Sunday, June 21, 2015

The Soup


CREEPYPASTA (THE SERIES) - Season 1
“The Soup”

MAINGAT na umakyat ang dalawang teen ager sa bakod ng isang malaking bahay habang ang dalawa pa nilang kasamahan ay naiwan sa labas para magbantay pero pansamantala silang umalis para bumili ng yosi. Sinikap ng dalawang umakyat na huwag makalikha ng kahit anong ingay upang walang makarinig at makahuli sa kanila. Pagkababa nila sa bakod ay napatitig sila sa malaking bahay.
"Ang laki at ang ganda ng bahay na 'to! Sigurado marami tayong mananakaw dito. Tiyak na yayaman tayo ng husto dahil sa hitsura pa lang ng bahay mukhang mamahalin na ang mga gamit sa loob at mayaman ang mga nakatira," pabulong na wika ni Hussein.
"Tandaan n'yo, ginagawa ko lang naman ito para may makain kami ng nanay ko," paalala ni Mark kay Hussein.
Nahinto na sa pag-aaral ang binatilyong si Mark magmula nang pumanaw ang kanyang ama dahil sa heart attack. Ito kasi ang nagtatrabaho noon para makapag-aral siya at may makain sila, at dahil sa nangyari, naging madungis na ang buhay niya. At sa labis na kahirapan ay napilitan siya na makisali sa modus ng mga kaibigan para lang magkapera. Lahat ay gagawin niya, makakain lang ng tatlong beses sa isang araw. Kaysa naman sa tumunganga siya sa bahay na wala man lang ginagawa.
Wala ring maayos na trabahong tumanggap kay Mark dahil high school graduate lamang siya kaya hindi niya masisisi ang kanyang sarili na gawing komplikado ang sitwasyon.
"Tama na 'yang drama mo! Kung gagawin mo ng maayos ang trabaho mo magkakapera ka!" sermon sa kanya ni Hussein.
Akmang papasukin na nila ang bahay ng bigla silang makarinig ng kahol ng aso sa dulo ng bakuran.
Nagulat sila at nag-unahan na maka akyat muli sa bakod para makatakas subalit huli na nang makarinig sila ng boses mula sa bumukas na pintuan ng bahay.
"Sino kayo?"
Pagharap nilang dalawa ay isang matandang babae ang nakita nila na may hawak na tungkod. Wala sa mga mata nito ang galit kaya imbes na tumakas ay nagpalusot na lamang sila.
"Hinahanap lang po kasi namin 'yung bola namin na nahulog dito kanina."
"Ganu'n ba?" anang matanda na tila nabihag naman ang paniniwala sa kanilang palusot.
"Gabi na at naglalaro pa rin kayo? Mamaya n'yo na hanapin ang bola n'yo. Tamang-tama kakaluto ko lang ng pagkain. Gusto n'yo bang kumain dito?" Ngumiti ang matandang babae sa kanila.
Nagkatinginan at nagkatuwaan sina Mark at Hussein, muli silang bumaba ng bakuran at lumapit sa matanda.
"Halikayo pasok!" magiliw na sabi ng matanda at pinapasok ang dalawa.
Namangha si Mark nang makita kung gaano kaganda at kalaki ang loob ng bahay. Halatang naitago ang pagka malawak nito dahil sa dami ng mga mamahalin at babasaging gamit na naka-display kung saan-saan.
"Dito kayo." Dumeretso silang tatlo sa kusina. Pinaupo ng matanda ang dalawa sa round table at ipinaghanda ng mga pinggan at baso.
Nagmistulang mga rebulto ang dalawa at halos walang kaimik-imik. Hiyang-hiya sila sa matanda na balak sana nilang pagnakawan sa kabila ng pagiging mabait nito at may magandang loob.
"O, ba't hindi pa kayo kumakain?" tanong ng matanda nang mapansing wala pa ring imik ang dalawa at hindi pa ginagalaw ang pagkaing inihanda niya sa mesa.
Saka pa lang tila natauhan ang dalawa ng marinig nilang nagsalita ang matanda at nakatingin sa kanila.
"A... E... S-sige po kakain na po kame. M-maraming salamat po," halos mautal na si Mark kahit hindi pa kumakain. Hindi lang kasi nila mapigilan ang hiyang nararamdaman at isa pa, naninibago sila sa laki at ganda ng bahay. Para silang nakapasok sa kaharian ng langit. Lahat ng makita nila ay napakagara at umaakit sa kanilang mga mata. Parang nangangati ang mga kamay nila na atat na atat nakawin ang mga iyon pero ang kagandahang loob naman na ipinapakita ng matandang babae ang kumakalaban at pumipigil sa masama nilang balak.
Hindi na nila hinayaang lumamig pa ang pagkain sa lamesa kaya nagsimula na silang kumain. Napakasarap ng pagkakaluto ng fried chicken na noot ang mantika hanggang sa laman. Ang sitsarong bulaklak naman na kanilang pinapak ay napakalambot. Nakukulayan ng mantika pero hindi nakakauta. Ngayon pa lang sila nakakain ng masarap na pagkain kaya para silang mga aso na dinilaan pa ang pinggan para napnapin ang natitirang mantika.
Pero ang pinakamasarap na natikman nila ay ang sabaw na nakalagay sa mangkok. Wala itong sahog na kahit ano pero nang matikman nila ito ay nakalimutan na nilang uminom ng tubig. Sabaw pa lang ay ulam na at pawing-pawi pa ang kanilang uhaw. Pinagpawisan pa nga sila dahil sa init ng sabaw at umuusok pa.
"Ang sarap nyo pala magluto, lola!" pagpupuri ni Hussein, na tila nabura na ang hiyang nararamdaman nito dahil sa natikmang mga masasarap na putahe.
Natuwa naman ang matandang babae sa komento nito.
"Sige kumain lang kayo," nangingiti niyang sabi.
"Ano ho pala ang pangalan n'yo?" wala sa loob na naitanong ni Mark.
"Ako si Lola Barbara ninyo. Wala na akong pamilya kaya nakahiligan ko ang mag-ampon ng mga batang ulila para may kasama ako dito," pagpapakilala ng matanda.
"Nasaan na po 'yung mga ampon n'yo?" si Hussein ang nagtanong.
"Natutulog na sila sa kuwarto. Kayo ba may mga magulang pa ba kayo?" makahulugang tanong ni Lola Barbara sa kanila.
"S'yempre naman po," sabay tawa ni Hussein at napatingin sa kanyang katabi na si Mark. Ang nasa isip ni Hussein, baka balak rin silang ampunin ng matanda.
"Sobrang init!" reklamo ni Mark. Nagsimula siyang pagpawisan sa noo at leeg hanggang sa kamay. Maging si Hussein ay pinagpawisan rin sa sabaw pero hindi niya alintana iyon dahil sa sarap ng mga pagkain na kanyang natikman.
"Wala tayong magagawa. Mainit talaga ang panahon ngayon," anang matanda.
"Ano nga pala ang pangalan ninyo?" pahabol na tanong nito sa dalawang binatilyo.
"Ako po si Hussein."
"Ako naman po si Mark."
Matapos nilang magpakilala ay napatango lang ang matanda habang hindi nawawala sa mga labi nito ang kanyang ngiti.
Ilang sandali pa ay hindi na naging normal ang pakiramdam ng dalawa. Hindi nila malaman kung ang bahay ba talaga ang may mainit na temperatura kaya sila nagpapawis ng ganoon o baka dahil iyon sa sabaw na inubos nila.
Tagaktak ang tulo ng pawis nina Mark at Hussein. Mula ulo hanggang paa, para silang naliligo sa sariling pawis na halos bumakas pa sa kanilang mga soot na T-Shirt.
"A-ang init..." nasambit ni Hussein. Napahinto na rin ito sa pagkain. Parang gusto niyang hubarin ang kanyang damit para mapreskuhan lamang.
"W-wala po ba kayong... e-electric fan lola...?" matamlay ang boses na tanong ni Mark.
"Sandali lang. Kukunin ko 'yung stand fan sa kuwarto ko. Hintayin n'yo," anang matanda na parang wala lang sa kanya ang nararamdaman ng dalawang bisita. Naglakad ang matanda papunta sa kuwarto nito. Naiwan ang dalawang binatilyo sa kusina na parang binuhusan ng tubig ang buong katawan.
Lumipas ang labin-limang minuto ay hindi pa rin bumabalik ang matanda. Hindi na makapagsalita at makakilos sina Mark at Hussein sa kanilang kinauupuan. Nagsimula silang makaramdam ng takot nang makitang dugo na ang lumalabas na pawis sa kanilang mga katawan. At habang patagal ng patagal ay painit pa ng painit ang kanilang nararamdaman.
Ibig nilang umiyak at parang malalaglag ang kanilang puso sa takot habang pinagmamasdan ang mga dugo na nagsisilabasan sa kanilang mga katawan at sumasabay sa paglabas ng pawis.
Lumipas ang higit kalahating oras bago bumalik si Lola Barbara pero imbes na stand fan ay malaking tuwalya ang dala nito. Pagbalik niya sa kusina ay nadatnan niyang kalansay na lang ang dalawang binatilyo na nakaupo sa upuan ng mesa. Tunaw na ang balat ng mga ito. Ang kanilang dugo at mga lamang loob ay nagkalat at bumaha sa sahig.
Nilapitan niya ang kalansay ng dalawang binatilyo at maingat niya itong pinunasan.
"Buti na lang nakahanap na ako ng magiging kuya ng aking mga bunso," wika niya habang pinupunasan ang mga ito. Pagkatapos ay binuhat niya ang dalawang kalansay at ipinasok sa kuwarto at itinabi niya sa iba pang mga kalansay ng mga batang maliliit na marahil ay dati ring mga batang gala na di sadyang napadpad sa harap ng bahay ni Lola Barbara.

"ANG tagal naman ng dalawa sa loob! Ayaw na nila yatang iwanan ang bahay!" reklamo ni Reyhenson na kababalik lang kasama ang isa pa nilang kasamahan na si Kenneth.
"Pasukin na rin kaya natin itong bahay? Mukhang napasubo ang dalawa sa loob, e," ani Kenneth habang may yosi ang bibig.
"Halika na nga!" Nauna nang umakyat sa bakod si Reyhenson. Sumunod naman sa kanya si Kenneth na lumingon pa ng kaliwa't kanan para makasiguradong walang nakakakita sa kanila.
Pagkababa nila sa bakod ay nagulat sila sa pagtahol ng aso. Aakyat sana silang muli pero nakawala ang aso sa pagkakatali nito at bago pa maka akyat ang dalawa ay nakagat na sa paa si Kenneth. Napasigaw ito sa sakit.
Sa Reyhenson naman ay nagmadaling maka akyat sa bakod upang makatakas. Hindi na niya tinulungan pa si Kenneth dahil sa takot niya na makagat din ng aso. At isa pa, hindi naman talaga niya kaibigan si Kenneth pati sina Hussein at Mark. Dahil tulad ni Mark, sumali lang din si Reyhenson sa modus na iyon para magkapera at makabili ng pagkain.
Pero ngayon pa lang ay pinagsisisihan na niya ang ginawang pagsali sa mga ito. Babalik na siya sa kanyang mga magulang at magtitiis na lamang sa ulam na tuyo at asin kaysa naman makakain ng masarap pero galing naman sa nakaw.

"AAAAAHHH...! Sakloloooo...!" Ang sigaw ni Kenneth ay umalingawngaw sa buong paligid, sapat na iyon para marinig siya ni Lola Barbara. Agad itong lumabas ng bahay, nadatnan niya ang binatilyong si Kenneth na bihag pa rin ng aso ang kanyang paa sa bibig ng alaga.
"Tsupi! Boboy, tama na 'yan!" pagtataboy niya sa alagang aso. Nang bumitaw ang aso sa pagkaka-kagat sa kaliwang paa ni Kenneth ay agad tinulungan ng matanda na makatayo ang bata pero hirap itong ikilos ang mga paa.
"Hijo, mukhang malala 'yang sugat mo sa paa. Pasensya ka na sa aso ko. Halika gagamutin ko muna 'yang sugat mo sa loob." Inalalayan na lamang ng matanda si Kenneth habang gumagapang ito papasok sa loob. Di nito kinaya ang hapdi ng kanyang paa na nakagat ng aso kaya napaiyak siya na parang bata.
Nang makapasok na sa loob ay inalalayan ng matanda na makaupo sa sofa si Kenneth pagkatapos ay inihiga niya ang binatilyo.
"Sandali lang, kukuha lang ako ng panyo na pantali sa iyong mga paa at mamaya ay isusugod agad kita sa emergency para mabakunahan ka agad nila," anang matanda at dali-daling nagpunta sa kusina.
Pero imbes na buksan ang kanyang first aid kit ay kasirola ang kanyang binuksan at nagsandok ng sabaw sa mangkok.
Hinatid niya iyon kay Kenneth at pinahigop ng sabaw.
"Humigop ka muna. Masustansya 'yan. Para hindi agad kumalat ang rabis sa iyong katawan," pagsisinungaling ng matanda at dahan-dahang sinubuan ang binatilyo ng sabaw.
Pinaubos ng matanda ang sabaw sa binatilyo. Halos hindi na makapagsalita si Kenneth. Nananamlay siya at nanghihina. Wala na siyang lakas para makatayo pa. Ilang sandali pa ay bigla siyang pinagpawisan. Walang patid ang paglabas ng pawis hanggang sa sumabay sa paglabas ang dugo niya sa katawan!
Di nagtagal, katulad na rin siya nina Mark at Hussein. Nagkalat ang mga dugo at laman niya sa sofa hanggang sahig at tanging kalansay lamang niya ang nanatiling buo.
Kumuha naman ng tuwalya si Lola Barbara at dahan-dahang ang kalansay pagkatapos ay binuhat niya ito papunta sa kuwarto at itinabi sa kalansay nina Mark at Hussein.
"'Yan ang napapala ng mga batang pagala-gala sa gabi..." nanunuksong wika ni Lola Barbara habang nakatingin sa kalansay ng mga batang kanyang biktima. Nagpakawala siya ng mala-demonyong ngiti.

ISANG linggo na ang nakalilipas pero hindi na nakita ni Reyhenson ang tatlo niyang mga kasamahan noon sa pagnanakaw, lalo na kay Kenneth na nakagat pa ng aso bago niya ito iniwanan sa bahay. Kahit hindi niya ito mga kaano-ano ay hindi pa rin niya maiwasang mag-alala para sa mga ito. Ang hindi niya alam ay kabilang na rin ang tatlong binatilyo sa mga biktima ni Lola Barbara na nakahigop ng sabaw na may kulam!

SAMANTALA, nahuli sa CCTV Camera ang aktwal na pag-akyat nina Mark, Hussein pati ang pagkagat ng aso kay Kenneth. Pero ang hindi nila maintindihan ay kung bakit hindi na lumabas ng bahay ang mga ito hanggang ngayon.
At ang isa pang ipinagtaka ng mga barangay tanod ay ang matandang babae na nahuli rin sa CCTV na pinapasok ang dalawang binatilyo sa loob ng kanyang bahay. Naisip nila na baka may kinalaman ang matandang iyon sa pagkawala ng mga kabataan noong nakaraang buwan. Madalas kasi nilang nakikita ang matanda noon sa CCTV na palaging lumalapit at nagbibigay ng pagkain sa mga batang gala lalo na kapag gabi, at pagkatapos nitong makuha ang loob ng mga bata ay isinasama niya ito sa loob ng kanyang bahay. At magmula noon ay nagsimula na ang reklamo ng mga magulang na nawawalan daw sila ng mga anak.
Kaya para makasigurado ay napagpasyahan nilang puntahan ang naturang bahay ng matanda para imbestigahan!
Nang umagang iyon ay pinasok nila ang bahay ng matanda. Hindi naka-lock ang pintuan at gate kaya agad nakapasok ang mga alagad ng batas. Hinanap nila ang matanda sa buong sulok ng bahay.
Natagpuan nila ito sa kuwarto at ganoon na lamang ang sindak nila ng makita ang matandang babae na kinakausap ang mga kalansay ng mga bata na naka-display sa buong paligid ng kuwarto. Tama nga ang hinala nila. Ang matandang babae nga ang nangingidnap ng mga bata mula noon!
Tinutukan nila ng baril ang matanda para ito’y matakot.
“A-anong gagawin n’yo sa akin?” tila nagpapakaawa ang hitsura ni Lola Barbara.
“Sumama na lang po kayo sa amin, lola. Sa prisinto na kayo magpaliwanag.” Sinenyasahan ng isang pulis ang dalawa niyang kasamahan para posasan ang matanda.
“H-hindeeee! Hindi ko puwedeng iwanan ang mga anak kooooo!!!” sigaw ng matandang babae habang lumuluhang nakatingin sa mga kalansay ng mga bata.
Ang akala ng mga pulis ay nababaliw na ito. Ang hindi nila alam ay may lahing mangkukulam si Lola Barbara at ang misyon niya sa mundo ay mambiktima ng mga kabataan na walang kamuwang-muwang pa. Kokolektahin niya ang kalansay ng mga ito at kapag umabot na sa labing walo ang bilang ng mga ito ay dadalhin niya ito sa kanilang probinsya at iaalay sa kanilang pinuno para bigyan siya ng gantimpala. At ang gantimpalang iyon ay ang mas malakas na kapangyarihang itim.
Subalit bigo si Lola Barbara na magawa ang kanyang misyon dahil sa prisinto na ang kababagsakan niya…
Wala ng makakatikim pa sa kanyang lutong sabaw.

- The Soup -
***THE END***

Written by Daryl Makinano Morales

No comments:

Post a Comment