Thursday, June 11, 2015

Nightmare at the Pillow



CREEPYPASTA (THE SERIES) – Season 1
“Nightmare at the Pillow”

"THIS is Theresa. Siya ang bago ninyong makakasama dito sa bahay. Taga Batangas siya at anak siya ng katrabaho ko dati sa Manulife Company," ani Donya Cherry sa kanyang mga maid na abala sa paglilinis ng salas ng mga oras na iyon. Ngumiti si Theresa sa tatlong kasambahay na tulad niya.
"Hello, welcome," ang tanging tugon ng mga maid.
"Sumunod ka sa akin, Theresa at ililibot kita sa loob para makabisado mo ang bawat sulok ng aking mansyon," anyaya sa kanya ng Donya pagkatapos ay sumunod siya dito.
Pagsapit ng hapunan ay magkakasabay kumain ang mga maid ni Donya Cherry sa maid's dinning room.
Malaki ang mansyon. May sariling kusina at mga kwarto ang mga kasambahay.
Habang kumakain si Theresa ay kuwento naman ng kuwento ang mga maid sa kanya tungkol sa ugali ni Donya Cherry.
"Alam mo, Theresa, masungit iyang si Madam Cherry. Mabait lang siya sa una pero kapag nagtagal ka na dito walang araw na hindi ka niya sisigawan," kuwento sa kanya ni Shane, isa sa mga maid.
"Oo nga, Theresa. Kanina bago siya umalis nung wala ka pa dito pinagalitan kami dahil kuwentuhan daw kami ng kuwentuhan habang naglilinis," si Karen naman ang nagsalita.
Napatawa lang doon si Theresa at wala sa kanyang mukha ang takot na mapagalitan ni Donya Cherry balang araw.
"Haha kayo talaga. Natural lang naman 'yun kapag mayaman ang isang tao. Intindihin na lang natin sila lalo na't mga katulong lang tayo. Wala tayong karapatan na labanan sila," wari'y payo ni Theresa sa tatlong maid.
"Kahit na!" tila tutol naman si Shane. "Wala rin naman siyang karapatan na sigawan kami. Ano namang masama kung magkukuwentuhan kami habang naglilinis? E, ang mahalaga ay agad naman naming tinatapos ang mga task namin dito sa mansyon," katwiran niya.
"At alam mo ba, Theresa dito sa mansyon ni Madam, may kanya-kanya pa kaming mga kuwarto!" singit ni Allison sa usapan.
Napalunok si Theresa bago nagsalita.
"Ha? E, bakit naman? Hindi ba puwedeng sama-sama nalang tayo sa iisang kuwarto? Para makatipid na rin sa room,"
"Dati nu'ng baguhan pa lang kaming tatlo dito magkakasama talaga kami sa iisang kuwarto pero pinaghiwa-hiwalay niya kami dahil daw ang iingay namin kapag magkakasama kami. Gusto naman yata niya palagi kaming nananahimik! E, nakakapanis kaya ng laway kung hindi ka magsasalita buong araw!" paninira ni Karen na may katotohanan din naman ang mga sinasabi dahil naalala niya kung gaano katindi ang sermon ni Donya Cherry sa kanilang tatlo noong mahuli silang nagtatawanan ng malakas sa loob ng kuwarto.
Natikom na lamang ni Theresa ang kanyang bibig at hindi na muling umimik pa. Parang nagsisisi tuloy siya kung bakit pa niya tinanggap ang alok sa kanya ng Donya na mamasukan bilang maid sa mansyon nito. Ayaw rin naman niyang masigawan at masermonan kahit papaano. Naisip tuloy niyang napaka istrikto pala ni Donya Cherry sa mga katulong nito.

GABI. Ipinakita ni Donya Cherry kay Theresa ang magiging kuwarto niya. Pinapasok ng donya ang babae sa loob.
"Kuwarto ito dati ng yumao kong ama. Ipapagamit ko na siya sa iyo tutal ay kakilala naman kita dahil ka-close ko dati sa opisina ang iyong ama. Ayusin mo na lang sa gusto mong ayos basta huwag mo lang gagawing baduy ang kuwarto niya," sabi sa kanya ni Donya Cherry.
"Maraming salamat po. Pananatilihin kong malinis ang kuwartong ito araw-araw," nakangiting sabi ni Theresa. Habang nililibot niya ng tingin ang kuwarto ay bigla na lamang siyang nakaramdam ng kaunting takot dahil may kung anong pumasok sa isip niya.
"Ah, Madam, napa-bless po ba itong kuwarto bago ninyo ipagamit sa iba? Kasi baka multuhin ako ni sir kapag ginamit ko itong kuwarto niya," pabiro ngunit makatotohanang sabi ni Theresa.
"Alam mo, hija, hindi ako naniniwala na makakabalik pa sa mundo ang kaluluwa ng isang tao kapag namatay na. Ang kanyang kaluluwa ay didiretso na sa kung anumang dimensyon siya nararapat. Kaya huwag ka nang matakot matulog dito dahil ito na lamang ang natitirang bakanteng kuwarto," pagwawakas ni Donya Cherry sa usapan pagkatapos ay lumabas na ito ng kuwarto.
Nagkibit-balikat na lamang si Theresa at sinara na ang pintuan ng silid sabay patay sa ilaw. Inayos na niya ang sapin ng kutson ng kama pagkatapos ay nahiga na siya. Pinatay niya ang lampshade upang walang liwanag ang naka sagabal sa kanyang paningin. Hindi kasi siya makakatulog agad kapag may nakasinding ilaw sa kanyang paligid. Ipinikit na niya ang mga mata at binura ang lahat ng mga negative thoughts na umiikot sa kanyang isipan tungkol sa kuwartong iyon na pag-aari pala ng isang taong yumao na. Masasanay rin siya, iyon ang tinatak niya sa isip niya.
Nang mga sandaling dalawin na siya ng antok ay bigla na lamang siyang naparalisado. May malay pa siya pero hindi siya makagalaw at makapagsalita. Ramdam niyang lumilipad pataas ang kanyang katawan habang nakakarinig siya ng isang boses ng lalaki na bumubulong ng mga nakakapangilabot na salita. Binabangungot siya!
Agad siyang umusal ng dasal at inilabas ang lahat ng enerhiya niya sa katawan para makagalaw. At ilang sandali pa, matagumpay siyang nakawala sa pagkakagapos sa kanya ng isang nakakatakot na bangungot.
Napabuntung hininga siya pero hindi pa pala nagtapos ang bangungot niya. Sa sumunod na kaganapan, hindi na iyon isang bangungot. Literal siyang nakakita ng bangkay ng isang matandang lalaki sa kanyang tabi. Maputla ito at medyo maputi ang mukha at nakadamit na pangburol.
Doon na siya sumigaw at bumangon. Agad niyang pinigilan ang bibig niya na sumigaw pa ng mas malakas dahil baka marinig siya ni Donya Cherry at baka pa siya'y pagalitan. Isa pa, wala na sa kanyang kama ang bangkay ng matandang lalaki nang siya'y makabangon na. Kung siya ang tatanungin, mas nanaisin pa niyang dalawin ng bangungot kaysa dalawin ng isang multo lalo na sa oras na siya'y gising pa.
Iyon ang unang pagkakataon na minulto siya kaya ganoon na lamang ang takot niya. Hindi siya nagdalawang isip na lumabas ng kuwarto at nagpunta sa kuwarto ni Shane, dala niya ang kanyang unan.
Maingat niyang ginising ang babae upang hindi ito magulat. Pagmulat ng mga mata ni Shaine ay bumungad sa kanya ang maputlang si Theresa na hindi maitatago ang takot sa mukha nito.
"Shaine, puwede bang dito muna ako makitulog? Babalik din ako mamayang madaling araw sa kwarto ko. Hindi naman ako mahuhuli ni Madam Cherry dahil tiyak na mahimbing na ang tulog niya," pakiusap ni Theresa, sinabayan pa ng nginig ang boses nito habang nagsasalita.
"S-sige. Bakit ayaw mo sa kuwarto mo?" tanong ni Shaine at umusog ito ng bahagya sa kama.
Inilagay ni Theresa ang unan sa tabi ni Shaine at humiga na siya.
"Basta bukas ko na lang ipapaliwanag sa 'yo. Gabi na kasi at gusto ko na ring matulog," dahilan ni Theresa. Ang totoo ay ayaw lang niyang magkuwento dahil baka maulit pa ang nangyari sa kanya.
"Sige ikaw ang bahala. Goodnight," huling salita ni Shaine pagkatapos ay muli na itong natulog.
Tuluyan nang humupa ang takot na nararamdaman ni Theresa dahil may katabi na siya. Ang akala niya ay tapos na ang kababalaghan. Dahil nang mga sandaling antukin na siya ay muli siyang naparalisado at binangungot. Sa pangalawang pagkakataon, hinihigop naman siya pababa ngayon sa kailaliman. Pakiramdam niya'y nalulunod siya sa dagat ng kamatayan.
Muli ay umusal siya ng dasal at buong lakas na iginalaw ang katawan para muling makaahon sa bangungot. Nang siya'y makagalaw muli, natakot na siyang matulog.
Ayaw pa rin siyang tantanan ng bangungot. Sa tuwing hihinto siya sa paggalaw ay muli siyang napaparalisado kaya walang hinto niyang iginalaw-galaw ang kanyang mga daliri para hindi muling bangungutin.
Sa tuwing mapapahinto ang pagkilos ng kanyang mga daliri dahil sa labis na kaantukan ay binabalikan siya ng bangungot. Hindi siya mapakali. Biling siya ng biling sa kama at naghahanap ng tamang puwesto para makatulog.
Sa huli, umalis siya sa pagkakahiga sa unan at inilatag na lamang niya ang ulo sa kutson pagkatapos ay bahagyang sumiksik kay Shaine. Takot na takot pa rin siya. Kung anu-anong negatibong bagay ang pumapasok sa kanyang utak na nagdudulot para lalo pa siyang matakot pero hindi naman iyon nagtagal. Nang siya'y antukin muli, tuluyan na siyang nakatulog at hindi na binalikan ng bangungot.

PAGSAPIT ng umaga, habang nagluluto ng agahan sina Shaine at Theresa ay ikinuwento na ng babae ang tatlong beses na pagdalaw sa kanya ng bangungot kagabi pati ang pagpapakita ng isang matandang lalaki sa loob ng kuwarto na ipinagamit sa kanya ng donya.
Gulat na gulat pa nga si Shaine nang malamang iyon ang naging kuwarto ni Theresa.
"Bakit nandoon ka sa kuwarto ni Sir Jerry?" gulat na tanong sa kanya ni Shaine.
"E, doon ako dinala ni Madam kagabi, eh. Siya na mismo ang nagsabi na gamitin ko na daw 'yung kuwarto ng tatay niyang patay na. Sinabi ko nga sa kanya na baka multuhin ako du'n pero sabi niya hindi naman daw siya naniniwala sa mga multo," paliwanag ni Theresa na tila naiinis sa donya dahil sa kanya pa ipinagamit ang kuwartong iyon.
"Alam mo, 'yun kasing kuwartong iyon ay pag-aari ni Sir Jerry na father ni Donya Cherry. Matanda na 'yun pero ang libog masyado! Galit nga kaming lahat du'n, eh. Sa una akala talaga namin sobrang bait niya dahil palagi niya kami ipinagtatanggol kay Donya Cherry. Nu'n pala kaya lang niya ginagawa 'yun dahil gusto kaming halayin! Alam mo ba last year nu'ng birthday ko nainis ako du'n sa sinabi niya na reregaluhan daw niya ako ng birthday sex! Kapal ng mukha ng gurang na 'yun. Mabuti ngang natigok na! Magtitiis na lang kami sa kasungitan ni Donya Cherry kesa naman sa manyakin pa kami ng gurangerz na 'yun!" galit pang nagkuwento si Shaine sa babae.
Natawa naman si Theresa sa nalaman.
"Haha! Ano kamo? Gusto niya kayong halayin? Ilang taon na ba 'yung Sir Jerry na 'yun?"
"75 years old pa lang! Mukhang malakas pa nga, eh at wala pang iniindang sakit sa katawan. Sakit lang sa damdamin dahil basted sa 'kin hahaha!" sabay tawa ni Shaine.
"E, ano naman ang ikinamatay niya?"
"Natagpuan na lang naming wala ng buhay du'n sa mismong kuwarto niya. Binangungot daw!" nanlalaki pa ang mga mata ni Shaine nang magsalita.
Natahimik si Theresa sa natuklasan. Bigla siyang napaisip.
"Namatay si Sir Jerry sa loob mismo ng kanyang kuwarto dahil sa bangungot?"
Iyon ang pumasok sa isip ni Theresa. Naalala niya na kagabi ay tatlong beses din siyang binangungot at naalala din niya ang bangkay ng isang matandang lalaki na nagpakita sa kanyang kama, marahil ay iyon si Jerry Millian.
May namuong tanong sa kanyang isip. Bakit siya binangungot kagabi at bakit nagpakita sa kanya ang matanda?

PUMASOK si Theresa sa kuwarto ni Karen. Nadatnan niyang nagsusuklay ng buhok ang babae habang nakaupo ito sa kama.
"O, nandiyan ka pala, Theresa. Halika upo ka," ani Karen sa kanya nang makita siya.
Tumabi si Theresa at hawak nito sa kanyang isip ang tanong na bibitawan niya kay Karen.
"Karen, matanong ko lang, paano namatay si Sir Jerry?"
Napahinto sa pagsuklay si Karen at napatitig ng seryoso kay Theresa.
"Ba't mo siya kilala?"
"Nabanggit lang kasi sa akin kanina ni Shaine. Si Sir Jerry pala 'yung may-ari ng kuwarto na ipinagamit sa akin ni Donya Cherry. Gusto ko lang malaman kung ano ang ikinamatay nung matanda at kung saan siya mismo namatay," ani Theresa.
"Namatay siya sa bangungot. Noong birthday kasi ni Shaine, si Sir Jerry na mismo ang nakiusap na imbes na umuwi pa ito, dito na lang daw i-celebrate ang birthday niya. Actually wala ako noon dahil umuwi ako sa probinsya namin dahil may emergency daw doon at kailangan na kailangan ako. Kinuwento lang sa akin 'to ng isa pa nating kasama na si Allison noong pagkabalik ko. Naghanda raw sila ng maraming pagkain. E, marami raw yatang nakain nu'ng gabing iyon si Sir Jerry tapos pumasok na siya agad sa kuwarto niya para matulog kahit may laman pa ang tiyan kaya ayun binangungot at hindi na nagising. Alam naman niyang bawal matulog kapag busog, basta ewan ko sa matandang 'yun!" ang kuwento ni Karen kay Theresa.
Tumango lang ang babae.
"Actually nakuhanan nga raw ng litrato ni Allison 'yung bangkay ni Sir Jerry nu'ng nasa kama pa ito. Hindi lang daw basta binangungot kasi naabutan nilang bumubula pa daw ang bibig! Ewan nga namin kung bangungot ba talaga ang ikinamatay niya o lason kasi wala naman siyang kinaing iba nu'n kundi lang daw 'yung mga nilutong handa ni Shaine para sa birthday niya," dugtong pa ni Karen.
"Unless..."
"Unless what?" sambit ni Theresa.
"Ang talagang hinala namin ay nilason ni Shaine 'yung pagkain ni Sir Jerry dahil nga madalas ikuwento sa amin ni Shaine dati na palagi raw siyang hinihipuan ng matanda kapag sila lang dalawa ang nagkakataong magkasama dito sa bahay. Si Shaine rin daw ang palaging gusto ni Sir na magluto ng pagkain. May tama yata 'yung matandang 'yun kay Shaine, eh! Inis na inis nga si Shaine doon hindi lang niya pinapahalata dahil ito namang si Donya Cherry palaging kampi sa tatay niyang malibog! Palibhasa wala siyang kaalam-alam sa ginagawa ng tatay niya sa aming tatlo! Kaya hindi na 'ko gaano nagtaka nu'ng nalaman kong bumubula 'yung bibig ni Sir Jerry nu'ng matagpuan siyang patay. Baka nilason lang talaga siya ni Shaine. Hindi na lang namin ito binabanggit sa kanya dahil baka magalit siya sa amin. E, kami-kami lang rin naman ang nandito tapos mag-aaway pa kami?" kuwento ni Karen.
"Kung sa bagay. At saka hindi rin naman tama 'yung magbintang lalo na kung hindi natin nakita sa akto. Pero kung nilason talaga ni Shaine si Sir Jerry, eh di mamamatay tao pala itong si Shaine?!" wika ni Theresa.
Naputol ang kanilang kuwentuhan nang pumasok si Donya Cherry sa kuwarto at masama ang titig kay Karen.
"Karen, nandito ka lang pala. Akala ko ba nasa garden ka?" may galit ang tono ng boses ng donya.
Nginig ang boses na tumugon si Karen, "n-nandoon na po s-si Allison para diligan 'yung mga halaman,"
"E, bakit siya ang nagdidilig? 'Di ba sa 'yo ko inutos iyon? Bakit sino ka ba, ha? Katulong ka lang naman dito, ah! Kaya gawin mo kung ano ang inutos ko sa 'yo! Kilos na!" halos sigawan na siya ng donya.
Yumuko na lamang si Karen at hindi na binati si Theresa dahil napahiya siya sa babae. Walang kibong lumabas ito ng kuwarto. Ang ayaw niya sa lahat ay ang pinapahiya siya kapag may ibang tao.
Hindi rin nakakibo si Theresa dahil sa takot na baka pati siya ay sermonan din ng donya dahil wala siyang ginagawa pero nagkamali siya ng inakala. Tinawag ng donya ang kanyang pangalan sa isang malumanay na boses.
"Theresa, maaari ba kitang makausap?"
Napawi ang kaba ni Theresa at tumayo siya para lapitan ang donya.
"B-bakit po madam?"
"Tita na lang ang itawag mo sa akin. Kamusta na nga pala ang papa mo? Balita ko'y nasa states pala siya at naka-confine sa hospital dahil sa cancer,"
"Opo. Stage 4 na nga po ang cancer niya, eh," malungkot na pahayag ni Theresa.
"Ganu'n ba? Milagro na lang magpapagaling sa kanya kung ganu'n," Nalungkot si Donya Theresa at ibig lumuha.
"Sana nga po." Sa totoo ay hindi niya alam kung bakit ganoon kabait sa kanya ang donya.
"Hayaan mo at ipagdarasal ko na lang ang iyong ama. Bakit naman kasi hindi mo sinabi sa akin agad na may sakit pala siya. Napuntahan ko sana agad siya sa states. Abala kasi ako ngayon sa trabaho at hindi ko maasikaso ang iba pang mga gusto kong gawin. Tulad nito aalis na naman ako at mamayang gabi pa ang uwi ko kaya sa iyo ko na ipagkakatiwala itong mansyon. Magpahinga ka rin kung gusto mo. Tumulong ka na lang sa mga maid kapag hindi ka na pagod. O sige, ha?"
Matipid na ngumiti si Theresa, tuluyang nawala ang takot niya sa donya dahil sa kabaitan nito sa kanya pero hindi pa rin mapawi-pawi ang kanyang lungkot sa tuwing maaalala niya ang kalagayan ng kanyang ama ngayon. Napapatulala siya sa tuwing maiisip iyon.
"Sige po maraming salamat. Ingat po kayo," iyon na lamang ang nasabi ni Theresa sa donya.
Pagkalabas ni Donya Cherry ay muling gumuhit ang lungkot sa kanyang mukha dahil sa sitwasyon ng ama ngayon ni Theresa na si Fajardo. Katunayan ay may nararamdamang pagtingin si Donya Cherry sa lalaki. Malas lang siya dahil may asawa na pala ito kaya hanggang magkaibigan lang sila noong magkatrabaho pa sila sa Manulife Company.

HANGGANG sa hapunan ay tungkol sa pa rin sa pagkamatay ni Jerry Millian ang pinag-uusapan ng apat na maid.
Sa mga oras na iyon, si Allison naman ang kausap ni Theresa.
"Allison, maaari ko bang makita 'yung picture ni Sir Jerry nu'ng namatay siya?"
"Sigurado ka ba na gusto mong makita? Nakakatakot kaya 'yung hitsura niya!" kunot ang noong tugon ni Allison.
"Okey lang. Hindi naman ako matatakutin. Gusto ko lang talaga makita," pagkukumbinsi ni Theresa bagamat alam niya sa sariling matatakutin talaga siya.
"Sige sandali lang kukunin ko sa kuwarto ko." Tumayo si Allison at nagpunta sa kanyang kuwarto.
"Bakit ba gustong-gusto mo makita 'yung litrato?" tanong sa kanya ni Karen.
"Basta!" maikling tugon ni Theresa na halatang atat na atat nang makita ang litrato.
Agad ding bumalik sa kusina si Allison dala ang litrato.
"Heto na 'yung last picture ni Sir Jerry. Iwasan mong makita 'yan ni Madam Cherry dahil hindi niya alam ang tungkol d'yan. Baka palayasin ako 'pag nalaman niya na meron ako n'yan," hiling sa kanya ni Allison sabay abot ng litrato.
Pinagmasdang mabuti ni Theresa ang larawan ni Jerry Millian na nakahiga sa kama nito. Maputla ang mukha nito at puno ng bula ang bibig na parang nilason.
Nakumpirma ni Theresa na si Lolo Jerry nga ang nagpakita sa kanya noong una siyang beses mabangungot.

GABI. Nakiusap si Theresa kay Shaine na kung puwede ay magsama muna sila sa iisang kuwarto sa loob ng ilang mga linggo. Ililihim na lang ni Theresa iyon kay Donya Cherry dahil ayaw na talaga niyang matulog sa kuwarto na pag-aari ng yumaong ama ng amo nila.
Habang nagpapatuyo pa ng buhok si Shaine sa electric fan ay naglalaro naman ng candy crush si Theresa sa kanyang cellphone. Habang tahimik silang dalawa ay hindi maiwasang isipin ni Theresa kung nilason ba talaga ni Shaine si Sir Jerry noong birthday ng babae.
Kahit sino ba namang babae ang manyakin ng isang matandang lalaki ay talagang masasaktan at minsan ay di maiwasang mag-isip ng masama.
Ayaw naman niyang tanungin si Shaine tungkol doon dahil baka kung ano pa ang sabihin ng babae sa kanya. Ayaw rin naman niyang magbintang at manghimasok dahil bago pa lamang siya doon.

PASADONG alas-otso ng gabi nang makatulog na ng mahimbing si Shaine samantalang si Theresa ay nanatiling gising dahil sa kakaisip niya sa naging karanasan kagabi sa loob ng kuwarto ng yumaong si Jerry Millian.
Ito pa lang ang kanyang pangalawang gabi sa bahay na iyon pero pakiramdam niya'y ang dami nang mga nangyari na hindi niya inaasahan.
Nang mga sandaling dalawin na siya ng antok ay bigla na naman niyang naramdaman ang pagtigas ng kanyang katawan. Tulad kagabi, paralisado na naman siya. Hindi siya makagalaw at makapagsalita bagamat dilat ang mga mata niya. Para siyang hinihigop papunta sa kailaliman ng lupa kasabay pa ng muling pagpapakita ng matandang lalaki sa kanya. Sa pagkakataong iyon, nakatayo ito sa harap niya at bumubula ang bibig. Ang mga bulang iyon ay parang likido at tumutulo pa sa kanyang dibdib.
Umusal siya ng taimtim na panalangin at buong lakas na iginalaw ang katawan. Nang siya'y makawala sa hatak ng bangungot, naglaho rin sa paningin niya ang matanda. Doon na siya nabahala kung bakit sinusundan pa rin siya ng bangungot kahit saang kuwarto pa siya magpunta.
Hindi na naman siya makakatulog. Iginalaw-galaw niya ang mga daliri upang pigilan ang bangungot na gustong gumambala sa kanya. Sa inis niya ay bahagya niyang ibinaba sa kutson ang kanyang ulo dahil naramdaman niyang hindi siya komportableng humiga sa unan.
Kabado siya. Kung anu-ano na namang mga negatibong bagay ang umikot sa utak niya. Pero nang mga sandaling muli siyang balikan ng antok ay hindi na niya namalayan na nakatulog na pala siya. Hanggang sa pagsikat ng araw ay maganda ang gising niya, iyon nga lang, agad na nagbalik sa kanyang alaala ang nangyari kagabi. Hanggang sa may napansin siya...
Pagbangon niya ay kinuha niya sa kanyang bag ang litrato ng yumaong si Sir Jerry na hiningi niya kay Allison kagabi.
Pinagmasdan niyang muli ang litrato. Tinitigan niya ng mabuti ang unan na kinahihigaan ng bangkay ng matandang lalaki. Iyon din ang unan na gamit niya ngayon! Para makasigurado ay pinagmasdan pa niya ang kanyang unan at tinignan ang bawat anggulo nito. Parehong-pareho. Hindi niya puwedeng ipagkaila, unan nga iyon ng yumaong matandang lalaki!
Ngayon ay malinaw na sa kanya ang katotohanang sa tuwing hihiga siya sa unan na iyon ay binabangungot siya dahil pag-aari iyon ng matandang lalaki na namatay sa bangungot. Marami pa siyang mga katanungan na gustong hanapan ng sagot tungkol sa pagkatao ni Jerry Millian ngunit hindi na niya ito naasikaso pa dahil pagsapit ng tanghali ay nakatanggap siya ng text message mula sa kanyang ina at sinabi nito na pumanaw na raw ang kanyang ama at nakatakdang iuwi sa pilipinas ang bangkay nito bukas.

"HIJA, bukas tawagan mo 'ko kapag naihatid na ang iyong ama sa bahay ninyo, ah? Tutulong ako sa mga gastos. Mag-aabuloy ako," pangako sa kanya ni Donya Cherry. Nakasakay na sa van ng mga oras na iyon si Theresa. Ihahatid na siya ng driver ng donya pauwi sa Batangas para puntahan ang kanyang ina na nagluluksa rin ngayon sa pagkamatay ng kanilang padre de pamilya.
"M-maraming salamat po. Hihintayin ko na lang po kayo bukas..." Napaluha rin si Donya Cherry at niyakap ang babae na walang patid ang pag-iyak at pagluluksa dahil sa pagpanaw ng ama nito.
"Be strong, Theresa. Life must go on," iyon ang huling wika ni Donya Cherry. Pagkalabas ng van sa garahe ay nagsimula na itong bumiyahe.
Nangibabaw ngayon ang lungkot sa puso ni Theresa. Nakalimutan na niya ang kanyang kakatwang karanasan sa mansyon na iyon. Mahal na mahal niya ang ama kaya hindi niya matanggap na patay na ito. Hindi man lang niya ito nadalaw sa ospital sa mga huling sandali ng buhay nito dahil napakalayo ng distansya nila at iyon ang napakasakit na katotohanan kay Theresa, ang hindi niya nakapiling ang ama bago ito pumanaw.
Samantala, balewala lang kina Karen at Allison ang pag-alis ni Theresa. Nasa kusina ngayon ang dalawa at nagluluto para sa tanghalian.
Bigo si Theresa na matuklasan ang katotohanan sa likod ng pagkamatay ni Jerry Millian. Noong nabubuhay pa kasi ito, palagi itong malapit sa loob tatlong katulong. Palagi niyang kakuwentuhan ang mga ito hanggang sa umabot sa puntong umiral ang pagnanasa ng matanda sa tatlong katulong kaya hindi niya napigilan ang sarili na mahipuan ang mga ito at silipan sa tuwing maliligo.
Ang pinakanaapektuhan dito ay si Karen na minsan nang pinasok ni Lolo Jerry sa kuwarto at sinubukang halayin pero nagpumiglas ang babae. Nangyari iyon bago ang kaarawan ni Shaine. Diring-diri si Karen sa matandang lalaki na tila iba na ang takbo ng pag-iisip kahit matanda na.
Sa pagsapit ng kaarawan ni Shaine ay umuwi naman sa probinsya si Karen sa Squijor para maghiganti kay Lolo Jerry.
Si Karen ay nagmula sa angkan ng mga mambabarang. Higit na makapangyarihan ang mga mambabarang kaysa sa mga mangkukulam. Kaya nilang patayin ang kanilang biktima kahit hindi gumagamit ng buhok o mga gamit ng biktima.
Nang gabing kumakain si Lolo Jerry habang katabi si Shaine na patuloy niyang dinidikitan at palihim na inaamoy-amoy at pinagnanasahan ay nagkataon namang nagsisimula na si Karen sa pagsagawa ng ritwal.
Ang akala ni Lolo Jerry ay nasobrahan lamang siya sa pagkain pero hindi naman niya nararamdaman na gusto niyang magbanyo kaya dumeretso siya sa kuwarto at doon ininda ang pananakit ng tiyan.
Parang gustong umiyak ni Shaine noon dahil nakahalata rin siya sa balak gawin sa kanya ng matanda pero hindi lamang siya kumibo para hindi mapahiya sa ilang mga bisita. Sinulit na lamang niya ang pagkain habang wala pa ang matanda. Pero hindi na ito muling lumabas pa ng kuwarto. Walang nakakita sa matanda kung paano ito magsuka ng dugo at labasan ng mga insekto sa bibig.
Nagsuka ito ng mga ipis, matatabang bulate, bubuyog, at iba pang klase ng mga nakakadiring insekto at bulateng lupa.
Halos isang oras nagsusuka ng dugo at mga insekto si Lolo Jerry. Hirap na hirap na siya.
Nang gabi ring iyon ay lihim na pumasok sa kuwarto ng matanda si Allison at nilinis nito ang isinuka ng matanda at lihim na inilabas at itinapon.
Pagbalik niya sa kuwarto ay humingi ng tulong sa kanya ang matandang lalaki na halos wala ng boses dahil sa dami ng isinuka. Hirap na rin itong huminga. Inihiga ni Allison sa kama ang matanda pagkatapos ay mabilis ang pangyayari. Agad niya itong pinaslang sa pamamagitan ng pagtakip ng unan sa mukha nito upang tuluyan itong malagutan ng hininga.
Si Allison lamang ang nakakaalam kung ano talaga ang plano ni Karen kaya ito umuwi ng probinsya. Magkamag anak sila at parehong taga Squijor. Planado ang ginawa nilang pagpatay sa matandang lalaki bilang kabayaran sa kamanyakan na ginawa sa kanila ni Lolo Jerry.
Habang dinidiin ni Allison sa mukha ng matanda ang unan ay may binitawan siyang salita rito, "pinagbigyan ka namin na gaguhin at bastusin kami. Hindi lang kami makagawa ng aksyon dahil palaging kampi sa iyo ang Donya na wala ring kwenta katulad mo! Pero kung sa bagay, mas wala ka namang kwenta dahil hindi naman ikaw ang nagpapasuweldo sa amin... Isa ka lang namang matanda na palamunin dito... Kaya ngayon oras na para mamatay ka! Ang tanda-tanda mo na pero ang dumi ng isip mo! Ang mga katulad mo ay dapat makatikim ng matinding parusa! Putang ina kaaaa!"
Parang masisiraan ng bait si Allison dahil sa galit at poot. Diniin pa niya lalo ang unan sa mukha ng matanda hanggang sa huminto ito sa pagwawala. Nang tanggalin ni Allison ang unan sa mukha ng matanda, patay na ito. Inilagay ni Allison ang unan na iyon sa uluhan ni Lolo Jerry at napagkatuwaan pa niyang kunan ng litrato ang bangkay ng matanda sa kanyang digital camera.
Pare-pareho silang minanyak ng matanda noon, pero si Shaine lang ang walang kaalam-alam sa tunay na pagkamatay ni Lolo Jerry. Si Shaine din ang dinidiin nila Allison at Karen para ipalabas kay Theresa na si Shaine ang lumason at pumatay sa matanda. Pero pamamaraan lamang nila iyon para pagtakpan ang tunay na kulay at pagkatao nila. Binaligtad rin ni Karen ang katotohanan na siya ang tunay na paboritong manyakin ng matanda at hindi si Shaine.
Ang katotohanan sa likod ng lahat ay si Shaine lang ang walang kinalaman sa pagpatay sa matanda. Malinis ang mga kamay nito at walang bahid ng krimen.
Ang lihim na iyon ay kasamang inilibing nila Allison at Karen sa hukay ng matandang lalaki! At ang unan na ginamit ni Allison sa pagpatay kay Lolo Jerry ay ang unan na ginamit noon ni Theresa kaya dinadalaw siya ng bangungot dahil iyon ang pamamaraan ng kaluluwa ng matandang lalaki para ipahatid sa babae na may masamang nangyari sa buhay nito, at iyon ang ginawang pagbarang sa kanya ni Karen at ang pagpatay sa kanya ni Allison!

- Nightmare at the Pillow -
***THE END***

Written by Daryl Makinano Morales

No comments:

Post a Comment