i-o-offer
sana ako sa 'yo. Kung okey lang, payag ka ba na maging maid sa aking mansyon sa
kabilang bayan? Malaki ang suweldo ng mga naninilbihan sa akin at mabait din
akong amo," paliwanag ng lalaki.
Pero bigo itong mapapayag ang
dalaga.Mukhang matigas ang puso nito.
"P-pasensya na po. Kailangan
kasi ako ng aking ina sa negosyo niyang ito. At saka hindi ho ako sanay na maging
katulong. Pasensya na po, iba na lang ang kunin n'yo. Huwag lang ako,"
pagtatapos ni Meyah sa usapan. Nangako siyang hindi na siya sasagot sa anumang
sasabihin ng lalaking iyon sa kanya.
Tumangu-tango lang ang lalaki
habang patuloy pa ring nakangiti. Mayamaya ay naisipan na rin nitong umalis.
"ANAK, kamusta ka naman sa
palengke? Marami bang binili ang mga suki natin?" tanong ni Aling Flora
kay Meyah na nagbibilang naman ng pera nang gabing iyon. May lagnat ang ale at
nakahiga ito ngayon sa kanilang papag sa kuwarto.
"Matumal ang benta inay.
Masyado na kasing dumami ang mga nagtitinda ng gulay tapos paubos na rin 'yung
mga tinda natin kaya halos wala ng mapili 'yung mga kostumer. 200 lang ang
benta ko tapos bumili pa ako ng gamot n'yo kaya nabawasan pa," paliwanag
ni Meyah sa ina. Hindi maitatago sa mukha nito ang lungkot dahil sa kulang na
kita.
"Hayaan mo. 'Pag magaling na
ako, maghahanap ako ng bago nating negosyo na may mas malaking kita,"
anang ina niya.
Hindi na tumugon si Meyah dahil
palagi namang sinasabi ni Aling Flora iyon sa kanya kaya hindi na iyon bago sa
kanyang pandinig. Hanggang ngayon ay wala pa rin silang mahanap na puwedeng
pagkakitaan, 'yung may mas malaking kita. Hindi mapawi-pawi ang kanyang lungkot
dahil sa kanilang kahirapan. Isang kita na hindi pa sapat para sa pambayad sa
ilaw, tubig at sa bahay.
SA kalagitnaan ng hatinggabi ay
bigla na lamang nagising si Meyah nang marinig niyang muling bumubulong ang
kanyang kambal na nasa likod ng kanyang ulo.
Ipinanganak siya na may
pangalawang mukha sa likod ng ulo niya, at ang mukha na iyon ay may kaanyuang
matandang babae at lawlaw ang pisngi. Hindi ito nakapagsasalita ng malakas at
nakakakain pero nagagawa nitong tumawa o umiyak.
Dati pa ay balak na ni Meyah na
ipa-opera at ipatanggal ang mukhang iyon dahil palagi siyang binubulungan nito
ng mga nakakatakot na bagay tuwing gabi subalit wala siyang sapat na pera.
Muling nangilabot si Meyah sa mga
ibinubulong ng kanyang kakambal na nagngangalang Flohr. Palagi siya nitong
binubulungan ng mga bagay tungkol sa impiyerno.
"Darating ang panahon, sa
impiyerno tayo ibabagsak ng panginoon. Lulunurin tayo sa nag-aapoy na dagat.
Papakainin tayo ng mga dumi ng tao. At iluluto tayo ng buhay sa malaking kawa
ng mga gutom na demonyo. . ." Ang mga bulong ni Flohr ay masyadong mahina
na tanging si Meyah lamang ang nakaririnig.
Muling ginapangan ng kilabot si
Meyah sa narinig. Ramdam niya ang pagtaas ng kanyang mga balahibo.
"Naglalakad tayo sa lupa ng
kasalanan. . . Kaya mapapadpad tayo sa mundo ng mga makasalanan. . ."
pagpapatuloy ni Flohr.
"Paulit-ulit nating
mararamdaman ang kirot, hapdi at sakit na nagmumula sa init ng apoy. Isang
parusa na magdudulot ng pang habang buhay na pagdurusa at walang kamatayan,
walang katapusan. . ."
Ibig nang lumuha ni Meyah dahil
sa mga naririnig niyang ibinubulong ng kanyang kambal. Madalas siyang hindi
nakakatulog dahil palagi itong naglalaro sa kanyang isipan. Walang ibang alam
sabihin ang kanyang kambal kundi mga masasama at nakakatakot na mga bagay.
Takot at pangamba naman ang epekto nito kay Meyah.
KINAUMAGAHAN ay muling nagbalik
ang lalaking si Joniel na nakipag usap sa kanya kahapon. Nagbalik ang ilang na
nararamdaman ni Meyah.
"A-ano po'ng bibilhin
n'yo?" tanong niya.
"Actually hindi ako bibili.
Nagpunta ako dito para sana tanungin ka ulit kung payag ka na ba sa offer ko.
Siguradong hindi mo pagsisisihan kung papayag ka," pagkukumbinsi ng lalaki
sa kanya.
"Pasensya na talaga,
sir.Ayoko!"
Bahagyang nabigla si Meyah nang
pumasok ang lalaki sa loob ng kanyang puwesto at bigla itong humawak sa kanyang
likuran.
Nagulat siya at lihim na inayos
ang pagkakatakip ng belo sa kanyang ulo para hindi lumantad ang mukha ng
kakambal niyang si Flohr.
Gumagapang na ang pangamba sa
buong katawan ni Meyah.
"Magkita tayo bukas sa dulo
ng Smith looban kung payag ka na sa offer ko. Hihintayin kita doon." Ang
mga kamay ng lalaki ay palihim na humipo sa kanyang bewang. Lalong nailang si
Meyah. Parang gusto na niyang sumigaw at magwala. Baka may makakita pa sa
ginagawa sa kanya ng lalaki. Ngayon lang niya natuklasan na sa likod ng
pagiging mayaman nito ay may itinatago pala itong manyak na ugali.
"Unang kita ko pa lang sa
'yo, mahal na agad kita. Kaya sa ayaw at sa gusto mo, magkikita tayo bukas. At
kapag hindi ka sumipot, may mangyayaring masama sa iyo!" banta sa kanya ng
lalaki pagkatapos ay kiniliti pa nito ang bewang ni Meyah at tinapik pa ang
kanyang puwit saka ito tumawa ng patahimik at lumisan.
Binalot ng kahihiyan si
Meyah.Iginala niya ng tingin ang mga nagdaraang tao. Mabuti na lamang at walang
nakakita sa kanila. Di niya maiwasang matakot. Nangingilid na ang kanyang mga
luha. Ayaw na niyang maging mahirap dahil palagi lang siyang inaapi-api ng mga
tao. Kung siya ay umiiyak, ang kanya namang kakambal na natatakpan ng belo ay
nakangiti ng makahulugan. Tila alam na nito ang mangyayari.
KINABUKASAN ay tumupad si Meyah
sa usapan. Papunta na siya ngayon sa Smith looban para makipagkita kay Joniel.
Maingat na hawak niya ang belo sa kanyang ulo para hindi lumantad ang kakambal
niya sa likod ng kanyang ulo.
Pagkalipas ng ilang minuto ay may
natanaw si Joniel na isang babaeng nakabelo sa di kalayuan. Pamilyar sa kanya
ang babaeng iyon. Natitiyak niyang iyon ang dalaga na nakilala niya sa
palengke.
Napangiti siya ng abot tenga at
nilapitan ito. May nakasiksik pang baril sa kanyang bulsa at natatakpan iyon ng
mahaba niyang polo para kung sakaling maglaban ang dalaga subalit nang maaninag
niya ng malapitan ay huklubang matanda ang kanyang nakita. Nakabaligtad pa ang
mga paa nito, nakaharap ang talampakan sa likuran. Kunot noong napaatras siya
habang pasan ang takot. At ganoon na lamang ang sindak niya nang biglang
humarap ang tunay na mukha ng babaeng iyon. Si Meyah, may hawak na palakol!
Galit na galit ito.
Nagulat si Joniel at napaatras pa
lalo. Nanlaki na ang mga mata niya. Akmang huhugutin na niya ang baril sa
kanyang bulsa subalit naunahan na siya ni Meyah sa aksyon. Iniwasiwas nito ang
palakol sa leeg ng lalaki. Napugutan si Joniel at tumilapon ang ulo. Nilabasan ng
dugo ang butas nitong leeg bago bumagsak sa lupa ang katawan.
Sa pagkakataong iyon, parehong
nakangiti sina Meyah at Flohr, isang mala-demonyong ngiti.
ANG tapang ni Meyah ay naging
pagsamantala lamang. Dahil sa pagpatak ng gabi ay muling nagbalik ang kanyang
takot nang muling bumulong ang kanyang kakambal.
"Nandito siya. . .
Nagmamasid sa ating dalawa. . . At sabi niya, nalalapit na ang araw na tayo'y
magpapaalam na sa mundo ng makasalanan at tayo'y dadalhin sa mundo ng
kaparusahan. . ."
Ipinikit na lamang ni Meyah ang
kanyang mga mata habang nakayakap sa kanyang ina-inahan na himbing nang
natutulog. Nagtataka si Meyah at siya'y napaisip kung bakit pinagpapawisan siya
sa sobrang init gayong umuulan naman sa labas.
"Nandito siya sa ating
silid. . . Binabantayan tayo. . . Nagliliyab ang kanyang katawan at nagsasabog
ng matinding init sa buong paligid. . ."
Mautak din ang kanyang kakambal
dahil alam din nito kung ano ang nasa isip ngayon ni Meyah. Alam nito ang lahat
kung ano ang sagot sa mga katanungan ni Meyah.
Hilakbot na hilakbot ang dalaga.
Parang gusto na niyang maniwala sa kakambal na binabantayan sila ngayon ng
diablo dahil sa kakaibang init na naglalaro sa loob ng kanilang silid.
Butil-butil na ang pawis ni Meyah at halos hindi na siya makagalaw. Sa tindi ng
takot na nararamdaman niya ay pakiramdam niya'y hindi na siya magigising sa
oras na makatulog siya.
Nararamdaman na niya ang antok
subalit pilit niyang nilalabanan ito para lang hindi makatulog. Iniisip niya na
baka tuluyan siyang kuhanin ng diablo sa oras na makatulog siya.
MAHIGIT isang oras lamang ang
tulog ni Meyah sa buong magdamag. Kung kailan maliwanag na ang sikat ng araw ay
saka pa lang nawala ang kanyang takot na matulog pero muling naglayas ang antok
niya ng makarinig siya ng sunod-sunod na katok sa pinto.
Bumangon siya at agad nagsoot ng
belo sa ulo. Pagbukas niya ng pinto ay tumambad sa kanya ang galit na mukha ni
Siarwen, ang bumbay na may-ari ng bahay paupahan.
"Asan iyong nanay?"
nakasimangot na tanong ni Siarwen.
"M-may sakit po. Bakit
po?"
"Kapag kayo hindi bayad
renta kayo layas na dito baka gusto n'yo kulong sa pulis dami n'yo atraso na
utang sa renta!" galit na wika ng bumbay.
Nanlumo si Meyah. Naalala niya na
tatlong buwan na pala silang hindi nakakabayad sa renta ng bahay dahil sa
kakulangan sa kita. Maging ang bill nila sa kuryente ay umabot na ng walong
libo pero wala pa ring kabayad-bayad.
Nakayukong tumugon si Meyah,
"P-pasensya na po. Bigyan n'yo pa po kami ng isang linggong palugid. May
sakit kasi ang aking ina ngayon kaya hindi pa siya makapagtinda. Gagawan po
namin 'yan ng paraan."
Lalo lang nainis ang bumbay sa
sinabi niya at laking gulat ni Meyah nang bigla siyang sinampal nito.
"Tang ina mo! Puta ka! Kahit
iyong nanay palage iyan dahilan. Basta kapag hindi pa kayo bayad bukas ako
punta dito at baril ko kayo!" pagwawakas ng bumbay sa usapan pagkatapos ay
agad itong umalis ng padabog.
Dahil sa ginawa ng lalaki ay
muling nabuhay ang galit ni Meyah sa katauhan, kasabay nito ang pagngiti ng
makahulugan ng kanyang kakambal dahil tila alam na nito kung ano ang susunod na
mangyayari.
Kasalukuyang kumakain ng
tanghalian si Siarwen nang may kumatok sa pintuan. Agad siyang tumayo para
buksan ang pinto.Pagbukas niya ay ibang tao ang nakaharap niya. Isa itong
matandang babae na nakabelong itim, hindi niya ito kakilala.
"S-sino ka?"Pinagmasdan
niya ito mula ulo hanggang paa. Nangunot ang noo niya nang makitang baligtad
ang mga paa nito, nakaharap sa likuran.
"Hala!" nasambit niya
dahil sa pagkabigla.
Lalo pa siyang nasindak nang
tumalikod ang matanda at pagharap nito ay nasilayan ni Siarwen ang tunay na
mukha ng taong iyon. Si Meyah, ang anak-anakan ni Aling Flora!
Napanganga si Siarwen. At bago pa
siya makagawa ng aksyon ay inilabas na ni Meyah ang baon niyang palakol at
tulad ng ginawa niya kay Joniel, pinugutan din niya ng ulo si Siarwen, hindi na
niya ito hinintay na makasigaw pa. Pagbagsak ng katawan nito ay agad na
tinakpan ni Meyah ng belo ang mukha ng kanyang kakambal sa likod ng ulo pagkatapos
ay nagmadali siyang makauwi bago pa may makakita sa kanya.
Parte na ng buhay ni Meyah ang
pagpaslang sa mga mayayaman na may masamang ugali dahil kahit noong bata pa
siya ay mga mayayaman din ang nagpahirap sa kanya.
Pagsapit naman ng gabi ay sising-sisi
si Meyah sa kanyang ginawa. Palihim siyang umiiyak ngayon sa banyo upang hindi
siya marinig ni Aling Flora na nagpapahinga naman sa kuwarto. Aminado siya na
marami na siyang napatay na mga mayayaman mula pa noong bata pa siya.
Kung siya ay umiiyak, ang kanyang
kakambal na si Flohr ay nakangiti naman na tila walang iniindang problema.
"Nalalapit na ang araw ng
paghuhukom. . ." bulong nito kay Meyah.
"Bakit ba palagi tayong
hindi magkasundo pagdating sa ibang bagay? Bakit pa sa tuwing makakapatay lang
ako ng tao ay du'n pa lang tayo nagkakaisa'ng dalawa? Ganito ba talaga ang
ibinigay sa atin ng Diyos?" umiiyak na wika ni Meyah.
"Hindi tayo galing sa Diyos.
. . Tayo ay nagmula sa impiyerno. . ." bulong ni Flohr.
"Kasalanan mo ang lahat ng
ito, Flohr! Kaya ako nakakapatay dahil sa 'yo!" sumbat ni Meyah sa
kakambal.
"Wala akong kasalanan,
Meyah. Kahit kailan, wala akong naging kasalanan dahil wala naman akong mga
kamay na puwedeng makagawa ng iba't-ibang kasalanan. Ikaw ang may kasalanan
dahil ikaw ang pumapatay. . ."
Saglit na natahimik si Meyah
bagamat patuloy pa rin sa pag-iyak at pagsingot ng sipon. Masakit para sa kanya
na tanggapin ang katotohanan pero tama ang kanyang kakambal. Siya ang tunay na
gumagawa ng kasalanan dahil may mga kamay siya na kanyang ginagamit sa
pagpatay.
"Hayooop!!!" naisigaw
niya sa kanyang kakambal. Di niya napigilang magmura dahil sa pinaghalong galit
at lungkot na nararamdaman.
Di nagtagal ay nakaisip siya ng
paraan kung paano wawakasan ang lahat ng paghihirap niyang ito. At habang nasa
isip niya iyon ay gumuguhit ang ngiti sa mga labi niya bagamat tumutulo pa ang
kanyang natitirang luha.
At sa pagngiti ni Meyah, ang
kanyang kakambal naman ang napaiyak. Ganoon silang magkapatid, palaging
magkaiba ang emosyon at ekspresyon ng kanilang mukha.
Pero sa tuwing makakapatay ng tao
si Meyah ay doon pa lang nagtutugma at nagkakapareho ang emosyon na lumalabas
sa kanila.
Nagbalik tanaw si Meyah sa mga
lumipas na panahon kung kailan nawalay sila sa kanilang tunay na mga magulang.
Di niya maiwasang malungkot sa tuwing maaalala niya ang dalawang tao na pumatay
sa kanyang ama't ina dahil sa inggit ng mga ito sa maunlad na negosyo ng mga
magulang niya. At nang nakahanap na siya ng pagkakataon ay gumanti siya at
kanyang pinatay ang dalawang tao na iyon. At magmula noon, kung saan-saan na siya
napunta at kung sinu-sino na ang mga umampon sa kanya na lahat ay pawang
mayayaman. Pero pagkatapos matuklasan ng mga ito ang pagkatao ng kanyang
kakambal na pangalawang mukha sa likuran ng kanyang ulo ay tinataboy na siya ng
mga ito. Sa lahat ng mga umampon sa kanya, si Aling Flora lang ang tumanggap sa
kanya pati sa pagkatao ng kanyang kakambal.
Pero hanggang doon na lamang ang
lahat ng paghihirap niya. Iyon na ang huling beses na magbabalik tanaw siya sa
lahat ng mga paghihirap na dinanas niya. Dahil ngayong araw na ito, wawakasan
na niya ang buhay niya at nasa kanyang mga kamay na ang bote ng asido na
kanyang gagamitin para paslangin ang sarili. Tama nga si Flohr. Si Meyah ang
tunay na gumagawa ng kasalanan dahil taglay nito ang mga kamay na sadyang binuo
para gumawa ng masama at kumitil ng maraming buhay, at ang mga kamay ding iyon ang
kikitil sa buhay nilang magkambal.
Nasa loob pa rin ng banyo si
Meyah habang hawak nito ang bote ng asido. Pangiti-ngiti pa siya habang ito'y
binubuksan. Para siyang loka-loka na nasisiraan pa lalo ng bait. Parang alak na
tinungga niya ang bote ng asido! Sa loob lamang ng limang segundo ay nasunog
ang mga laman sa katawan niya sa katawan. Nangisay siya sa sahig ng banyo.
Nagsuka siya ng nagsuka. At di nagtagal ay sabay silang namatay ni Flohr.
Huli na ang lahat bago pa
matuklasan ni Meyah na may katotohanan ang lahat ng mga ibinubulong ng kanyang
kakambal na sa impiyerno tutungo ang kanilang buhay dahil isa silang
makasalanang nilikha. Ang mga bulong na akala niya'y pananakot lamang ni Flohr
ay talagang may katotohanan. Dahil ang pagpatay sa sariling buhay ay isa ring
malaking kasalanan sa Diyos! Kaya ngayon, ang diablo na ang bahala sa kanilang
magkambal.
Sino kaya ang mas higit na
makasalanan kina Meyah at Flohr?
- The Case of Meyah Flohr -
***THE END***
THIS EPISODE IS BASED ON EDWARD MORDRAKE'S STRANGE CASE
No comments:
Post a Comment